Tula sa Earth Day 2020
Earth Day, ating ipagbunyi ang Araw ng Daigdig
Alagaan ang kalikasan at magkapitbisig
Ritmo ng kalupaan ay iyo bang naririnig?
Tao raw ang sumira't tao rin ang nayayanig
Halina't dinggin ang kalikasang bahaw ang tinig.
Dumi sa paligid, basura sa laot at tuktok
Ang upos, plastik at polusyong nakasusulasok
Yinari ng taong siya ring lulutas, lalahok.
- gregbituinjr.
04.22.2020
Miyerkules, Abril 22, 2020
Martes, Abril 14, 2020
Kwento: Bakit ba sa wikang Kastila nasulat ang Unang Sigaw sa Yungib ng Pamitinan?
BAKIT BA SA WIKANG KASTILA NASULAT ANG UNANG SIGAW SA YUNGIB NG PAMITINAN?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Mahilig din pala ang mga maralita sa usaping kasaysayan. Iyon ang naging pag-uusap ng ilang nasa pamunuan ng Samahang Kapitbahayan ng Sitio Santol dahil sa asignatura ng anak ng isang kagawad.
“Alam n’yo bang ang Unang Sigaw sa kasaysayan noong panahon ng Katipunan ay di naganap sa Balintawak o sa Pugad Lawin?” Ani Igme.
“Saan naman?” Agad na tanong ni Ingrid habang nagsasandok ng lugaw sa kanyang munting karinderya.
“Sa Yungib ng Pamitinan, doon sa Montalban, Rizal.” Sagot ni Igme. “Pinangunahan iyon ni Supremo Andres Bonifacio, kung saan naroon din si Emilio Jacinto at iba pang Katipunero. At isinulat nila sa dingding ng nasabing yungib ang mga katagang ‘Viva La Independencia Filipinas!”
Napakunot noo si Igor na mahilig din sa kasaysayan. “Aba’y bakit kaya sa wikang Espanyol nila isinulat ang kanilang sigaw, imbes na sa wikang Filipino? Dapat ang isinulat nila ay ‘Mabuhay ang Haring Bayang Katagalugan!’ at hindi sa wikang banyaga. Hindi ba? Nagtatanong lang naman ako at nagtataka.”
“Sabagay, may punto ka, Igor. At kahit ako’y napaisip na rin sa iyong katanungang iyan.” Ani Igme. “Lalo na at ang namamayagpag sa ating kasaysayan ay kung saan ba talaga ang unang sigaw ng himagsikan, sa Pugad Lawin ba o sa Balintawak? Tapos ay mayroon pa palang Unang sigaw sa Pamitinan.”
Sumabat si Isay na kanina pa pala nakikinig habang naggagayat ng sibuyas, bawang at kamatis para sa lulutuin niya mamaya. “Buti naman at nagsasaliksik din ang anak ni Kagawad Ines kaya nababatid din natin ang ganyan. Aba’y palabasa talaga ang anak niyang iyon, at matalino. Biruin n’yong nasaliksik pa niya ang isang nakatago, o pilit na itinatagong yugto sa kasaysayan ng ating bayan.”
“Iyan daw kasi ang iuulat ng anak ni Kagawad na high school na, at nabasa niya iyon sa nakita niyang libro sa National Library.” Ani Igme.
“Sandali. Nais ko ring mabasa ang aklat na iyon, dahil nga kung bakit sa wikang Kastila nila isinulat ang panawagan nilang kalayaan laban sa mga mananakop, gayong bagamat nakakaunawa sila ng wikang Kastila ay dapat sa sarili nating wika nila iyon isinulat. Hindi ba?” Ang sabi ng nakakunot noong si Igor.
Sumabat si Inggo, na kanina pa rin nakikinig habang kumakain ng lugaw. “Baka po, dapat kayong humingi ng payo sa mga kilalang historyador sa pamantasan, at baka may makatugon sa inyong tanong.”
Napadaan naman sa karinderyang iyon si Ime na anak ni Kagawad Ines, at pauwi na ng bahay. Tinanong siya kung kailan siya mag-uulat sa kanilang paaralan dahil nais nilang makinig at manood, at nang sila’y makapagtanong na rin sa kanyang guro.
“Bukas po ng umaga.” Ani Ime. “Subalit baka hindi kayo papasukin ng gwardya. Ang mabuti po yata, pagkatapos kong mag-ulat sa klase ay ipakausap ko kayo sa aking gurong si Ginoong Isagani Madlangbayan. Ayos po ba iyon sa inyo.”
“Oo, Ime, pupunta kami.” Ani nina Ingrid, Isay, Igme, Inggo, at Igor.
Kinabukasan, bandang ikawalo ng umaga ay sabay nang nagtungo sa eskwelahan ang mga magkakapitbahay sa layuning marinig ang tugon ng guro sa kanilang katanungan. Habang pumasok na si Ime sa klasrum. Matapos mag-ulat ay kinausap niya ang kanyang guro sa Kasaysayan.
Pinuntahan sila ng guro, kasama si Ime. Nasa labas sila ng paaralan at pinapasok na ng gwardya. Nagtanong sila at sinagot naman sila.
“Tunay po ang sinabi ninyo.” Ani Guro Madlangbayan. “Subalit hindi ko alam ang mga kasagutan na wala rin sa saliksik ni Ime. Kaya ang masasabi ko lang ay marahil. Dahil wala pa akong nabasang paliwanag sa katanungan po ninyo. Marahil, kaya isinulat ng mga Katipunero ang “Viva la Independencia Filipinas!” sa mga dingding ng Yungib Pamitinan noong Biyernes Santo, Abril 12, 1895, sa wikang Kastila sapagkat iyon ang opisyal na wika ng pamahalaan at edukasyon noon. Marahil, dahil iyon ang pangunahing midyum na nauunawaan ng mga nasyonalista upang direktang hamunin ang imperyong Espanyol. Sana po’y nasagot ko po ng mahusay ang inyong katanungan.”
“Maraming salamat po sa inyong paliwanag, Guro Madlangbayan. Sir, tutuloy na po kami. Ime, mag-aral kang mabuti, ha?” Sabi ni Igor.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2020, pahina 18-19.
Huwebes, Abril 2, 2020
Usapan ng mga langgam
USAPAN NG MGA LANGGAM
nag-uusap-usap ang pulutong ng mga langgam
paano raw masawata ang mga mapang-uyam
paano pagsasamantala'y tuluyang maparam
paano rin kakamtin ang lipunang inaasam
mga tanong na karaniwan nilang agam-agam
paano ka tutugon sa mga tanong na ito
lalo't dapat suriin ang kalagayan sa mundo
marahil, magkakaroon lamang ng pagbabago
kung walang pribadong pag-aaring pribilehiyo
ng mga nakakariwasa't mayayamang tao
babalik ba sa panahong primitibo komunal
kung saan may pagkapantay, buhay ay di marawal
baka bumalik ang panahong alipin at pyudal
at muling magsamantala ang mga may kapital
pag naulit lahat ng ito, tayo'y mga hangal
di matapos-tapos ang usapan nila't debate
hanggang ang kasalukuyan ay sinuring mabuti
pangarap na pagkapantay at prinsipyo'y sinabi
komunal man, ngunit di primitibo ang maigi
kundi progresibong komunal ang dapat mangyari
- gregbituinjr.
Nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari
Nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari
nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari
animo'y nagpapatuloy pa ang pagkukunwari
"papatayin ko kayo!" sabi ng baliw na hari
karapatang pantao'y balewala't ginagapi
anila, sa dulo ng bahaghari'y may ginto raw
ngunit pinag-interesan ng mga trapo't bugaw
bilyong ginto para sa nasalanta'y inaagaw
tila ito sa likod ng taumbaya'y balaraw
lumitaw ang bahaghari nang matapos ang unos
may bagong unos sa nagprotestang gutom at kapos
nais silang patayin ng hari, ito ang utos
sa kanyang mga asong handang mangagat, umulos
bilyon-bilyong barang ginto'y para sa sambayanan
na sa dulo ng bahaghari'y kukunin na lamang
subalit pilit pinupuslit ng trapong gahaman
gayong nangangamatay na ang mga mamamayan
sa mga tampalasang iyon ay sinong uusig
dapat masa'y kumilos, isyung ito'y isatinig
kaya manggagawa't dukha'y dapat magkapitbisig
upang mga lilo't sukab ay tuluyang malupig
- gregbituinjr.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)
Depinisyon nila ng progreso
DEPINISYON NILA NG PROGRESO sinira ang kalikasan minina ang kabundukan kinalbo ang kagubatan para raw sa kaunlaran trato sa puno ay troso ka...
-
GINISANG SARDINAS NA MAY MALUNGGAY may dalawang sanga ng malunggay at may isang lata ng sardinas tiyak na namang ako'y didighay muling g...
-
ALTANGHAP (ALmusal, TANGhalian, HAPunan) pritong isda, talbos ng kamote okra, bawang, sibuyas, kamatis pagkain ng maralita'y simple upan...
-
natumba ang kandilâ at mesita'y nangitim nangalabit nga kayâ ang mga nasa dilim umihip lang ang hangin sa apoy na sumayaw tila ba isang ...




