Linggo, Hulyo 30, 2023

Pagtanaw, pananaw

PAGTANAW, PANANAW

nakatanaw na naman sa dalampasigan
ano bang mayroon upang aking titigan
ang barkong nakahimpil o ang karagatan
o baka nakatitig muli sa kawalan

marahil, pinagninilayan ang pagtanaw
sa lagay ng dukhang dinig ko ang palahaw
kung bakit hirap pa rin hanggang sa pagpanaw
habang sa sistema'y anong ating pananaw

bulok na sistema'y paano gagapiin
paanong pagsasamantala'y papawiin
paanong naghaharing uri'y pabagsakin
at lipunang makatao'y matayo natin

naritong puspusan pa ring nakikibaka
na mithing baguhin ang bulok na sistema
na layuning kamtin ng masa ang hustisya
at ibagsak ang uring mapagsamantala

- gregoriovbituinjr.
07.30.2023

Miyerkules, Hulyo 26, 2023

Ilan pang nilay sa Pythagorean theorem

ILAN PANG NILAY SA PYTHAGOREAN THEOREM

Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

 

Nasa hayskul pa lang ay natutunan na natin sa paksang sipnayan o matematika ang Pythagorean theorem. Ito yaong pormula sa sugkisan o geometry na pagkuha ng sukat ng tatlong gilid o side ng isang tatsulok na nasa ninety degrees o right triangle. Sinasabi rito na ang pinagsamang square ng dalawang gilid ay katumbas ng hypotenuse o yaong mahabang gilid na nakahilis. Madalas na sa paksang geometry ito natin napapag-aralan noon. Ang batayang pormula nito ay a2 + b2 = c2. At ipinangalan ang theorem na ito kay Pythagoras, na isang sipnayanon o mathematician noong unang panahon.

 

Bakit mahalaga sa atin ang Pythagorean theorem at paano ba ito magagamit sa pang-araw-araw na pamumuhay? Halimbawa, nais mong sukatin kung ano ang sukat ng tayog ng puno o kaya’y gusali? Ilang metro ito, nang hindi mo ito sinusukat ng ruler na paisa-isa? Gagamitin mo ang Pythagorean theorem. Ginagamit din ito sa konstruksiyon at arkitektura. Pati sa nabigasyon upang mahanap ang pinakamaikling distansya. Ginagamit din upang suriin ang matarik na mga dalisdis ng mga bundok o burol.

 

Madalas na halimbawa o basic example nito ang ang32 + 42 = 52. Ibig sabihin ay (3 x 3) + (4 x 4) = (5 x 5), o 9 + 16 = 25. Ang dagsip o digit ng dalawang side ay 3 at 4. Ang hypotenuse naman ay 5.

 

Sa ilang pagninilay, napuna kong ang 36 + 64 = 100. At lahat sila ay square o pag na-divide ay parehong numero. 6 x 6 = 36; 8 x 8 = 64; at 10 x 10 = 100; o pag sinulat sa ibang paraan ay 62 + 82 = 102. Parang dinoble ang basic na itinuturo sa paaralan: 32 + 42 = 52 na  pag tinayms 2 mo ang digit, ang lalabas ay  62 + 82 = 102.

 

Dito ko na sinuri ang iba pang numero, na pag dinoble o triple, o times 4 o times 5 pa, ang lalabas ay pawang tama ang mga sagot. Kumbaga, may padron o pattern ang mga sukat.

 

Suriin natin isa-isa, at simulan natin sa mga nauna nating halimbawa.

 

32 + 42 = 52. (3 x 3) + (4 x 4) = (5 x 5). 9 + 16 = 25

 

62 + 82 = 102. (6 x 6) + (8 x 8) = (10 x 10). 36 + 64 = 100

 

92 + 122 = 152. (9 x 9) + (12 x 12) = (15 x 15) = 81 + 144 = 225

 

122 + 162 = 202. = (12 x 12) + (16 x 16) = (20 x 20) = 144 + 256 = 400

 

152 + 202 = 252.  = (15 x 15) + (20 x 20) = (25 x 25) = 225 + 400 = 625

 

182 + 242 = 302. = (18 x 18) + (24 x 24) = (30 x 30) = 324 + 576 = 900

 

212 + 282 = 352. = (21 x 21) + (28 x 28) = 35 x 35) = 441 + 784 = 1,225

 

242 + 322 = 402. = (24 x 24) + (32 x 32) = (40 x 40) = 576 + 1,024 = 1,600

 

272 + 362 = 452. = (27 x 27) + (36 x 36) = (45 x 45) = 729 + 1,296 = 2,025

 

302 + 402 = 502. = (30 x 30) + (40 x 40) = (50 x 50). 900 + 1,600 = 2,500

 

Sinubukan kong gawan ng tula ang paksang ito.

 

PYTHAGOREAN THEOREM

tula ni GBJ

 

theorem ang pamana ni Pythagoras ng Samos

sa atin, na kung talagang aaralin ng taos

sipnayan at sugkisan ay mauunawang lubos

upang sa pagsusukat ng tatsulok ay di kapos

sa right triangle, dalawang gilid at haypotenus

ambag sa pag-unlad upang lipuna'y makaraos

 

paano ba magagamit ang Pythagorean theorem

na sa kasaysayan ay malaking ambag sa atin

upang tayo'y umunlad, di manatili sa dilim

sa arkitektura nga't konstruksyon ay gamit natin

sa plano, pagtatayo ng gusali'y susukatin

upang maging matatag gamit ang nasabing theorem

 

O, Pythagoras, maraming salamat sa ambag mo

kaya mga itinayo'y nasusukat ng wasto

matatag, nakipagtagalan sa panahon, husto

gamit ang iyong pormula at batayang prinsipyo

di lang pormula ni Einstein, bantog din ang sa iyo

muli, pagpupugay, idolo ka naming totoo

 

* Talasalitaan:

sipnayan = matematika

sugkisan = geometry

dagsip = digit

dalisdis = slope

 

* litrato mula sa google

Martes, Hulyo 25, 2023

Paumanhin kung tula'y nakabartolina

PAUMANHIN KUNG TULA'Y NAKABARTOLINA

pagpasensyahan na ninyo ang aking tula
na nakabartolina sa sukat at tugma
mahalaga nama'y ang naririyang diwa
bakasakaling mayroon kayong mapala

pagkat kinahiligan ko ang pagsusukat
nagbibilang ng pantig habang nagsusulat
tinitiyak kung nagtutugma ba ang lahat
hanggang madama na ang ngalay at pulikat

baka kaya bihira ang mag-like sa post ko
nauumay na sa tula ko, sa tulad ko
kaya paumanhin kung katha ko'y ganito
nakakalaboso sa iisang estilo

pag piniga ang utak ay agad lalabas
ang pawis at dugo gayong di naman pantas
habang pinapangarap ang lipunang patas
kung saan ang bawat isa'y pumaparehas

paumanhin kung tula'y nakabartolina
sa tugma't sukat, tila tinanikala pa
pag naramdaman ko ang presensya ng masa
sa anumang paksa'y palalayain sila

- gregoriovbituinjr.
07.25.2023

Apyak pala ang pula ng itlog

APYAK PALA ANG PULA NG ITLOG

apyak pala ang tawag sa pula ng itlog
kahit kulay dilaw iyon, sa pula bantog
yolk ito sa Ingles, at apyak sa Tagalog
na madalas ay gusto nitong iniirog

mayroon pala tayong ganitong salita
na sa palaisipan ko nalamang sadya
na marahil dapat ipabatid sa madla
sa pamamagitan ng mga kwento't tula

mga dagdag kaalaman sa wika natin
na dapat itaguyod at ating gamitin
pag may bago o lumang salita, sabihin
sa amin, nang maisahog sa kakathain

tulad ng apyak, di lang sahog kundi ulam
na madalas ay kinakain sa agahan
tulad sa palaisipan ay gaganahan
kung may salitang bago gayong luma naman

- gregoriovbituinjr.
07.25.2023

* mula sa isang krosword at sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, p. 70

Mabuhay ang mga vendor!

MABUHAY ANG MGA VENDOR!

mabuhay silang maninindang anong sipag
na trabaho't kostumer ang inaatupag
upang kumita, upang buhay ay di hungkag
at naglalako sa maghapon at magdamag

hanggang maubos ang kanilang tinitinda
mga simpleng kakanin, payak na meryenda
upang mabusog kahit paano ang masa
upang buhayin din ang kanilang pamilya

salamat sa mga vendor na nabubuhay
sa trabahong marangal, mabuhay! mabuhay!
sa inyong lahat, taasnoong pagpupugay!
dahil naaalpasan ang gutom at tamlay

mura lang subalit nabubusog na kami
kaya madalas, sa tinda n'yo'y nawiwili
habang naritong nagpapatuloy sa rali
upang sa uri at sa bayan ay magsilbi

- gregoriovbituinjr.
07.25.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa SONA, 07.24.2023

Linggo, Hulyo 16, 2023

Bawat tula ko'y piraso ng aking buto

BAWAT TULA KO'Y PIRASO NG AKING BUTO

bawat tula ko'y piraso ng aking buto
bawat katha'y tipak ng buong pagkatao
ang tula ko'y ako, ng aking pagkaako
sapul pagkabata hanggang aking pagyao

sumasagad sa buto, bungo'y nagdurugo
maitula lang ang nadaramang siphayo
bayo sa dibdib ay damang nagpapadungo
mga pilay sana'y gumaling na't maglaho

nang minsang madapa, nadama'y napilantod
animo'y nadurog ang aking mga tuhod
tila apektado rin ang aking gulugod
pati bawat kataga, saknong at taludtod

nadama kong napilayan akong matindi 
kaya pati sa pagkatha'y di mapakali
puso't diwa'y nayanig, sa dusa'y sakbibi
tulad ng pagtulang lumbay lagi ang saksi

patuloy akong kakatha ng tugma't sukat
may pilay man yaring pulso sa pagsusulat
sakaling tula ko'y binasa't dinalumat
tangi kong masasabi'y salamat sa lahat

- gregoriovbituinjr.
07.16.2023

Ang sosyalismo ay dagat

ANG SOSYALISMO AY DAGAT

anang isang kasama, ang sosyalismo ay dagat
walang nagmamay-ari, nakikinabang ay lahat
iyan din ang pangarap ko't adhika sa pagmulat
sa kapwa, uri't bayan, lasa man ay tubig-alat

di tulad ngayon, inangkin na ng mga kuhila
sa ngalan ng tubo, ang laksang bagay, isla't lupa
silang di nagbabayad ng tamang lakas-paggawa
at nagsasamantala sa obrero't maralita

sinong nais magmay-ari ng buong karagatan
marahil wala, pagkat di nila ito matirhan
baka naman may nagnanais na ito'y bakuran
upang yamang dagat ay kanilang masolo naman

sinong gustong may nagmamay-aring iilang tao
sa isang malawak na lupa dahil sa titulo
habang katutubo'y nakatira na noon dito
inagawan sila ng lupa ng mapang-abuso

mga pribilehiyo'y nasa mga nag-aari
yaman ng lipuna'y nasa burgesya, hari't pari
inapi ang tinuringang nasa mababang uri
ugat nga ng kahirapa'y pribadong pag-aari

kaya dapat nating ipagwagi ang sosyalismo
at itayo ang lipunang talagang makatao
di na korporasyon ang mananaig na totoo
kundi kolektibong pagkilos ng uring obrero

- gregoriovbituinjr.
07.16.2023

* litrato mula sa google

Biyernes, Hulyo 14, 2023

Kwento - Isalin ng KWF sa sariling wika ang mga batas upang madaling maunawaan ng masa


ISALIN NG KWF SA SARILING WIKA ANG MGA BATAS UPANG MADALING MAUNAWAAN NG MASA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa korte ang ilang lider-maralita at doon ay ipinagtatanggol nila ang kanilang paninirahan sa lupang ilang dekada na nilang tahanan.

Nagkaroon kasi ng maling interpretasyon sa pagkakasalin ng blighted land, na ayon sa Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act of 1992, sa Section 3, Definition of Terms, na ang nakasulat: “(c) “Blighted lands” refers to the areas where the structures are dilapidated, obsolete and unsanitary, tending to depreciate the value of the land and prevent normal development and use of the area.” 

Naisalin naman ang iyon sa ganito: “c) Tinutukoy na “blighted lands” yaong mga lugar na kung saan ang mga nagpapababa sa halaga ng lupa at humahadlang sa normal na paggamit at pagpapaunlad ng nasabing lugar.” Makikita ang nasabing pagkakasalin sa kawing na https://pagbangon.blogspot.com/2009/11/udha-tagalog-version.html. 

“Nang maisabatas ang UDHA, o iyang Lina Law, ay agad naming ipinasalin kay Pareng Inggo, na isang makata, ang batas na iyan,” sabi ni Igme, “upang mas madaling maunawaan ng mga kasapi ng Samahan ng Magkakapitbahay sa Dulong Tulay, na naisalin naman niya. Pinaunlad namin ang lugar na iyan nang itinapon kami sa relokasyong iyan, na wala pang kabahayan. Kami ang naghawan ng damo, nagpatong ng mga bato at matayuan ng bahay, hanggang maging maunlad na ngayon.”

Subalit tugon ng hukom, “Hindi naman opisyal na tagasalin ng batas iyang si Inggo, kundi pagtingin lang niya iyan. Kaya ang ginagamit sa inyo ay itong batas na nakasulat sa Ingles. Diyan ang aming batayan paano talaga ma-interpret ang batas. Dahil tila mali ang pagkasalin niya sa nasabing seksyon ng batas. Sa Merriam Webster, ang bighted ay ": in a badly damaged or deteriorated condition." Ibig sabihin, lupaing malubhang nasira o lumalalang kondisyon. Ang inokupa ninyo ay hindi blighted land."

Umuwing luhaan ang mga maralita. Pakiramdam nila’y tuluyan na silang mapapaalis sa lugar na kaytagal na panahon nilang pinaunlad.

Hanggang sinabi ni Mang Igme, na siyang namumuno sa samahan, “Dapat pala, may opisyal na tagasalin ang mga batas ng bansa. Tayo kasi ang bansang ang mga dokumento ay pawang nakasulat sa Ingles habang nagsasalita tayo sa sariling wika sa araw-araw, kaya hindi nakasanayang magsalita ng Ingles. Naisahan tayo sa kamaliang di natin kasalanan. Nais lang naman nating maunawaan ang batas na tatamaan tayo.”

Nagmungkahi si Isay, “Dapat mag-lobby tayo ng batas na may ahensya ng pamahalaan na italagang tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa, at mungkahi ko ay kumausap tayo ng mga kongresista o senador na lilikha ng batas na itatalaga, halimbawa, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na ahensya sa wika ng ating bansa, na siyang italagang opisyal na tagasalin ng lahat ng batas sa bansa, sa Tagalog man, Bisaya, o iba pang wika sa Pilipinas. Kung tatamaan ay katutubo, tulad ng Indigenous People’s Rights Act o IPRA, aba’y dapat isalin iyan sa wikang katutubo, upang hindi naman madehado tayong mamamayan. Di tulad sa nangyari sa atin. Dahil sa maling salin, ayon sa korte, eto, mukhang mawawalan tayo ng tahanan.”

Sumagot si Ingrid, “Paano po natin sisimulan iyan, aling Isay. May karanasan na po ba kayo sa, ano ‘yun, magpasa ng batas para sa mga senador o kongresista.”

“Pagla-lobby. Magla-lobby tayo ng batas sa mga kongresman at senador, na gawing opisyal na tagasalin ng mga batas ng bansa ang KWF o Komisyon sa Wikang Filipino. Ang una nating gawin ay lumiham sa kanila at ipaliwanag ang naging karanasan natin sa korte, at imungkahi nating upang di maulit sa iba ang ating karanasan, ay isabatas nila na gawing opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ang Komisyon sa Wikang Filipino dahil sila naman ang ahensyang pangwika ng pamahalaan.”

“Maganda po ang suhestyon n’yo. Sana’y maumpisahan na agad. Tutulong po kami sa pagdadala ng mga liham sa Kongreso at Senado, habang magbabantay ang iba nating kapitbahayan upang ipagtanggol ang ating mga tahanan kung sakaling may banta na ng demolisyon.”

Si Mang Igme, “Salamat sa malasakit, mga kasama. Simulan na nating gumawa ng liham upang maging batas iyan. Kung di tayo kikilos, kailan pa? Simulan natin upang may maitulong tayo sa kapwa maralita.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2023, pahina 18-19.

Linggo, Hulyo 9, 2023

KWF, gawing opisyal na tagasalin ng batas

KWF, GAWING OPISYAL NA TAGASALIN NG BATAS

gawing opisyal na tagasalin ng batas
ang ahensyang pangwika, at dapat iatas
doon sa Komisyon sa Wikang Filipino
mga batas sa Ingles, isa-Filipino

upang di maagrabyado ang mga dukha,
pesante, vendor, katutubo, manggagawa,
mangingisda, kababaihan, kabataan
bawat batas na apektado'y mamamayan

halimbawa na lamang ang UDHA at IPRA
na nasa Ingles, di maunawa ng masa
kung isinalin iyan sa wikang sarili
madaling maunawa, sa masa'y may silbi

dapat maisulat ang panukalang ito
at mapag-usapan sa Kongreso't Senado
lagdaan ng Pangulo upang maging batas
daan ito upang lipuna’y maging patas

- gregoriovbituinjr.
07.09.2023

* UDHA - Urban Development and Housing Act of 1992, Republic Act No. 7279
*IPRA - Indigenous Peoples' Rights Act of 1997, Republic Act No. 8371

Nais kong itanim ang tula

NAIS KONG ITANIM ANG TULA

nais kong itanim ang tula
tulad ng bawang at sibuyas
kapara'y magagandang punla
na sa puso'y nagpapalakas

huhukay ng tatamnang lupa
binhi'y ilalagay sa butas
at maayos na ihahanda
kakamadahing patas-patas

lalagyan ng mga pataba
ang mga katagang nawatas
ang lulutang na talinghaga
ay alipatong nagdiringas

daramhin ang bawat salita
na sa gunita'y di lilipas
ulanin at arawing sadya
tutubong sabay at parehas

magbunga man ng luha't tuwa
pipiliin ang mapipitas
aanihin ang bagong tula
na alay sa magandang bukas

- gregoriovbituinjr.
07.09.2023

* litrato'y kuha ng makatang gala

Miyerkules, Hulyo 5, 2023

Pagtula

PAGTULA

minsan, ayoko na ring tumula
pagkat ito na'y nakakasawa?
aba, aba, ang nagmamakata
ay titigil na ba sa pagkatha?

kapara ko ba'y sangkilong bigas
na nagtampo't wala nang mawatas
o kapara'y dahon ng bayabas
na di magawang maipanglanggas

balak, daniw, tula, binalaybay
kawatasan, rawitdawit, siday
anlong, dalit, diona, salaysay
o tanaga ang tulay sa buhay

ang tula ba'y kaya kong layuan
o panahon lang ng alinlangan
ah, pagtula'y di ko maiiwan
dama ma'y parang nasa kawalan

- gregoriovbituinjr.
07.05.2023

Lunes, Hulyo 3, 2023

Pahayag ng publikasyong Taliba ng Maralita upang italagang opisyal na tagasalin ng batas ng bansa ang KWF


PAHAYAG NG PUBLIKASYONG TALIBA NG MARALITA
Hulyo 3, 2023

ISALIN NG KWF SA SARILING WIKA ANG MGA BATAS UPANG MAUNAWA NG MASA

Tayo lamang yata ang bansang halos lahat ng dokumento ay nasa wikang Ingles. Iyan may ay birth certificate, baptismal certificate, kumpil, marriage certificate,  death certificate, pagsali sa PhilHealth, SSS, GSIS, drivers license, application form upang makapagtrabaho, at marami pang iba. Lalo na ang mga batas na nakakaapekto sa mamamayan. Tulad na lang sa maralita, may Republic Act No. 7279 o Urban Development and Housing Act, Labor Code para sa manggagawa, Magna Carta of the Poor (Republic Act No. 11291), Safety Spaces Act (Bawal Bastos Law), o kahit ang Konstitusyon ng Pilipinas ng 1987.

Bakit pulos nasa wikang Ingles? Gayong maraming Pilipino, na bagamat dinaanan sa eskwelahan ang wikang Ingles, ay mas nais pa ring maisalin sa wikang Filipino ang mga batas na nakakaapekto sa kanila. Bakit? Dahil bihirang gamitin sa karaniwang pag-uusap o sa talastasan ang wikang Ingles ay limot na nila, o namimilipit na ang dila sa pagsasalita ng Ingles. At ang matindi, nais nilang ipasalin sa wikang Filipino ang isang batas dahil hindi nila maunawaan, na matagal pa kung kakailanganin nila ang diksyunaryong Ingles-Pilipino. 

Halimbawa, Republic Act 9741 o Anti-Torture Act. Nang maisabatas ito noong  Nobyembre 2009, may ilang grupo sa karapatang pantao ang inilimbag ito, subalit sa mga dating bilanggong pulitikal na binahaginan nito, hindi naman nila binasa, at nang tanungin ko kung bakit. Dahil nakasulat sa Ingles. Isalin ko raw upang maunawaan nila. Subalit hindi ako ang dapat gumawa niyon, lalo’t batas iyan ng bansa. Kung ako ang gagawa at may nagkamali sa salin, magagamit ba sa korte ang isinalin ko na siyang inunawa ng nakabasa. O mas dapat may isang opisyal na salin?

Mungkahi ko, isabatas ng pamahalaan, at italaga ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)  bilang  opisyal  na  tagasalin  ng  lahat ng batas sa bansa na nakakaapekto sa mamamayan. Isalin sa wikang Filipino ng KWF at pag nalathala ay tatakan ito ng opisyal na salin ng KWF. Kumbaga ay imprimatur, tulad sa Bibliya. Mas maganda kung isalin sa mga mayor na wika sa bansa, Tagalog, Bisayan (Cebuano), Ilonggo, Waray, Ilokano, Kapampangan, Tausug, at marami pang wika.

Gumawa ng Executive Order ang pangulo ng bansa na itinatalaga ang KWF bilang opisyal na tagasalin ng lahat ng batas sa bansa, sa wikang madaling maunawaan ng madla, lalo na yaong mahihirap, at hindi nakatapos ng pag-aaral subalit nakakapagbasa. O kaya’y lumikha ng House Bill at Senate Bill, at lagdaan ng pangulo bilang Republic Act ang pagtalaga sa KWF bilang opisyal na tagasalin. O kaya’y amyendahan ang Republic Act No. 7104,na lumikha sa KWF, na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino noong Agosto 14, 1991.

Magtalaga ng mga tagasalin bilang ekstrang trabaho sa mga gurong boluntaryo sa gawaing ito. Sa pagsasalin ng batas, ilathala ang pangalan ng tagasalin, at nirebyu ng dalawang kawani ng KWF, at dumaan din sa pagrerebyu ng mga sektor na may kinalaman sa nasabing batas. Tulad na lang ng R.A.7279 (UDHA), dapat may mga lider-maralitang kasama sa pagrebyu, o kaya pagsasalin ng Labor Code, dapat may 2 kawani ng KWF at mga lider-manggagawang magrerebyu ng isinalin. Isama sa paglathala ng salin ang pangalan ng nagsalin, at mga nagrebyu.

Nang sa gayon, gamitin man ng madla ang opisyal na salin sa wikang Filipino, o  wikang Bisaya man, Ilonggo man, Ilokano man, ay hindi sila mababahala pag sakaling nasalang sila sa kaso at kailangan ng interpretasyon ng korte sa batas na isinalin. May laban sila dahil ang ginamit na salin ng batas ay may opisyal na tatak o imprimatur ng KWF. Nawa’y maisabatas ang adhikaing ito.

Mas magandang gamitin din ang Balarila sa Wikang Pambansa, na sinulat ni Lope K. Santos, na inilathala ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP) noong 1939, upang maging maayos ang pagsasalin. Ang SWP ang dating tawag sa KWF. Sa ganitong panawagan, sino kaya ang mga pulitiko, o mga lingkod bayan ang ating dapat makausap?

* Unang nalathala ang pahayag na ito sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2023, pahina 7-8.

Ako'y bato

AKO'Y BATO ako'y bato, apo ni Batute na pagtula'y tungkulin at mithi pinaliliwanag anong sanhi bakit sistema'y nakamumuhi ba...