MANDARAGAT NG NAVOTAS, ITINAPON SA BUNDOK NG TOWERVILLE, WALANG DAGAT UPANG MAGHANAPBUHAY DOON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nag-uusap ang ilang mga mangingisda sa Navotas na nailipat na sa relokasyon sa bundok ng Towerville sa San Francisco Del Monte sa Bulacan, nang minsang mapadalaw si Igor doon dahil sa ilang gawain sa samahan niyang pinaglilingkuran. Nagkita sila nina Inggo, Isko, at Igme.
Bungad ni Inggo, “Alam mo, Igor, kami nina Igme, at ng asawa kong si Isay, hindi na halos kumakain, at sumasala na sa oras pati ang aming mga anak. Hindi kagaya noong nasa Navotas pa kami, kahit paano’y nakakakain kami ng tatlong beses kada araw, lalo na pag may huli, kahit barungbarong lang tirahan namin. Dito sa relokasyon, walang dagat. Wala rito ang kabuhayan. Gutom ang inaabot namin dito. Binigyan ka nga ng bahay ngunit hindi naman makakain. Nagbago ang lahat, Igor.”
“Kung hindi po maganda ang kalagayan ninyo dito sa relokasyon, ano pong balak ninyong gawin?” Tanong ni Igor.
Mabilis namang sumagot si Isko, “Nais naming bumalik sa Navotas at doon ay makipagsapalaran muli. Mangingisda muli kami roon, kasama ng aming pamilya, kaysa mamatay kami sa gutom dito.”
“Di po ba, may sinasabi sa UDHA (Urban Development and Housing Act) na bibigyan daw kayo rito ng kabuhayan sa relokasyon upang kayo’y makapagsimula muli.” Usisa ni Rigor, at sumagot si Igme.
“Mukhang hindi naman totoo iyon. Dahil hanggang ngayon, ilang buwan na kami rito, ay wala namang pangkabuhayan. Maliban sa P18,000 na pabaon paglipat dito na halos paubos na. Aba’y kami pa ang nag-finishing ng bahay na bigay dahil manipis ang pader, na may lamat na. Ang totoo lang dito, dinala kami rito at bahala na kami. Dumating kaming walang kuryente at tubig. Nag-iigib pa kami sa ilog sa ibaba, na ginawa na ring labahan.” Mahabang sabi ni Igme. “Kaysa magutom ang pamilya namin, mangingisda uli kami sa Navotas. Kahit paano, may makukuha pang tahong doon, na maaaring ibenta at kumita kahit papaano.”
"Kailan po ninyo balak bumalik ng Navotas?” Muli, si Igor.
Napabuntunghininga si Inggo, “Maganda na nga may sarili kaming bahay. Subalit gutom naman ang inaabot namin dito. Sa Sabado ay luluwas kami pabalik sa Navotas at muling makapangisda roon. O kaya’y manguha ng tahong. Baka may mga kaibigan pa tayong makakatulong sa amin. Alam mo naman, Igor, mahirap namang manghingi, dahil walang-wala rin sila. Makikitrabaho lang.”
“Nauunawaan ko po kayo, Mang Inggo. Kumusta po pala ang mga anak ninyo?” Usisa ni Igor.
Si Inggo uli, “Isa pa iyan. Simula nang mapunta kami dito, di na sila nakapag-aral. Grade 6 na sana si Dayunyor ko. Iyan din, nais ko silang makatapos kahit elementarya. Igapang sila sa pangingisda ko sa Navotas. Kahit nga tuyong dilis o tuyong hawot ay nag-uulam din sila. Paborito nila ang tahong.”
Maya-maya, dumating na si isay, kasama ang hipag na si Ines, na asawa ni Igme. Galing sila sa pangunguha ng talbos ng kamote na nadatnan na nilang tanim sa relokasyon.
“Nandiyan ka pala, Igor? Buti, nadalaw ka.” Ani Isay.
“Oo nga po. Nangungumusta lang po.” Sagot naman ni Igor.
“Mahirap ang buhay dito sa relokasyon.” Nakatungong sabi ni Aling Isay. “May bahay nga, subalit kung hindi ka magtitiyagang magtanim-tanim ay baka mamatay kami sa gutom dito. Di tulad sa Navotas, nakaka-ekstra pa ako sa pagbebenta ng tahong na pinanguha nitong si Inggo at mga kasamahan niya.”
Sumabat si Ines, “Balak na nga naming bumalik sa Navotas, hindi gaya rito, baka magkasakit na nga kami rito. Iyong iba nga naming kasabayang pumunta rito, umalis na. Binenta ang bahay nila upang may maipandagdag sa pagkain nila. Para kasi kaming dagang itinaboy sa malayo at bahala na kami rito. Kaya nagbabalak din kaming bumalik sa pangingisda sa Navotas upang kahit paano ay may makakain kami. Teka, ilaga ko lang muna itong talbos ng kamote, at sabay na tayong kumain. Marami pa tayong pagkukwentuhan,”
Napatanga na lang si Igor at napatango. Naisip niyang bakit ganito ang nangyari? Nasaan ang pangako ng pamahalaan, na sa relokasyon, dapat ay may serbisyong panlipunan, tulad ng tubig at kuryente. At higit sa lahat, may pangkabuhayan sa mga nadala rito upang hindi sila magutom at makapamuhay ng maayos. Nasaan na ang mga iyon?
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Enero 16-31, 2019, pahina 18-19.