Miyerkules, Setyembre 28, 2022

Pagpupugay sa 5 namatay na rescuer



PAGPUPUGAY SA LIMANG NAMATAY NA RESCUER

kasagsagan ng bagyong Karding nang sila'y mawala
buhay nila'y pinugto ng bagyong rumaragasa
bigla raw nag-flash flood ng life boat ay inihahanda
gumuho ang isang pader, ayon pa sa balita,
doon sa limang rescuer ay umanod na bigla

sila'y nagsagawa ng isang rescue operation
sa lalawigan ng Bulacan ginawa ang misyon
sa bayan ng San Miguel, iligtas ang naroroon
ginampanan ang tungkulin sa atas ng panahon
ngunit matinding baha ang sa kanila'y lumamon

tagapagligtas natin silang limang nangamatay
tungkuling sa kalamidad ay magligtas ng buhay
ng kanilang kapwa, ang buhay nila'y inialay
upang mailigtas ang iba, mabuhay, mabuhay!
sila'y mga bayani! taospusong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
09.28.2022

* mga litrato mula sa google

Martes, Setyembre 27, 2022

Ondoy at Karding

ONDOY AT KARDING

dalawang bagyong nanalasa 
halos magkaparehong petsa
Setyembre dalawampu't lima
at hanggang kinabukasan pa

nang mag-Setyembre Bente-Sais
anim-na-oras lang, kaybilis
ng Ondoy nang ang Metropolis
ay nilubog, baha'y hagibis

Karding din ay napakatulin
typhoon signal four na tinuring
mga ulat ay ating dinggin
sa Quezon namuro si Karding

handa ba tayo sa ganito?
sa tumitinding klima't bagyo?
pag nanalanta na'y paano?
kay Ondoy ba tayo'y natuto?

panawagang Climate Justice Now
ay narinig bang inihiyaw?
ang aral ba nito'y malinaw?
na sa puso't diwa'y lumitaw?

- gregoriovbituinjr.
09.27.2022

Miyerkules, Setyembre 21, 2022

Mantika at dishwashing liquid

MANTIKA AT DISHWASHING LIQUID

halos magkamukha, subalit huwag magkamali
na mantika ang gamitin sa paghugas ng pinggan
o dishwashing liquid kung magpiprito sa kawali

lalo na't magkatabi lang ang kalan at lababo
ay, pag nagkamali ka'y anong laking katangahan
na bawat pagkakamaling ito'y sadyang perwisyo

di sinasadya, pareho pang Spring yaong tatak
magkaiba ng pinagbilhan, di ko rin napansin

pagkabili galing palengke, ihiwalay sadya
lagyan ng "Di ito mantika" ang dishwashing liquid
ang mantika naman ay lagyang "ito'y bumubula"

ay, huwag kang magkakamali, aking kaibigan
at talagang sarili mo'y iyo nang sisisihin
tingnan mo muna bago gamitin, ang bilin ko lang

- gregoriovbituinjr.
09.21.2022

Sabado, Setyembre 17, 2022

Talukab at talukap

TALUKAB AT TALUKAP

ang talukab pala'y shell o kaha
ng alimango o kaya'y tahong
ang talukap ay takip ng mata
o eyelid, odom o tabon-tabon

dalawang salitang magkatugma
na kapwa katinig na malakas
pakinggan mo lamang ang salita
upang kahulugan ay mawatas

- gregoriovbituinjr.
09.17.2022

* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1217

Martes, Setyembre 13, 2022

Pusang uhaw

PUSANG UHAW

sige lang, pusa, dapat matighaw
ang iyong nararamdamang uhaw
tubig baha man o galing kanal
kung sa uhaw ay di makatagal

buti naman at naiinom mo
ang bigay ng kalikasang ito
tubig mang mula ulan o bagyo
ay makakatighaw ngang totoo

habang ako nama'y nanonood
na pagmasdan ka'y kinalulugod
galing man ang tubig sa alulod
ay nakainom kang di hilahod

di ka tulad naming mamamayan
na boteng tubig, bibilhin naman
mahal man ang presyo'y babayaran
mawala lamang ang kauhawan

- gregoriovbituinjr.
09.13.2022

* nakunan ng bidyo ang pusang ito sa isang bangketang nadaanan ng makatang gala

Umaga umuga, umiga ang sapa

UMAGA UMUGA, UMIGA ANG SAPA

UMAGA nang lindol naramdaman
tila ba iyon na'y katapusan
UMUGA ang buong kalupaan
hanap agad ay makakanlungan
UMIGA ang sapa't lalamunan
ang mga hayop ay atungalan

gunita sa isang lalawigan
na gagawin ay di ko malaman
lalo na't tila pinagsakluban
na noon ng lupa't kalangitan
ah, mag-ingat tayo, kababayan
ang ganito'y ating paghandaan

- gregoriovbituinjr.
09.13.2022

Warfarin

WARFARIN tila mula sa warfare ang warfarin at kasintunog naman ng 'war pa rin' ngunit ito'y sistema ng pagkain sa ospital anong ...