Miyerkules, Abril 22, 2020

Tula sa Earth Day 2020

Tula sa Earth Day 2020

Earth Day, ating ipagbunyi ang Araw ng Daigdig
Alagaan ang kalikasan at magkapitbisig
Ritmo ng kalupaan ay iyo bang naririnig?
Tao raw ang sumira't tao rin ang nayayanig
Halina't dinggin ang kalikasang bahaw ang tinig.

Dumi sa paligid, basura sa laot at tuktok
Ang upos, plastik at polusyong nakasusulasok
Yinari ng taong siya ring lulutas, lalahok.

- gregbituinjr.
04.22.2020

Huwebes, Abril 2, 2020

Usapan ng mga langgam


USAPAN NG MGA LANGGAM

nag-uusap-usap ang pulutong ng mga langgam
paano raw masawata ang mga mapang-uyam
paano pagsasamantala'y tuluyang maparam
paano rin kakamtin ang lipunang inaasam
mga tanong na karaniwan nilang agam-agam

paano ka tutugon sa mga tanong na ito
lalo't dapat suriin ang kalagayan sa mundo
marahil, magkakaroon lamang ng pagbabago
kung walang pribadong pag-aaring pribilehiyo
ng mga nakakariwasa't mayayamang tao

babalik ba sa panahong primitibo komunal
kung saan may pagkapantay, buhay ay di marawal
baka bumalik ang panahong alipin at pyudal
at muling magsamantala ang mga may kapital
pag naulit lahat ng ito, tayo'y mga hangal

di matapos-tapos ang usapan nila't debate
hanggang ang kasalukuyan ay sinuring mabuti
pangarap na pagkapantay at prinsipyo'y sinabi
komunal man, ngunit di primitibo ang maigi
kundi progresibong komunal ang dapat mangyari

- gregbituinjr.

Nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari


Nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari

nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari
animo'y nagpapatuloy pa ang pagkukunwari
"papatayin ko kayo!" sabi ng baliw na hari
karapatang pantao'y balewala't ginagapi

anila, sa dulo ng bahaghari'y may ginto raw
ngunit pinag-interesan ng mga trapo't bugaw
bilyong ginto para sa nasalanta'y inaagaw
tila ito sa likod ng taumbaya'y balaraw

lumitaw ang bahaghari nang matapos ang unos
may bagong unos sa nagprotestang gutom at kapos
nais silang patayin ng hari, ito ang utos
sa kanyang mga asong handang mangagat, umulos

bilyon-bilyong barang ginto'y para sa sambayanan
na sa dulo ng bahaghari'y kukunin na lamang
subalit pilit pinupuslit ng trapong gahaman
gayong nangangamatay na ang mga mamamayan

sa mga tampalasang iyon ay sinong uusig
dapat masa'y kumilos, isyung ito'y isatinig
kaya manggagawa't dukha'y dapat magkapitbisig
upang mga lilo't sukab ay tuluyang malupig

- gregbituinjr.

Warfarin

WARFARIN tila mula sa warfare ang warfarin at kasintunog naman ng 'war pa rin' ngunit ito'y sistema ng pagkain sa ospital anong ...