Huwebes, Setyembre 30, 2021

Pagngata ng hilaw na bawang

PAGNGATA NG HILAW NA BAWANG

isa itong gamot na pampalusog ng katawan
na aking natutunan sa mahahabang lakaran
na pampalakas ng kalamnan, nitong kalusugan
na talagang nakatulong sa puso ko't isipan

at nang ako'y nagka-covid ay muli ngang ngumata
ng hilaw na bawang, na halamang gamot ng madla,
na payo ng mga kapatid kong nababahala
na para sa kalusugan ay sinunod kong sadya

sa mga saliksik, halamang gamot na magaling
ang bawang, di lang sa lutuin, kundi kung nguyain
altapresyon, ubo, rayuma, sadyang ngangatain
katas ng dinikdik na bawang sa mga hikain

bawang na allium sativum ang pangalang pang-agham
panglinis ng sugat ang katas ng sariwang bawang
pati na rin sa impeksyon ng mikrobyo sa tiyan
sa daluyan ng pagkain ay panglinis din naman

pagngata ng bawang ay malaking tulong sa akin
upang covid ay malabanan, malunasan na rin
di man maganda ang lasa, ito lang ay tiisin
basta para sa kalusugan, bawang ay ngatain

- gregoriovbituinjr.
09.30.2021

Pinaghalawan ng ilang datos:
https://en.wikipedia.org/wiki/Garlic
https://ph.theasianparent.com/benepisyo-ng-bawang

Sabaw ng buko

SABAW NG BUKO

at muli akong nakainom ng sabaw ng buko
upang linisin ang bituka't tumibay ang buto
anila, pinipigil nito ang sakit sa bato
may kalsyum, magnesyum, potasyum, posporus pa ito

itinuring ang sabaw nitong inuming pangmasa
mula sa puno ng niyog na napakahalaga
sa kalusugan ng mamamayan, ng iyong sinta
salitang agham ng niyog ay cocos nucifera

pag naubos ang sabaw ng buko'y may makakain
pang masarap na puting laman, iyong kakayurin
sa loob ng matigas na bao bago namnamin
sabaw ng buko pa'y gata sa maraming lutuin

tara, at kita'y magsihigop ng sabaw ng niyog
o buko upang pangangatawan nati'y lumusog
sabaw ng buko'y mula puno ng buhay, O, irog!
ang inumin ng masa habang mundo'y umiinog

- gregoriovbituinjr.
09.30.2021

Miyerkules, Setyembre 29, 2021

Ang gubat na katabi

ANG GUBAT NA KATABI

pinayagan akong lumabas upang magpainit
kung dati'y pulos kisame, nasilayan ko'y langit
mabuti raw ang init ng araw sa nagkasakit
na bitamina sa katawan kahit man lang saglit

at natitigan kong muli ang gubat na katabi
nitong bahay sa bundok, talagang nakawiwili
wala kasi sa kinalakhang lungsod ang ganiri
mapuno, tila ba mga Mulawin ay narini

nais kong puntahan ang madawag na kagubatan
subalit mag-ingat dahil baka may ahas diyan
na baka iyong maapakan, tuklawin ka niyan
tulad din ng ahas sa lungsod na dapat ilagan

kaysarap masdan ng punong hinahagkan ng ulap
na tila baga kakamtin mo ang pinapangarap
gubat na tahanan ng hayop at ibong mailap
may mga diwata rin kaya roong nangungusap?

- gregoriovbituinjr.
09.29.2021

Unang luto

UNANG LUTO

kayrami nang ginagawa ni misis sa maghapon
siya pa rin bang magluluto ng pagkain ngayon?
maglilinis, maglalaba, patutukain yaong
alagang higit sa apatnapung manok na iyon

oo, nais kong tulungan si misis sa gawaing
bahay, huwag lang mabinat habang nagpapagaling
kanina, sardinas ay sinubukan kong gisahin
sapul magka-covid, iyon ang una kong lutuin

alam kong pagod lagi si misis mag-asikaso
dalawang pamangkin pa'y nasa ospital, hay naku!
kaya pinalalakas ko naman ang sarili ko
basta bilin niya, mag-face mask, alkohol, sundin ko

sa kusina, ginayat ko ang sibuyas at bawang
binuksan ang lata ng sardinas na walang anghang
iginisa ko naman sa kawali, tama namang
iyon ang una kong luto't huli ring gas sa kalan

ginisang sardinas nga'y inulam namin kanina
tapos na rin ang katorse araw kong kwarantina 
datapwat walang swab test na ako'y negatibo na
subalit dapat pa ring mag-ingat, inuubo pa

- gregoriovbituinjr.
09.29.2021

Kinakapos ng hininga

KINAKAPOS NG HININGA

nag-positibo sa covid at nagpapagaling na
ngunit madalas pa ring kinakapos ng hininga
marahil baka kulang pa rin ako sa pahinga
at baka oksiheno ko'y di pa sapat, kulang pa

bago matulog sa gabi'y madalas maramdaman
inom munang tubig hanggang ito'y makatulugan
datapwat sa umaga'y di ko naman ito ramdam
basta lang may handang tubig sa tabi ng higaan

sa oxymeter, higit nobenta ang oksiheno
panay pa rin ang ginagawang pagsusuob dito
biskwit, isda, gulay at prutas ang kinakain ko
umaasa pa ring lalakas at gagaling ako

pampalusog na ulam at masarap pa ang kanin
upang lumakas at ang hininga'y di na kapusin
may talbos ng sayote, kamote, at petsay na rin
o kaya'y isda para sa protina nitong angkin

panay pa rin ang inom ng gamot at bitamina
mag-inhale, mag-exhale, mag-ehersisyo sa umaga
at higit sa lahat, huwag gutumin ang bituka
asam kong di na ako kapusin pa ng hininga

- gregoriovbituinjr.
09.29.2021

Martes, Setyembre 28, 2021

Pipino't kamatis

PIPINO'T KAMATIS

pampalusog muli itong paalmusal ni misis
aba'y kaysarap na ulam ng pipino't kamatis
pampalakas na, aba'y pampakinis pa ng kutis
mga pagkain itong pagsinta'y di nagmimintis

pipino'y cucumis sativus ang ngalang pang-agham
na mataas sa nutrient, isang anti-oxidant
siyamnapu't limang porsyento'y tubig yaong laman
pampalusog din ng bato, sa kanser ay panlaban

ang kamatis naman ay solanum lycopersicum
may taglay na vitamin C at K, folate, potasyum
matagal ko ring nakasama lalo't nagugutom
at malaking tulong sa saliksik ko't paglalagom

kaya pipino't kamatis ay kaygandang almusal
pampatibay ng kalamnan, di ka basta hihingal
malinaw ang pananaw sa lipunang umiiral
sa anumang problema'y pag-asa ang niluluwal

- gregoriovbituinjr.
09.28.2021

Linggo, Setyembre 26, 2021

Kayganda ng umaga

KAYGANDA NG UMAGA

kayganda ng umagang sumilang sa niloloob
habang nagpapatuloy pa kami sa pagsusuob
bangis ng virus ay dapat madurog at makubkob
at mabubuting selula ang dito'y magsilusob

salubunging masigabo ang umagang kayganda
sapagkat tanda ng pag-asam ng bagong pag-asa
lalo't dumila ang init ng araw sa balana
naninilay na wala na sanang magka-covid pa

inhale, exhale pa rin, mag-ehersisyo ng katawan
bagamat bawal pang lumabas sa abang higaan
huwag laging nakatunganga't kisame'y pagmasdan
kundi igalaw-galaw rin ang tuhod at katawan

O, kayganda ng umagang ang salubong ay ngiti
at pasasalamat ang sa labi mamumutawi
salamat sa buhay at naritong nananatili
upang ipagpatuloy ang adhikain at mithi

- gregoriovbituinjr.
09.26.2021

Sabado, Setyembre 25, 2021

Meryendang mansanas

MERYENDANG MANSANAS

bata pa noon nang marinig ko ang kasabihang:
"An apple a day keeps the doctor away," tunay namang
kasabihang ito'y tumagos sa puso't isipan
lalo't nagkasakit, sawikaing ayaw bitiwan

naririnig ko lang noon ngunit di nababatid
ang kabutihang dulot ng mansanas sa maysakit
ika nga, kumain ka nito't gaganda ang kutis, 
lulusog ang katawan, pampalusog din ng isip

nang minsang nagdala si tatay ng isang mansanas
ito'y hinati sa magkakapatid ng parehas
lahat kami'y pantay sa pasalubong na madalas
tila turo ni tatay, sa hatian dapat patas

at ngayong ako'y may covid ay binigyan ni misis
nitong mansanas habang sa kisame'y nakamasid
pasasalamat kay misis na mahusay mag-isip
upang ako'y gumaling sa covid na anong lupit

- gregoriovbituinjr.
09.25.2021

Martes, Setyembre 21, 2021

Prutas

PRUTAS

kainin na ang prutas bago pa iyon masira
sayang pag di napakinabangan, sinong kawawa
kaysa mabulok, kaysa hayaan, nariyan na nga
gagawin na nga lang ay kainin, di pa magawa?

itinanim, diniligan, inalagaan hanggang
ito'y lumago, tulad ng anak na minamahal
hanggang magbunga ng magaganda sa pinagtamnan
at handa nang pitasin sa panahon ng anihan

ganyan ang mga magsasaka, buhay magbubukid
ganyan ang buhay ng nagtatanim nating kapatid
buhay ng halaman, gulay at puno'y tinatawid
upang ito'y mamunga ng magaganda't matuwid

nariyan na sa mesa, huwag hayaang mabulok
kainin mo na hangga't di pa tuluyang malamog
lalo't biyaya ng kalikasan at gintong handog
pag hayaang mabulok, sa puso'y nakadudurog

- gregoriovbituinjr.
09.21.2021

Linggo, Setyembre 19, 2021

Buko

BUKO

bukod sa virgin coconut oil, may sariwang buko
ng niyog na ang tubig ay talagang tinungga ko
lunas sa mga sakit na iniindang totoo
O, kayganda ng umagang may buko sa tabi mo!

bihira akong makakita ng puno ng niyog
malamig dito, sa mainit ang punong matayog
pasasalamat sa laman nitong nakabubusog
na kaysarap papakin lalo na't bigay ng irog

pinatatag ako nito sa mahabang lakaran
tulad ng Climate Walk mula Luneta to Tacloban
pag may tindero ng niyog sa aming daraanan
talagang titigil sa lakad at magbibilihan

tingnan mo, may tubig na, may laman pa, saan ka pa?
at sa pangangatawan mo'y tiyak pampatibay pa
pasasalamat sa niyog na pagkain ng masa
pagkat di tayo magugutom saanman magpunta

- gregoriovbituinjr.
09.19.2021

Saging

SAGING

mabuti na lang at may saging na nakatiwangwang
medyo hilaw pa, kahit paano'y pahinog naman
na pamatid-gutom agad sa kinaumagahan
matapos magbawas ay may potasyum sa katawan

saging yaong pinagtalunan ng pagong at matsing
kwento ni Doktor Rizal na may aral din sa atin
pinagmulan ng "tuso man ay napaglalangan din"
tulad din nitong sakit na malalagpasan natin

may nagkomento ngang dahil ako'y nag-vegetarian
kaya parang lantang-gulay ang aking hinantungan
ang sinabing iyon ay nais kong pabulaanan
kaya nagsusumikap patatagin ang kalamnan

potasyum ang saging, pampatibay ng bawat buto
agahan, meryenda sa hapon, busog kang totoo
na kahit sa hapunan ay hahanap-hanapin mo
O, saging, kaligtasan ka nga sa gutom sa mundo!

- gregoriovbituinjr.
09.18.2021

Biyernes, Setyembre 17, 2021

Aliwalas

ALIWALAS

talaga ngang maaliwalas yaong kalangitan
magandang sinag ng araw, mainit sa kalamnan
kunwa'y maaliwalas sa aking pangangatawan
na sakit ay dama pa rin ng buong katauhan

bagamat maaliwalas pa rin ang mga mithi
patuloy pa ring lumalaban, ramdam man ang hapdi
puso't diwa'y naroon pa rin sa bayan at uri
nagpapalakas pa rin pagkat nais manatili

ah, ayokong matapos na lang ang lahat sa wala
na sa bawat giti ng pawis ay sukat at tugma
sa kasuluk-sulukang ilaya man ay may paksa
at may madawag na kwento sa gubat ng pabula

panay pa rin ang pagsusuob sa gabi at araw
langhap ang katas ng lemon sa mainit na sabaw
inhale, exhale, exercise, inhale, exhale, di magaslaw
palinga-linga, tinga-tingala, pagalaw-galaw

- gregoriovbituinjr.
09.17.2021

Oksiheno

OKSIHENO

mababa ang oksiheno, otsenta, otsenta'y tres
inhale, exhale, mag-breathing exercise ng ilang beses
kumain ng biskwit, sky flakes, huwag lang matamis
huminga ng malalim, abutin ang nobenta'y tres

gamit yaong oxymeter habang nagpapagaling
mabuti't sa bahay lang natutulog ng mahimbing
sa sampung five hundred milligrams Vitamin C lasing
nobenta'y singko sa oxygen ay naabot ko rin

mahirap ang maging alagain o nakaratay
sa banig ng karamdaman ay naritong humimlay
minsan nga'y umupo, maglakad, habang nagninilay
at inaalagata ang mga adhika't pakay

basta't sundin lang ang bilin ng tagapangalaga
oras ng kain, inom ng gamot, kelan gagala
habang tangan ko itong kwaderno upang tumula
sana oksiheno ko'y tumaas, di na bumaba

- gregoriovbituinjr.
09.16.2021

Miyerkules, Setyembre 8, 2021

Meryenda

MERYENDA

handa ni misis ay saging, mansanas, at rambutan
na batid nating pawang pampalakas ng katawan
may potasyum ang saging, pampatibay ng kalamnan
sa mansanas man ay may popular na kasabihan

tulad ng "rain, rain, go away, come again, another day"
ito nama'y "an apple a day keeps the doctor away"
rambutan nama'y Bitamina C ang binibigay
sa "dry lips and sprue mouth" ay kalunasan itong alay

nilitratuhan ang ebidensya bago kumain
lalo na't ang pakiramdam ko'y nilalagnat pa rin
dahan-dahan lang ang pagkain at mauubos din
meryendang pag-ibig ang may atas kung iisipin

pampalusog na prutas, pampalusog na meryenda
hiling ko'y bumalik na ang lakas ko't gumaling na

- gregoriovbituinjr.
09.08.2021

Sabado, Setyembre 4, 2021

Alagata

ALAGATA

lumayo muna sa kalunsuran upang magnilay
lalo't tatlong kamag-anak ang sa COVID namatay
at nitong nakaraan lang ay sumamang maglakbay
kina bayaw sa pagtungo kina misis at nanay

aking inaalagata ang mga nangyayari
kung bakit ang virus na ito'y kayraming nadale
aking pinagninilayan ang isyung anong dami
pinagmununian din bawat problema't diskarte

nasa malayong lalawigang inaalagata
ang mga balantukang sugat na nananariwa
sa loob at kaloobang animo'y dinadagsa
ng mga salot na halimaw na sadyang kaysama

kailan daratal sa bayan ang kaginhawaan
na ipinaglaban noon pa man ng Katipunan
ang sumisira sa bakal ay sariling kalawang
panlaban daw sa aswang, salot, at virus ay bawang

ayokong alagatain ang pulos pagkabigo
o kasawiang nakakaapekto rin sa puso
ngunit di maiwasan kung dumatal ang siphayo
dapat lamang ay handa ka hanggang ito'y maglaho

- gregoriovbituinjr.
09.04.2021

Sa puno ng potasyum

SA PUNO NG POTASYUM

doon sa puno ng saging, ako'y nakatingala
baka may malaglag na anting, anang matatanda
ngunit maraming makakasagupang lamanglupa
dapat ko raw maging handa, di man naniniwala

nakatingala ako doon sa puno ng saging
namunga ng isang buwig bagamat hilaw pa rin
huwag munang pitasin, ito muna'y pahinugin
sa puno, upang pag pinitas na'y masarap man din

narito ako sa lilim ng puno ng potasyum
pampatibay ng buto, anti-oxidants pa'y meron
mayaman sa bitamina C, B6 at magnesyum
kailangang magpalakas, ehersisyo sa hapon

dahil sa potasyum kaya saging ay kinakain
marami nito'y kailangan ng katawan natin
ilang araw pa't bunga nito'y mahihinog na rin
kaygandang panahon upang potasyum na'y kainin

- gregoriovbituinjr.
09.04.2021

Miyerkules, Setyembre 1, 2021

SUOB pala ay steam inhalation


SUOB PALA AY STEAM INHALATION

SUOB, bagong salitang natutuhan ko lang ngayon
ngunit salitang lalawiganin marahil iyon
sagot nina Pinsan at Utol: steam inhalation
upang mag-ingat ang lahat at naiwan pa roon 

lalo't tatlong kamag-anak ang agarang namatay
dahil sa COVID ay di napapanahong nahimlay
nagbuo ng grupo sa fb doon nagtalakay
nag-usap-usap, anong gagawin, maging matibay

magpipinsan ay nag-usap at nagtutulong-tulong
binabasa anumang napag-uusapan doon
at magSUOB daw upang katawan ay may proteksyon
laban sa virus na di makitang kalaban ngayon

bilin sa mga kaanak, mag-ingat-ingat pa rin
bilin ay SUOB, magmumog ng tubig na may asin
magpainit ng tubig, usok niyon ay langhapin
dapat may twalya upang usok sa'yo papuntahin

salamat, SUOB pala'y termino sa kalusugan
salin ng steam inhalation sa wika ng bayan
lokal mang salita sa pinagmulang lalawigan
ni ama, ay gagamitin ko na sa panulaan

- gregoriovbituinjr.
09.01.2021

* ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, ang suob sa ikatlong depinisyon ay "pagkulob at pagpapausok sa maysakit, p. 1186

Warfarin

WARFARIN tila mula sa warfare ang warfarin at kasintunog naman ng 'war pa rin' ngunit ito'y sistema ng pagkain sa ospital anong ...