Miyerkules, Pebrero 27, 2019

Kwento - Ang mga marginalized o sagigilid

ANG MGA MARGINALIZED O SAGIGILID
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasaliksik ni Ipe, na kasama ni Inggo sa samahang maralita, na may salitang sagigilid nang nabasa niyang muli ang kasaysayan ng ating bansa noong bago dumating ang mga Kastila. Mayroon palang dalawang uri ng alipin - ang aliping namamahay at ang aliping sagigilid.

“Alam mo, Inggo, may katumbas na pala noon pa ang salitang marginalized, tulad sa marginalized sector, sa ating sariling wika. Ito ang sagigilid. Mula sa margin o gilid, ang marginalized ay sagigilid.” Ani Ipe.

“Aba’y ganoon ba, Ipe,” ani Inggo, “ayos iyan upang magamit muli, lalo na’t nakikita nating tila nababoy na ang partylist system. Pinasok na ng mga hindi naman galing sa marginalized sector ang partylist system. Tulad ni Miko Arro na first nominee ng Guardia partylist ngunit hindi naman gwardya, kundi artista. May isa pang mayaman na first nominee ng party list ng Magbabalut. Aba’y talagang nawala na sa tunay na diwa ang party list system, na imbes mula sa hanay talaga ng mga mahihirap at maliliit  ay mula pa  sa mga trapong pulitiko.”

“Ibig sabhin niyan, Inggo” ani Ipe, “halos nawala na talaga ang esensya ng labindalawang saray o sektor ng sagigilid sa partylist. Buti na lang may partylist pa na kumakatawan sa mga magsasaka,  kabataan, manggagawa, kababaihan, at iba pang aping saray ng lipunan. Ang tanong na lang, maipapanalo ba sila?”

Malayo-layo roon si Igme habang nakaupo sa karinderya ni Aling Isay, subalit dinig niya ang pinag-uusapan. Maya-maya’y sumabat siya, “Iyung tinatawag n’yong sagigilid ay marginalized pala. Alam n’yo ba, na inaral ko rin iyan noon, kaya lang mga alipin sila. May tinatawag ngang aliping namamahay at aliping sagigilid.”

“Kung natatandaan mo,” ani Inggo, “pakipaliwanag muli.”

Kaya agad nagpaliwanag si Igme, “Ayon sa pagkakatanda ko, ang aliping namamahay ay yaong karaniwang taong nakatira sa kanilang sariling bahay, na maaaring magkaroon ng ari-arian ngunit hindi lupa, at may karapatang magpakasal at magpamana ng mga ari-arian sa kanilang mga anak. Kabaligtaran naman nito ang aliping sagigilid sapagkat sila ang pinakamababang uri ng aliping nakatira sa bahay ng amo, walang ari-arian o kalayaan, maaaring ipagbili, at hindi makakapag-asawa nang walang pahintulot, di gaya ng isang modernong alipin o kasambahay.”

“Salamat sa paliwanag mo,” ani Ipe, “Ganyan din naman ang mga modernong sagigilid. Walang ari-arian, kundi lakas-paggawa, na kanilang ibinebenta kapalit ng sahod. Sila ang nagbebenta ngunit ang bumibili pa ang nagtatakda ng presyo. Di ito gaya sa palengke na ang nagbebenta ang nagtatakda ng presyo, hindi ang bumibili.”

Nagpatuloy si Igme, “Kahit nga iyong salitang timawa, ngayon ay kawawa. Subalit noon, ang timawa ay yaong mga hindi alipin, kundi mga taong malaya. Ibig sabihin lang, umuunlad at nag-iiba-iba ang mga salita. Tulad ng margin sa papel, iyon ang gilid. Kaya ang marginalized na mula sa margin, iyon ang sagigilid na salitang mula sa gilid. Kaya nga, dapat na ating gamitin ang salitang sagigilid bilang katumbas ng marginalized, at hindi mardyinalisado, na parang itlog na malasado. Para rin iyang salitang iskwater na ngayon ay ginawang ISF o informal settler families.”

Sumagot si Inggo, “Maganda ang paliwanag mo. Subalit paano natin iyan maipapalaganap, lalo na’t pinag-uusapan natin iyang partylist system? Ang mungkahi ko, gamitin natin ang ating panulat. Maglabas tayo ng aklat ng mga sanaysay, puna, kwento at tula, na maaari nating pamagatang ‘Ang mga kasalukuyang sagigilid: Ang partylist system sa ating panahon.’ Ano sa palagay n’yo?”

“Ayos ka ring mag-isip, ah. Bagamat may katagalan iyan, aba’y atin nang simulan. Ang kakayahan ko’y magsulat ng polyeto, kaya isusulat ko na iyan.” Ani Ipe, “Ikaw naman, magaling kang tumula. Itula mo na. Si Igme naman ang pag-upak sa binaboy na partylist system, na maaari niyang isulat sa mga letter-to-the-editor. Subukan din nating sumulat sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) upang magamit din nila ang luma ngunit taal na salita natin sa marginalized.”

“Okay,” sabi ni Igme, “Sisimulan ko na ang ating paninindigan sa pagbaboy ng burgesya sa partylist at paggamit natin ng sagigilid bilang tiyak na salin ng marginalized. Gumagabi na. Maraming salamat.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pebrero 16-28, 2019, pahina 16-17

Huwebes, Pebrero 14, 2019

Kwento - Apat na obligasyon ng bawat pamahalaan sa karapatan sa paninirahan


APAT NA OBLIGASYON NG BAWAT PAMAHALAAN SA KARAPATAN SA PANINIRAHAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ano nga ba ang karapatan sa paninirahan? Isa ito sa mga isyung nakaharap ko nang maging staff ako ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong 2001. At ngayong nahalal na ako bilang sekretaryo heneral ng KPML nitong Setyembre 2018, mas lumaki ang responsabilidad ko upang ituro sa mga kapwa maralita kung ano nga ba ang karapatan sa paninirahan.

Napakahalaga para sa bawat tao o bawat pamilya na magkaroon ng sapat na paninirahan. Paninirahang hindi siya maiirita, kundi tahanang siya o sila'y masaya. Ngunit sa maralita, lalo na sa mga lugar ng iskwater, maraming demolisyon ang nagaganap; maraming maralita ang nawawalan ng tahanan. Ngunit kasalanan ba ng mga maralita na tumira sila sa barung-barong, gayong dahil sa kahirapan ay yaon lamang ang kanilang kaya? Katunayan, ilan sa mga labanang nasaksihan ko ay ang demolisyon sa Sitio Mendez, North Triangle at sa Brgy. Mariana, na pawang nasa Lungsod Quezon. Taon 2013, ayon sa pagkakatanda ko, nang mademolis sina Ka Sandy sa kanilang lugar sa Mariana. Subalit nalipat na sila sa kung saan may kapayapaan ang kanilang isip. Taon 1997 nang sina Ka Linda ng Sitio Mendez ay nademolis at muling nakabalik sa kanilang lugar matapos ang higit isang buwan sa Quezon City Hall matapos idemolis.

May mga ilan akong natutunan na nais kong ibahagi, di lang sa kanila o sa kapwa dukha, kundi sa malawak na mamamayan. Ayon sa aking mga pananaliksik, sa ilalim ng International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR) ng United Nations, may APAT NA OBLIGASYON ang bawat gobyerno hinggil sa karapatan para sa sapat na pabahay:

1.To recognize - PAGKILALA - obligasyon ng Estado na kilalanin ang karapatan sa pabahay ng sinuman at tiyaking walang anumang batas o patakarang sasagka sa karapatang ito;

2. To respect - PAGGALANG - tungkulin ng Estado na igalang ang karapatan sa sapat na pabahay, kaya dapat nitong iwasan ang pagsasagawa o pananawagan ng sapilitang pagpapaalis o pagtanggal ng mga tao sa kanilang mga tinitirhan;

3. To protect - PAGPROTEKTA - tungkulin ng Estado na protektahan ang karapatan sa pabahay ng buong populasyon, kaya dapat nitong tiyakin na anumang posibleng paglabag sa mga karapatang ito na gagawin ng ikatlong partido (third party) tulad ng mga landlord at developer ay maiiwasan;

4. To fulfill - PAGGAMPAN - ang obligasyon ng Estado na magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ay positibo at may pakikialam, kaya pumapasok dito ang tungkulin ng Estado hinggil sa isyu ng pampublikong gastusin (public expenditure), regulasyon ng gobyerno sa ekonomya at pamilihan sa lupa (land market), mga probisyon sa pampublikong serbisyo at kaugnay na imprastruktura, paggamit ng lahat ng available resources, at iba pang positibong obligasyong lilitaw para positibong magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ng lahat.

Kailangang kabisado natin ang mga ito lalo na sa pagtalakay nito sa mga taga-gobyerno at sa mga samahang maralita. Lalo na’t marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Madalas batay sa market value ang presyo ng pabahay, habang hindi pinag-uusapan ang capacity to pay ng maralita.

Sinabihan nga ako ni Ka Pedring, “Ipalaganap natin ang karapatan sa paninirahan at ipamahagi natin ito sa mga erya ng KPML at sa labas ng ating pinamumunuan. Hindi man naipapabatid sa atin ng pamahalaan ang ating mga karapatan sa paninirahan, tayo ang magbabahagi nito sa pamahalaan at sa ating kapwa maralita.”

Sumang-ayon naman kami sa National Executive Committee (NEC) na mahalagang maipalaganap ang karapatan sa paninirahan. Ah, dadagdagan ko pa ang pananaliksik hinggil dito lalo na’t marami palang pandagdigang kasunduan hinggil sa ating karapatan sa pabahay.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pebrero 1-15, 2019, pahina 16-17.

Paanyaya sa Setyembre 21, 2025

bayan, nalulunok mo pa ba iyang katiwalian nila nabibilaukan ka na ba sa proyektong 'ghost' wala pala bayan ko, binaha ka na ba dahi...