Martes, Enero 6, 2026

Dalawang plato pa rin tayo sa kaarawan mo

DALAWANG PLATO PA RIN TAYO SA KAARAWAN MO

dalawang plato pa rin ang inihanda ko
sa kaarawan mo, mahal, tig-isa tayo
bagamat alam kong ako lang ang kakain
naisip kong ang handa'y pagsaluhan natin

pagbati ko ay maligayang kaarawan
wala ka na subalit ikaw pa'y nariyan
wala mang keyk, ipagpaumanhin mo, sinta
pagkat keyk ngayon higit presyong Noche Buena

binilhan ka ng paborito mong adobo
tayo lang dalawa ang magsasalo-salo
bagamat ako lang talaga ang uubos
datapwat ako lang mag-isa ang uubos

sinta kong Libay, tigib man ako ng luhà
happy birthday ang bati ng abang makatâ

- gregoriovbituinjr.
01.06.2026

Sa iyong ika-42 kaarawan

SA IYONG IKA-42 KAARAWAN

saan ka man naroroon
maligayang kaarawan
ninamnam ko ang kahapon
na tila di mo iniwan

oo, nasa gunita pa
ang mapupula mong labi
akin pang naaalala
ang matatamis mong ngiti

tulad ng palaso't busog
ni Kupido sa puso ko
binabati kita, irog
sa pagsapit ng birthday mo

muli, pagbati'y tanggapin
sa puso ko'y ikaw pa rin

- gregoriovbituinjr.
01.06.2026

Madaling araw

MADALING ARAW

tila ako'y nagdidiliryo
di naman masakit ang ulo
baka nananaginip ako
nagtataka, anong totoo?

kahit nagugulumihanan
tila batbat ng kalituhan
ako'y tumayo sa higaan
at kinuha ang inuminan

ako ba'y nakikipaghamok
sa mga kurakot sa tuktok
agad naman akong lumagok
ng tubig, at di na inantok

madilim pa pala't kayginaw
pagbangon ng madaling araw
katawan ko'y ginalaw-galaw
ay, sino kaya ang dumalaw?

- gregoriovbituinjr.
01.06.2026

Lunes, Enero 5, 2026

Kaypanglaw ng gabi

KAYPANGLAW NG GABI

ramdam ko ang panglaw ng gabi
lalo ang nagbabagang lungkot
sa kalamnan ko't mga pisngi
na di batid saan aabot

may hinihintay ngunit walâ
subalit nagsisikap pa rin
sa kabila ng pagkawalâ
ng sintang kaysarap mahalin

tila ba gabi'y anong lamlam
kahit maliwanag ang poste
at buwan, tila di maparam
ang panglaw at hikbi ng gabi

sasaya ba pag nag-umaga?
o gayon din ang dala-dala?

- gregoriovbituinjr.
01.05.2026

Luhà

LUHÀ

ang kinakain ko'y / mapait na luhà
sapagkat ang sinta'y / kay-agang nawalâ
ang tinatagay ko'y / luhang timbâ-timbâ
na buhay kong ito'y / tila isinumpâ

pasasaan kayâ / ako patutungò
kung yaring sarili'y / tila di mahangò
hinahayaan lang / na ako'y igupò
ng palad at buhay / na di ko mabuô

tanging sa pagkathâ / na lang binubuhos
ang buong panahon / ng makatang kapos
bagamat patuloy / pa rin sa pagkilos
kasama ng masa't / obrerong hikahos

napakatahimik / pa rin nitong gabi
kahit may nakuro / ay walang masabi
nakatitig pa rin / ako sa kisame
habang sa hinagpis / pa rin ay sakbibi

- gregoriovbituinjr.
01.05.2026

Dalawang bayani: Carlos Yulo at Alex Eala

DALAWANG BAYANI: CARLOS YULO AT ALEX EALA

dapat bang pumili lang ng isa
gayong parehong nag-ambag sila
sa sports ng bansa't nakilala
sa pinasok na larangan nila

mahilig tayong isa'y piliin
bakit? para ang isa'y inggitin?
ang dalawa'y parangalan natin
na bagong bayani kung ituring

dapat ba isa'y pangalawa lang?
gayong magkaiba ng larangan
isa'y gymnast, isa'y tennis naman
bakit isa ang pagbobotohan?

ang isa'y di mababa sa isa
Athlete of the Year sana'y dalawa
Carlos Yulo at Alex Eala
kinilala sa larangan nila

nagningning ang kanilang pangalan
dahil kanilang napagwagian
ang laban, puso't diwa ng bayan
kayâ kapwa sila parangalan!

- gregoriovbituinjr.
01.05.2025

* ulat mulâ sa pahayagang Pilipino Star Ngayon at Pang-Masa, Enero 4, 2026, sa sports page

Magandang umaga

MAGANDANG UMAGA!

magandang umaga, kumusta na?
pagbating kaysarap sa pandama
tilà baga ang mensaheng dala
paglitaw ng araw, may pag-asa

saanmang lupalop naroroon
batiin natin sinuman iyon
nang may ngiti, panibagong hámon
at baka may tamis silang tugon

kasabay ng araw sa pagsikat
ay narito muli't nagsusulat
pagbati ko'y isinisiwalat
magandang umaga po sa lahat!

simulâ na naman ng trabaho
muli, kakayod na naman tayo
nawa'y mabuti ang lagay ninyo
walang sakit at malakas kayo

- gregoriovbituinjr.
01.05.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/1CCUh1PJVk/ 

Dalawang plato pa rin tayo sa kaarawan mo

DALAWANG PLATO PA RIN TAYO SA KAARAWAN MO dalawang plato pa rin ang inihanda ko sa kaarawan mo, mahal, tig-isa tayo bagamat alam kong ako la...