Linggo, Pebrero 28, 2021

Ang pagiging vegetarian at budgetarian

Ang pagiging vegetarian at budgetarian

panibagong tatak sa tshirt ang aking nagawan
pagkat nasusulat ay tunay ngang makabuluhan
kakaibang prinsipyo para sa pangangatawan
sabi'y "I am a vegetarian and a budgetarian."

ayoko nga sa tokhang, ayoko rin sa pagpaslang
di lang ng tao kundi ng hayop sa daigdigan
kung ayaw mong kapwa'y parang hayop na tumimbuwang
bakit pinaslang na hayop ay kinain mo naman

kinakatay nilang manok, baboy, o baka man din
na ang pakinabang sa tao't mundo'y ang kainin
ngunit dinggin mo ang atungal nila pag katayin
umiiyak pag kinulong, ano pa't papatayin

iba ang tingin ko't pagpapahalaga sa buhay
hayop para sa tubo't pagkain ay kinakatay
ngayon, pinili kong kumain ng prutas at gulay
ngunit iba pa kung paano ko isasabuhay

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Pebrero 25, 2021

The YosiBrick Project: Isang munting pagninilay

The YosiBrick Project: Isang munting pagninilay

Nais kong gawing parang NGO o kaya'y campaign center laban sa nagkalat na upos ang proyektong paggawa ng yosibrick. Kung ang ecobrick ay paglalagay sa loob ng boteng plastik ng mga ginupit na plastik, sa yosibrick naman ay mga upos ng yosi ang inilalagay. Nais ko itong tawaging The Yosibrick Project. 

Una, syempre, ang asawa kong environmental warrior na si Liberty, bilang kasama sa proyektong ito. Nagsimula kami ni misis sa proyektong ecobrick ng Ministry of Ecology ng Archdiocese of Manila, at nakapagtapos kami ng tatlong araw na seminar na ibinigay naman ng Global Ecobrick Alliance (GEA).

Nagbigay daan ito sa amin upang makapunta at makasalamuha ang iba't ibang tao mula sa mga paaralan at NGO sa pagbibigay namin ng seminar hinggil sa paggawa ng ecobrick. Si misis ang kadalasang tagapagsalita, habang tumutulong ako sa aktwal na paggawa ng ekobrik sa mga mag-aaral. Minsan sa harap nila'y binibigkas ko ang aking mga tula hinggil sa ecobrick. 

Mula sa ecobrick ay pinagyaman naman ang konsepto ng yosibrick, lalo na't isa ito sa pinakamaraming basura sa buong daigdig. Dahil dito'y isinilang ang konsepto ng yosibrick, na tulad din ng ecobrick ay paglalagay ng mga upos ng yosi sa boteng plastik. Pansamantalang solusyon habang naghahanap ng iba pang kalutasan sa suliraning pangkalikasang ito. Hindi na tungkol sa panawagang No Smoking ang proyektong yosibrick kundi hinggil sa naglipanang basurang upos. May ibang grupo na siyang bahala sa kampanyang No Smoking.

Ang misyon, na batay na rin sa mga inilabas kong tula, na maaaring makita sa blog na https://yosibrick.blogspot.com, ay ano ang gagawin sa mga hibla ng upos ng yosi. Kaysa itapon lang, dapat itong maging produkto, halimbawa, damit, bag, sinturon o sapatos. Sinubukan ko ring gawing kagamitan sa fine arts ang mga upos ng yosi, kung saan inipon ko ang mga nagamit nang stick ng barbecue at tinusok sa mga tinalupan kong upos ng yosi upang gawing pampinta ng artist sa kanilang canvas. Nakakadiri kung tutuusin, subalit kailangan nating magbigay ng halimbawa, na mayroon palang magagawa sa upos ng yosi.

Napapansin kong ginagawang proyekto sa eskwelahan ang ecobrick. Ayos lang iyon. Upang matuto ang mga bata sa batayang pag-unawa upang pangalagaan ang kalikasan. Subalit huwag lamang yosibrick ang maging proyekto ng mga bata. Magbibigay lang kasi tayo ng problema sa mga bata. Una, pag ginawang proyekto sa iskul ang yosibrick, tiyak na maghahanap ng upos ng sigarilyo ang mga bata sa basurahan, na pandidirihan nila, at tiyak ayaw ito ng mga magulang. Ikalawa, tutulong ang mga magulang sa paghanap ng upos, na marahil ay bibili pa ng kaha-kaha ng sigarilyo, tatanggalin ang upos, at ibibigay sa mga anak upang gawing proyekto. Paano kung hindi naman naninigarilyo ang mga magulang?Magastos na, ano pang gagawin sa 3/4 ng sigarilyo na tinanggalan ng upos?

Ang kampanyang yosibrick ay pag-aalala sa napakaraming naglipanang upos na kinakain ng mga isda sa karagatan, at nakikita natin sa mga lansangan. Subalit inuulit ko, ang proyektong yosibrick ay hindi na tungkol o lampas pa sa panawagang "No Smoking", kundi ano ang gagawin sa mga naglipanang upos na sinasabing ikatlo sa pinakamaraming naglipanang basura sa daigdig.

Munting konsepto, higanteng gawain. Munting pagninilay, kayraming gagawin. Para sa kapaligiran, para sa daigdig, para kay Inang Kalikasan, mga upos na naglipana sa lansangan ay anong gagawin. Ilang mga mungkahing dapat isagawa:

1) Dapat kausapin ang mismong mga naninigarilyo na huwag itapon kung saan-saan lang ang mga upos ng sigarilyo. Disiplinado rin naman ang marami sa kanila. Katunayan, sa aming opisina, at sa iba pang kapatid at kaalyadong opisina na pinupuntahan ko, naglalagay ako ng titisan o ashtray upang doon ilagay ang upos ng yosi at titis o abo nito.

2) Dapat kausapin ang mga ahensya ng pamahalaan, tulad ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Health (DOH), hinggil sa kampanyang ito, na ginagawa rin nila, subalit marahil ay hindi talaga natututukan. Ang MMDA ay gagawa ng mga titisan at ilalagay sa mga itinakdang smoking area, at mula doon ay titipunin ang mga upos upang gawing yosibrick. Ang DENR upang makatulong sa kampanya ng kalinisan sa mamamayan na isa sa pinakamaraming basura sa mundo ang mga nagkalat na upos ng yosi, na maaaring makain ng mga isda sa laot, o marahil ay makapagpabara ng mga kanal kasama ng plastik, kaya dapat matigil na ang ganitong gawain. Alam nating ang kampanya ng DOH ay No Smoking at Smoking is Dangerous to Your Health, subalit malaki ang maitutulong nila sa MMDA, DENR, at sa iba pang ahensya, lalo na sa publiko, hinggil sa mga nagkalat na upos ng sigarilyo.

3) Dapat kausapin ang Department of Science and Technology (DOST) at ang Philippine Inventors Society (PIS) upang bakasakaling may makaimbento ng makina o anumang aparato na gagawa ng produkto mula sa hibla ng mga upos ng sigarilyo.

4) Pag-aralan ang paggawa ng lubid mula sa hibla ng abaka at paggawa ng barong mula sa hibla ng pinya upang bakasakaling may matanaw na pag-asa kung ano ang maaaring gawin sa hibla ng mga upos ng sigarilyo.

5) Pagkausap sa mga painter, o kaya'y mga mag-aaral ng fine arts sa mga paaralan, hinggil sa paggamit ng upos sa pagpipinta sa canvas o painting.

Lahat ng ito'y pagbabakasakali. Nagpagawa na rin ako ng silkscreen at nagpinta na ng tatlong asul na tshirt kung saan nakapinta: "I am an Ecobricker and a Yosibricker." Ang lahat ng mga naiisip ko hinggil sa mga usaping ito ay tinipon ko sa blog sa internet. Ang mga tula kong ginawa hinggil sa ecobrick ay nasa https://ecobricker.blogspot.com/ habang ang mga tula naman hinggil sa proyektong yosibrick ay nasa https://yosibrick.blogspot.com/. Sa ngayon ay ito muna.

Sa mga interesadong tumulong sa The Project Yosibrick, mangyaring makipag-ugnayan sa inyong lingkod o kaya'y sa aking misis, upang tuloy-tuloy ang pagsisimula ng The YosiBrick Project. Maraming salamat po. Mabuhay kayo!

- gregoriovbituinjr.
02.25.21

Martes, Pebrero 23, 2021

Pangwawasak ng kapitalismo sa kalikasan

Pangwawasak ng kapitalismo sa kalikasan

natanto mo bang sa ilalim ng kapitalismo
puno'y walang anumang halaga sa ating mundo
maliban na lang kung tuluyang puputulin ito
upang pagtubuan lalo't nilagyan na ng presyo

saka mo lang mauunawa kung anong dahilan
ng pagkasira nitong daigdig nating tahanan
at ng unti-unting pagkawasak ng kalikasan
at pagkabalahura ng ating kapaligiran

walang pakialam ang kapitalista sa atin
maliban lang kung sa iyo siya'y may kikitain
kahit na ang kalikasan ay kanyang wawasakin
kumita lang ng limpak at malaking tutubuin

kapitalismo'y dahilan ng ating pagkawasak
sistemang ito'y palitan na't tuluyang ibagsak

- gregoriovbituinjr.

* Kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Lunes, Pebrero 22, 2021

Magtanim ng mabuti

Magtanim ng mabuti

sa kapwa'y itinatanim natin ang kabutihan
upang walang kaguluhan kundi kapayapaan
sa puso'y tinatanim ang bugtong na karangalan
upang masawata rin ang anumang kahangalan

nasa ugat naroroon ang bisa ng pagsinta
sa ating kapwa't sa bayan, maging sino man sila
sa mabuting puso't matinong diwa'y nagkakasya
upang tiyaking lumago ng maganda't magbunga

susumbatan mo ba ang tulad ko pag di ginawa
ang tungkuling itinalaga sa akin ng madla
sa Kartilya ng Katipunan, nasasaad sadya
sabi, sa taong may hiya, salita'y panunumpa

kaya itanim natin yaong binhing mabubuti
upang mamunga ng mabuti't sa bayan may silbi

- gregoriovbituinjr.

* Kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Biyernes, Pebrero 19, 2021

Ang nagwawalis sa lansangan

Ang nagwawalis sa lansangan

mabuhay ang masang tagapaglinis ng kalsada
mabuhay ang manggawang nag-ayos ng basura
kaysipag sa trabaho kahit umagang-umaga
kapuri-puri matanaw mo lang ang tulad niya

kaya di na madawag ang kagubatan ng lungsod
na sa iyong paglalakad ay di matatalisod
pagkat sila ang dahil ng linis na tinaguyod
tinatahak ang daang sa mata'y kalugod-lugod

kalat mo, kalat ko, kalat ng masa'y winawalis
tinitiyak na kapaligiran ay anong linis
nawawala sa puso ang danas na dusa't amis
lalo't may pandemya pa't maraming di makaalis

maraming salamat sa nagwawalis ng lansangan
tinatanggap mong sahod sana'y maayos din naman
salamat sa pangangalaga ng kapaligiran
at sa tapat mong tungkuling paglingkuran ang bayan

- gregoriovbituinjr.

* Kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Huwebes, Pebrero 18, 2021

Kagamitan sa pagpipinta mula sa upos

Kagamitan sa pagpipinta mula sa upos

istik ng barbekyu't upos ng yosing natipon ko
yaong nasa bungang tulog habang mahimbing ako
kara-karakang gumising, naghilamos ng todo
pampahid ng pintura sa kambas yaong produkto

papel sa upos ay papungas-pungas kong tinanggal
maingat, marahan, may guwantes, para bagang hangal
at nilinis ang mga istik na animo'y punyal
walang kain sa umaga'y ito ang inalmusal

marahang-marahang tinusok ang istik sa upos
upang di mabigla baka sa kabila'y tumagos
at tinali ng goma mula sa gulay at talbos
iyon na, pampahid ng pintura'y produktong lubos

ito'y pagbabakasakaling may magawa naman
bilang munti nating ambag kay Inang Kalikasan
kayraming naglipanang upos sa kapaligiran
malaking suliraning dapat bigyang kalutasan

- gregoriovbituinjr.

Produkto mula sa upos at istik ng barbekyu

Produkto mula sa upos at istik ng barbekyu

upos ng yosi't istik ng barbekyu'y tinipon ko
bakasakaling makagawa ng bagong produkto
aba'y pampinta sa kambas ang nagawa kong ito
mula sa binasurang upos, may bagong proyekto

nakakadiri sa una, ngunit may dapat gawin
sa nagkalat na upos sa kapaligiran natin
napanaginipan ito minsang gabing mahimbing
at sinimulan ko na agad nang ako'y magising

ano bang pakinabang ko rito, marahil wala
wala, wala, wala, mabuti pa ang tumunganga
subalit ang kalikasan ay labis nang kawawa
pagkat upos ng sigarilyo'y naglipanang sadya

ngayon, nagpasya akong gawin ang nasasaisip
lalo't mula sa bungang-tulog o sa panaginip

- gregoriovbituinjr.

Lunes, Pebrero 15, 2021

Mga buto ng okra

Mga buto ng okra

paborito ko na ang okra mula pagkabata
kaya madalas sa almusal ko'y di mawawala
isasapaw sa sinaing, kaysarap namang sadya
nang magkapandemya, okra'y itinanim ko na nga

kayraming nawalan ng trabaho, pandemya'y lagim
pinalayas sa inupahan, nadama'y panimdim
kaya pinag-ukulang pansin ko na ang magtanim
upang may mapitas sa kalagayang takipsilim

buto ng okra'y hiniwalay sa katawan niyon
nang pinatuyo ko'y lumiit, gayon pala iyon
sa mga boteng naipon na dapat itatapon
yaong pinagtamnan ng buto sa buong maghapon

oo, magsasaka sa lungsod ang aking kapara
sa aspaltadong lungsod ako'y nagtanim-tanim na

- gregoriovbituinjr.

#urbanfarming #pagtatanimsalungsod #magtanimupangmaymakain
#tubongsampalocmaynila #pagtatanimsaopisinasapasig

Mga binhi ng sili

Mga binhi ng sili

noon nga'y bumili pa ako ng binhi ng sili
kung saan sa tindahan ito pa'y nakapakete
itinanim ko sa plastik na paso't pinaparami
dahil sa pandemya, nagtanim-tanim na rin dine

dahil nananahan sa sementadong kalunsuran
kung saan walang malaking espasyong pagtatamnan
sa mga boteng plastik ng softdrink na walang laman
napiling magtanim, sansakong lupa'y bibilhin lang

ngayon, di na ako bumili ng nakapakete
ginamit na'y mga tuyo't napabayaang sili
kinuha ang binhi, tinanim, nagkaroong silbi
wala pang plastik na sa kalikasan ay salbahe

nang magkapandemya'y naging magsasaka sa lungsod
magtanim sa boteng plastik na'y itinataguyod
pag namunga'y may pakinabang at nakalulugod
bakasakaling maibenta sa munti mang kayod

- gregoriovbituinjr.

#urbanfarming #pagtatanimsalungsod #magtanimupangmaymakain
#tubongsampalocmaynila #pagtatanimsaopisinasapasig

Ang payo

Ang payo

mag-ingat lagi sa mga gubat mong papasukin
anang isang kasama, pinayo niya sa akin
pag-oorganisa't propaganda'y iyong masterin
nang kayanin ang mga daratal na suliranin

tulad ng chess ay aralin mo ang pasikut-sikot
anong tamang sulong, anong basa mo't iyong sagot
ituring mong isang puzzle, at labanan ang takot
bagong sitwasyon, bagong sistema, masalimuot

gumapang man ang dahongpalay sa iyong katawan
mahulog man sa hukay o ikaw ay magulungan
maging listo sa panganib na di mo mapigilan
magpakatatag, tiyaking malinaw ang isipan

sa welga, makinarya'y huwag hayaang ilabas
obrero'y pagkaisahin laban sa mararahas
pakatandaan, anumang problema'y malulutas
ituring mong gubat mo ang gubat na nilalandas

- gregoriovbituinjr.

* Litratong kuha ng makatang gala habang naglalakbay sa isang lalawigan.

Miyerkules, Pebrero 3, 2021

Titisan, upos at yosibrik

TITISAN, UPOS AT YOSIBRIK

ilagay ang upos sa titisan
sapagkat iyon ang kailangan
di itapon sa kapaligiran
sapagkat bansa'y di basurahan

kung sa malayo nakatunganga
isiping yosibrik ay magawa
sa plastik na bote ilulungga
ang upos na naglipanang pawa

titisan pag napuno'y ibuhos
sa daspan at gawin ng maayos
ihiwalay ang titis at upos
nang yosibrik ay malikhang lubos

ang yosibrik ay pagtataguyod
ng kalinisang nakalulugod
baka may imbensyong matalisod
nang hibla nito'y makapaglingkod

masdan ang upos na pulos hibla
baka dito'y may magagawa pa
tulad ng lubid mula abaka
tulad ng barong na mula pinya

ang hibla ng upos ay suriin
baka may imbensyong dapat gawin
kaysa sa ilog ito'y anurin
kaysa sa lansangan lang bulukin

huwag hayaang naglilipana
saanman, sa laot, sa kalsada
pagkat upos na'y naging basura
di lang sa bansa, buong mundo pa

bakasakaling may masaliksik
na solusyon sa upos na hindik
halina't tayo nang magyosibrik
dinggin nawa ang munti kong hibik

- gregoriovbituinjr.

Warfarin

WARFARIN tila mula sa warfare ang warfarin at kasintunog naman ng 'war pa rin' ngunit ito'y sistema ng pagkain sa ospital anong ...