Lunes, Oktubre 14, 2019

Kwento - Sampung daliri, sampung tao, sampung saging na saba


SAMPUNG DALIRI, SAMPUNG TAO, SAMPUNG SAGING NA SABA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Katatapos lang ng paggunita sa ikasampung anibersaryo ng Ondoy at napag-usapan din ang isang bayaning nagbuwis ng buhay para iligtas ang nasa dalawampung katao sa kasagsagan ng Ondoy. Isang pangalang di malilimot si Muelmar Magallanes, isang construction worker na taga-Barangay Bagong Silangan sa Lungsod Quezon.

Kinabukasan, mayroong pag-aaral hinggil sa paksang ARAK o Aralin sa Kahirapan sa tanggapan ng KPML o Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod. Napag-usapan ang pag-aalay ng buhay ni Muelmar upang magligtas ng kapwa niya kababayan.

“Dahil pinag-uusapan natin ay hinggil sa kahirapan, at kahapon ang ikasampung anibersaryo ng Ondoy,” pagsisimula ni Mulong, “bakit ba tayo naghihirap, at bakit ang isang mahirap tulad ni Muelmar, kahit nagsisikap tayo, ay nananatiling mahirap? Pansinin natin ang salitang sampu. Ikasampung anibersaryo ng Ondoy, sampu tayo ngayon dito, may sampu tayong daliri, at may dalang sampung saging na saba si Aling Isay. Ano kaya kung kunin ko ang siyam na saging na saba at paghatian ninyong siyam ang isang saba? Makatarungan ba iyon?”

Sumagot si Igme, “Aba’y kasuwapangan na iyan. Hindi parehas ang hatian! Maling-mali ang ganyang palakad.”

“Paano kung apat lang ang kunin ko, at paghatian ninyong siyam ang anim na saba? E, di may tig-dalawang katlo kayo o 2/3 bawat saging. Aba, mabubusog na kayo niyan.” Tanong muli ni Mulong.

Si Ingrid naman ang sumagot, “Mali pa rin iyan dahil hindi pantay ang hatian. Nilalamangan mo na kami.”

“Paano kung ako ang bumili ng sampung saba at nagbayad ng buo kay Aling Isay, at apat lang ang kinuha ko, ibinigay ko sa inyo ang anim upang paghatian ninyo?”

Medyo napaisip ang mga lumahok sa pagsasanay.

“Ayos na rin iyan, ikaw naman ang bumili.” Ani Inggo.

“Ganyan din sa lipunan,” pagpapatuloy ni Mulong, “halimbawa na lang sa lipunang pyudal. Kung sino ang may-ari ng lupa, sa kanya napupunta ang mas malaking bahagi habang ang mga magsasakang nagsikap maglinang ng lupa, mag-araro, magtanim, magdilig, at mag-ani ay siyang kaunti ang nakukuha. Usapan pa nila’y 70-30 ang hatian.”

“Dahil inaaral natin ang ating kalagayan,” sabi ni Igme, “dapat suriin din natin ang di pagkakapantay sa lipunan. Tama ba? Ibig sabihin, dahil sa pribadong pag-aari, kahit ano ang gustong gawin ng may-ari, wala tayong magagawa. Subalit kung walang sinumang nag-aari ng lupa, gaya noong unang panahon, hindi kakain ang sinumang hindi kumakayod.”

“Tama ka, Igme,” ani Mulong. Tulad din ng sampung saging na saba na hahatiin sa ating sampu. Dapat tayo ay may tig-isang saging. Kaya walang lamangan. Ngunit sa umiiral na sistema ng lipunan ngayon, aba’y pulos lamangan. Palibhasa’y sila ang may-ari ng pabrika ay maaari na nilang isahan tayong mga manggagawa.”

“Ibig sabihin pala,” ani Ingrid, “kahit sampu tayo ngunit dahil isa ang bumili para sa atin, maaari niyang kunin ang lima at hatiin ng siyam ang lima pa. Kaya mahirap talagang maging mahirap. Trato sa iyo ay hindi kapwa. Parang pulubing walang karapatang pumili ng iaabot sa kanya.”

“Mabuti’t inyong nauunawaan kung gaano talaga kalupit ang umiiral na sistema. Kaya nga pag may rali o anumang pagkilos tayo, isinisigaw natin ay ‘Baguhin ang sistema’ o kaya’y ‘Wakasan ang bulok na sistema’ dahil nga sa ganyang abuso sa ating mga karapatan. At ano naman ang ipapalit natin sa bulok na sistema? Dapat isang sistemang pantay ang karapatan ng lahat, at kakain yaong mga manggagawang lumilikha ng ekonomya ng bansa, at nagpapakain sa buong lipunan, gaya ng mga magsasaka. Dapat walang hari, walang reyna, walang monarkiya, walang asendero, walang kapitalista, upang lahat ng tao ay makinabang sa kanilang pinagpaguran. Hindi kakain ang uupo-upo lang at kukuya-kuyakoy lang habang kayod-kalabaw ang mga nagdaralita.”

Sumagot si Isay, “Nauunawaan na namin ang kahalagahan ng pantay na hatian sa lipunan. Dapat nga talagang pairalin ang ganyan. Maraming salamat sa ganitong mga pag-aaral na sana’y marami pang makaalam.”

“Maraming salamat din sa inyong lahat sa pagdalo.” Ani Mulong.

Umuwi silang may kislap na pag-asa sa kanilang mga mata.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 1-15, 2019, pahina 18-19.

Linggo, Setyembre 29, 2019

Kwento - Sa ikasampung anibersaryo ng bagyong Ondoy


SA IKASAMPUNG ANIBERSARYO NG BAGYONG ONDOY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Natagpuan ko ang aking sariling nakatayo sa harap ng isang dating opisinang tinirahan ko rin ng ilang taon. Tanda ko pa, doon nalunod ang napakarami kong gamit, tulad ng mga papel, kwaderno ng mga tula, mga nabili kong libro, mga nagawa kong aklat, at sangkaterbang damit. 

Setyembre 26, 2009, sa loob ng anim na oras ay umulan ng malakas. Nagkataong wala ako sa opisina ng Bukluran ng Mangggawang Pilipino (BMP) sa K7 St., kundi naroon ako sa tanggapan ng Partido Lakas ng Masa (PLM) sa Matatag St. Doon sa PLM ay dama namin ang malakas na ulan subalit hindi naman nagbaha sa labas. Subalit sa K7, mababa pala ang lugar na iyon na parang batya, doon ay hanggang tuhod ang baha. Nagkalat ang aking mga gamit, basang-basa. Wala akong naisalba dahil wala nga ako roon. Kung naroon ako’y baka may naisalba pa ako, lalo na ang mga libro ko at damit, at naiakyat iyon sa ikalawang palapag ng inuupahang opisina.

Mabuti na lang din at wala ako roon, kundi ay baka nabasa rin ang kakukuha ko lang na pasaporte. Pagkat dalawang araw matapos iyon, Setyembre 28, 2009, ay kasama ako ng grupong ClimeXchange papunta sa bansang Thailand bilang kinatawan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pulong ng Asian People's Solidarity for Climate Justice, na itinayo bilang parallel na aktibidad sa United Nations climate talk na kasabay na nagaganap sa Bangkok. 

Giniba na ang apartment ng opisinang iyon kung saan ako nakatayo. Isang alaala na lamang ang mga iyon. Isang dekada na pala ang nagdaan. Ngayon, sampung taon makaraan ang bagyong Ondoy, na ang sinasabi’y isang buwan ng pag-ulan ay naganap lamang sa loob ng anim na oras, nasaan na ba tayo ngayon? Anong mga aral kaya ang ating natutunan o  nakuha sa insidenteng iyon?

Sa isang talakayan kasama ang grupo ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), napag-usapan namin ang Ondoy, pati na ang iba pang nagdaang matinding bagyo sa bansa, tulad ng Yolanda. Dapat daw pagbayaran ng Annex 1 countries ang kanilang ginawang kapinsalaan sa mga bansa sa Global South, tulad ng Pilipinas. Tanong ng isa sa mga tagapagpadaloy ng talakayan: “Ano ang inyong pagtingin o pag-unawa sa ating tinalakay kanina?” Agad akong nagtaas ng kamay.

Agad akong tumayo, “Sino bang dapat sisihin ng mamamayan kung ang kalikasan na’y masirang tuluyan? Ang mga pabrika nga ng kapitalista ay panay na usok ang ibinubuga. Fossil fuel at coal power plant ang pinaaandar nila. Panay luho lang ang mga elitista.”

Nagtaas din ng kamay si Igme, “Maganda ang iyong tinuran, Gorio. Tila ang burgesya'y walang pakialam, mga elitista'y walang pakiramdam kahit masira man itong kalikasan.”

Patango-tango lang si Isay, na siyang tagapagpadaloy ng talakayan.

Nagsalita si Ka Ruth, “May apat na hakbang na dapat isagawa ang ating pamahalaan: adaptasyon (pag-aangkop sa sitwasyon), mitigasyon (pagbabawas ng dahilan ng pag-iinit), technology transfer (pamamahagi ng kaalaman sa teknolohiya mula sa isang bansa o organisasyon sa iba pa) at pinansya (kailangang pondohan ang mga hakbanging ito).“

“Tama ka,” Sabi ko kay Ka Ruth. “Subalit wala pa riyan kung paano natin mapapanagot ang mga Annex 1 countries na mga bansang matindi kung magbuga ng mga usok, tulad ng fossil fuel at coal plants.”

“Iyan ang dapat nating pag-usapan kaya naghahanda rin tayo sa isang kilos-protesta upang iparinig ang ating hinaing.” Ani Gerry. “Kung kinakailangan ay masampahan ng kaso ang mga pabrika, tulad ng Shell, o bansa pangunahin ang US, kaya patuloy ang pag-iinit ng mundo at iba pa. Subalit sa ngayon, tutukan muna natin ang pagtalakay ng isyung klima sa inyong mga komunidad at organisasyon.”

“Sang-ayon ako. Magtalakay muna kami sa aming samahan upang mas maunawaan pa iyan ng ating mga kasapian.” Sabi ko sa kapulungan.

“Maaari ba tayong mag-iskedyul kung kailan kayo magtatalakay sa inyong samahan, at baka makatulong kami,” sabi ni Isay.

“Sige po, Mam Isay. Maaari kami sa susunod na Sabado.” Sabi ko.

Sumagot si Igme, “Kami naman ay sa araw ng Linggo.”

“Teka, ilista ko lang,” ani Isay.

Natapos ang talakayang may babaunin silang pag-asa.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Setyembre 16-30, 2019, pahina 18-19.

Huwebes, Setyembre 26, 2019

Ang talumpati ni Greta Thunberg sa Kongreso ng Amerika

ANG TALUMPATI NI GRETA THUNBERG
SA KONGRESO NG AMERIKA
Setyembre 18, 2019
Malayang salin ni Greg Bituin Jr.

Ang pangalan ko ay Greta Thunberg. Ako'y labing-anim na taong gulang at mula sa Sweden. Nagpapasalamat ako't kasama ko kayo rito sa Amerika. Isang bansang para sa maraming tao'y bansa ng mga pangarap.

Mayroon din akong pangarap: na magagap ng mga pamahalaan, partido pulitikal at korporasyon ang pangangailangan ng agarang pagkilos hinggil sa krisis sa klima at ekolohiya at magsama-sama sa kabila ng kanilang pagkakaiba - tulad ng gagawin mo sa isang kagipitan - at gawin ang mga kinakailangang hakbang upang mapangalagaan ang mga kondisyon para sa buhay na may dignidad para sa lahat ng tao sa daigdig.

Nang sa gayon - kaming milyun-milyong nag-aaklas na kabataan mula sa paaralan - ay makabalik na sa paaralan.

May pangarap akong ang mga nasa kapangyarihan, pati na rin ang midya, ay simulang tratuhin ang krisis na ito tulad ng umiiral na emerhensiyang ito. Upang makauwi na ako sa aking kapatid na babae at mga alaga kong aso. 

Sa katunayan, marami akong pangarap. Subalit ito ang taon 2019. Hindi ito ang panahon at lugar para sa mga pangarap. Ngayon ang panahon ng paggising. Ito ang sandali ng kasaysayan kung saan dapat tayong lahat ay gising.

At oo, kailangan natin ng mga pangarap, hindi tayo mabubuhay ng walang pangarap. Subalit may panahon at lugar para sa lahat ng bagay. At hindi dapat pigilan ng mga pangarap ang pagsasabi tulad ng ganoon.

At gayunpaman, kahit saan ako pumunta ay parang napapaligiran ako ng mga alamat. Ang mga namumuno sa negosyo, mga halal na opisyal sa iba't ibang saray ng pulitika na nagbigay ng kanilang oras sa paglikha at pagtalakay ng mga kwentong pampatulog na nagpapaginhawa sa atin, na tayo'y babalik sa pagtulog.

Ito'y mga kwentong "pampabuti ng pakiramdam" tungkol sa kung paano natin aayusin ang lahat ng gusot. Gaano kaganda ang lahat ng bagay kung "malulutas" ang lahat. Ngunit ang problemang kinakaharap natin ay hindi ang kakulangan natin ng kakayahang mangarap, o isipin ang isang mas mahusay na mundo. Ang problema ngayon ay kailangan nating gumising. Panahon na upang harapin ang reyalidad, ang mga katotohanan, ang siyensya.

At ang pinag-uusapan ng siyensya ay di lamang ang "mga dakilang pagkakataon upang lumikha ng lipunang ninanais natin lagi". Tinatalakay nito ang hindi sinasabing pagdurusa ng tao, na lalala pa ng lalala habang naaantala tayo sa pagkilos - maliban kung kikilos na tayo ngayon. At oo, kasama sa isang sustenableng nagbabagong mundo ang maraming bagong benepisyo. Ngunit kailangan ninyong maunawaan. Hindi ito pagkakataon upang lumikha ng mga bagong luntiang trabaho, bagong mga negosyo o paglago ng luntiang ekonomiya. Higit sa lahat ito'y emerhensiya, at hindi lang ito tulad ng ibang emerhensiya. Ito ang pinakamalaking krisis na naranasan ng sangkatauhan.

At kailangan nating tratuhin ito nang naaayon upang maunawaan at magagap ng mga tao ang pangangailangan ng agarang aksyon. Dahil hindi mo malulutas ang isang krisis kung hindi mo ito tatratuhing isang krisis. Tigilan ang pagsasabi sa mga tao na ang lahat ay magiging maayos kung sa katunayan, tulad ng nakikita ngayon, hindi ito magiging maayos. Hindi ito isang bagay na maaari mong ibalot at ibenta o "i-like" sa social media.

Itigil ang pagpapanggap na ikaw, ang ideya mo sa negosyo, ang iyong partidong pampulitika o plano ang makakalutas sa lahat. Dapat mapagtanto nating wala pa tayo ng lahat ng mga solusyon. Malayo pa iyon. Maliban kung ang mga solusyong iyon ay nangangahulugang tumitigil lang tayo sa paggawa ng ilang mga bagay.

Hindi maituturing na pag-unlad ang pagbabago ng isang mapaminsalang mapagkukunan ng enerhiya para sa isang bagay na hindi gaanong mapaminsala. Ang pagdadala ng ating mga emisyon sa ibang bansa ay di nakakabawas ng ating emisyon. Hindi makakatulong sa atin ang malikhaing pagpapaliwanag. Sa katunayan, ito ang mismong puso ng problema.

Maaaring narinig na ng ilan sa inyo na mayroon na lang tayong labingdalawang taon mula noong Enero 1, 2018 upang putulin sa kalahati ang emisyon natin ng carbon dioxide. Ngunit sa palagay ko, iilan lang sa inyo ang narinig na mayroong limampung bahagdan (o singkwenta porsyento) na tsansa na manatiling mababa pa sa 1.5 degri Celsius ng pandaigdigang pagtaas ng temperatura sa ibabaw ng antas ng bago pa ang panahong industriyal. Limampung bahagdang pagkakataon (o singkwenta porsyentong tsansa).

At sa  kasalukuyang, pinakamahusay na magagamit na siyentipinong kalkulasyon, di kasama ang mga di kahanay na kritikal na dako pati na rin ang karamihan sa mga hindi inaasahang lundo ng pagbalik (feedback loop) tulad ng napakalakas na methane gas na tumakas mula sa mabilis na nalulusaw na arctic permafrost. O nakakandado na sa nakatagong pag-init ng nakakalasong polusyon ng hangin. O ang aspeto ng ekwidad; hustisya sa klima.

Kaya tiyak na di sapat ang isang 50 porsyentong tsansa - isang istatistikong kalansing ng barya – ay tiyak na di pa sapat. Imposible iyon upang moral na ipagtanggol. Mayroon bang sinuman sa inyong sasakay ng eroplano kung alam ninyong mayroon itong higit sa 50 porsyentong tsansa ng pagbagsak? Higit pa sa punto: pasasakayin ba ninyo ang inyong mga anak sa paglipad niyon?

At bakit napakahalagang manatili sa ibaba ng limitasyong 1.5 degri? Sapagkat iyon ang panawagan ng nagkakaisang siyensya, upang maiwasang masira ang klima, upang manatiling malinaw ang pagtatakda ng isang hindi maibabalik na tanikala ng reaksyong lampas sa kontrol ng tao. Kahit na sa isang degri ng pag-init ay nakikita natin ang hindi katanggap-tanggap na pagkawala ng buhay at kabuhayan.

Kaya saan tayo magsisimula? Iminumungkahi kong simulan nating tingnan ang kabanata 2, sa pahina 108 ng ulat ng IPCC na lumabas noong nakaraang taon. Sinasabi doon na kung mayroon tayong 67 porsyentong tsansa na malimitahan ang daigdigang pagtaas ng temperatura sa ibaba ng 1.5 degri Celsius, mayroon tayo sa 1 Enero 2018, ng aabot sa 420 Gtonnes ng CO2 na naiwan upang ibuga ang badyet na carbon dioxide. At syempre mas mababa na ngayon ang numerong iyon. Habang nagbubuga tayo ng halos 42 Gtonnes ng CO2 bawat taon, kung isasama mo ang paggamit ng lupa.

Sa mga antas ng kasalukuyang emisyon, nawala na ang natitirang badyet sa loob ng mas mababa sa walo at kalahating taon. Hindi ko opinyon ang mga numerong iyon. Hindi rin ito opinyon o pananaw sa pulitika ng sinuman. Ito ang kasalukuyang pinakamahusay na naabot ng siyensiya. Bagaman sinasabi ng mga siyentipiko na napaka-moderato ng pigurang ito, ito ang katanggap-tanggap sa lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng IPCC.

At mangyaring tandaan na ang mga pigurang ito'y pandaigdigan at samakatuwid ay walang sinasabi sa aspeto ng ekwidad, na malinaw na nakasaad sa buong Kasunduan ng Paris, na talagang kinakailangan upang gumana ito sa isang pandaigdigang sukatan. Nangangahulugan itong kailangang gawin ng mga mayayamang bansa ang kanilang patas na bahagi at bumaba ng mas mabilis ang emisyon sa zero, upang maaaring mapataas ng mga tao sa mas mahirap na mga bansa ang kanilang pamantayan ng pamumuhay, sa pamamagitan ng pagtatayo ng ilang mga imprastraktura na itinayo na natin. Tulad ng mga kalsada, ospital, paaralan, malinis na inuming tubig at kuryente.

Ang USA ang pinakamalaking carbon polluter o tagapagdumi ng karbon sa kasaysayan. Ito rin ang numero unong tagagawa ng langis ng mundo. At gayundin naman, ikaw din ang nag-iisang bansa sa mundo na nagbigay hudyat ng iyong malakas na balak na iwanan ang Kasunduan sa Paris. Dahil sa sinasabing "ito'y isang masamang pakikitungo para sa Amerika".

Apatnaraan at dalawampung Gt ng CO2 ang naiwan upang ibuga noong Enero 1, 2018 upang magkaroon ng isang 67 porsyentong tsansang manatili sa ibaba ng 1.5 degri ng pagtaas ng temperatura sa mundo. Ngayon ang pigurang iyon ay nasa mas mababa sa 360 Gt.

Nakaliligalig ang mga numerong ito. Subalit karapatan ng mga taong makaalam. At ang karamihan sa atin ay walang ideya na umiiral ang mga numerong ito. Sa katunayan kahit na ang mga mamamahayag na nakausap ko'y tila di rin alam na umiral ang mga iyon. Di pa natin nababanggit ang mga pulitiko. At tila mukhang tingin nila na ang kanilang pampulitikang plano ang makakalutas sa buong krisis.

Subalit paano ba natin malulutas ang problemang di natin lubusang nauunawaan? Paano ba natin maiiwanan ang buong larawan at ang kasalukuyang naririyang siyensya?

Naniniwala akong may malaking panganib na gawin ito. At gaano man kapulitikal ang paglalarawan sa krisis na ito, huwag nating hayaang magpatuloy ito bilang partisanong pulitikal na usapin. Ang krisis ekolohikal at klima ay lampas pa sa pulitikang pampartido. At ang pangunahing kaaway natin ngayon ay hindi ang ating mga kalaban sa politika. Ang pangunahing kaaway natin ngayon ay pisika. At hindi tayo "nakikipagkasundo" sa pisika.

Marami ang nagsasabing imposibleng magawa ang pagsasakripisyo ng marami para sa kaligtasan ng bisospero (o kabuuan ng ekosistema) at tiyakin ang kalagayan ng pamumuhay para sa hinaharap at kasalukuyang henerasyon.

Marami na ngang nagawang dakilang sakripisyo ang mga Amerikano upang malagpasan ang mga teribleng panganib noon.

Isipin ninyo ang matatapang na kawal na sumugod sa dalampasigan sa unang salpukan sa Omaha Beach noong D Day. Isipin ninyo si Martin Luther King at ang 600 iba pang mga pinuno ng karapatang sibil na itinaya ang lahat upang magmartsa mula Selma hanggang Montgomery. Isipin ninyo si Pangulong John F. Kennedy na inihayag noong 1962 na ang Amerika ay "pipiliin pang magtungo sa buwan sa dekadang ito at gawin ang iba pang mga bagay, hindi dahil iyon ay madali, ngunit dahil iyon ay mahirap..."

Marahil nga ay imposible. Ngunit sa pagtingin sa mga numerong iyon - ang pagtingin sa kasalukuyang pinakamahusay na siyensya na nilagdaan ng bawat bansa - sa palagay ko'y iyon ang kinakalaban natin.

Subalit di mo dapat aksayahin ang buong panahon mo sa pangangarap, o tingnan ito bilang ilang laban sa politika na dapat pagtagumpayan.

At hindi mo dapat isugal ang kinabukasan iyong mga anak sa isang kalansing ng barya.

Sa halip, dapat kayong makiisa sa siyensya.

Dapat kayong kumilos.

Dapat ninyong gawin ang imposible.

Dahil ang pagsuko ay di kailanman kasama sa pagpipilian.



https://www.independent.co.uk/voices/greta-thunberg-congress-speech-climate-change-crisis-dream-a9112151.html

Greta Thunberg speech in the US Congress
September 18, 2019

My name is Greta Thunberg. I am 16 years old and I’m from Sweden. I am grateful for being with you here in the USA. A nation that, to many people, is the country of dreams.

I also have a dream: that governments, political parties and corporations grasp the urgency of the climate and ecological crisis and come together despite their differences – as you would in an emergency – and take the measures required to safeguard the conditions for a dignified life for everybody on earth.

Because then – we millions of school striking youth – could go back to school.

I have a dream that the people in power, as well as the media, start treating this crisis like the existential emergency it is. So that I could go home to my sister and my dogs. Because I miss them.

In fact I have many dreams. But this is the year 2019. This is not the time and place for dreams. This is the time to wake up. This is the moment in history when we need to be wide awake.

And yes, we need dreams, we can not live without dreams. But there’s a time and place for everything. And dreams can not stand in the way of telling it like it is.

And yet, wherever I go I seem to be surrounded by fairy tales. Business leaders, elected officials all across the political spectrum spending their time making up and telling bedtime stories that soothe us, that make us go back to sleep.

These are “feel-good” stories about how we are going to fix everything. How wonderful everything is going to be when we have “solved” everything. But the problem we are facing is not that we lack the ability to dream, or to imagine a better world. The problem now is that we need to wake up. It’s time to face the reality, the facts, the science.

And the science doesn’t mainly speak of “great opportunities to create the society we always wanted”. It tells of unspoken human sufferings, which will get worse and worse the longer we delay action – unless we start to act now. And yes, of course a sustainable transformed world will include lots of new benefits. But you have to understand. This is not primarily an opportunity to create new green jobs, new businesses or green economic growth. This is above all an emergency, and not just any emergency. This is the biggest crisis humanity has ever faced.

And we need to treat it accordingly so that people can understand and grasp the urgency. Because you can not solve a crisis without treating it as one. Stop telling people that everything will be fine when in fact, as it looks now, it won’t be very fine. This is not something you can package and sell or ”like” on social media.

Stop pretending that you, your business idea, your political party or plan will solve everything. We must realise that we don’t have all the solutions yet. Far from it. Unless those solutions mean that we simply stop doing certain things.

Changing one disastrous energy source for a slightly less disastrous one is not progress. Exporting our emissions overseas is not reducing our emission. Creative accounting will not help us. In fact, it’s the very heart of the problem.

Some of you may have heard that we have 12 years as from 1 January 2018 to cut our emissions of carbon dioxide in half. But I guess that hardly any of you have heard that there is a 50 per cent chance of staying below a 1.5 degree Celsius of global temperature rise above pre-industrial levels. Fifty per cent chance.

And these current, best available scientific calculations do not include non linear tipping points as well as most unforeseen feedback loops like the extremely powerful methane gas escaping from rapidly thawing arctic permafrost. Or already locked in warming hidden by toxic air pollution. Or the aspect of equity; climate justice.

So a 50 per cent chance – a statistical flip of a coin – will most definitely not be enough. That would be impossible to morally defend. Would anyone of you step onto a plane if you knew it had more than a 50 per cent chance of crashing? More to the point: would you put your children on that flight?

And why is it so important to stay below the 1.5 degree limit? Because that is what the united science calls for, to avoid destabilising the climate, so that we stay clear of setting off an irreversible chain reaction beyond human control. Even at 1 degree of warming we are seeing an unacceptable loss of life and livelihoods.

So where do we begin? Well I would suggest that we start looking at chapter 2, on page 108 in the IPCC report that came out last year. Right there it says that if we are to have a 67 per cent chance of limiting the global temperature rise to below 1.5 degrees Celsius, we had, on 1 January 2018, about 420 Gtonnes of CO2 left to emit in that carbon dioxide budget. And of course that number is much lower today. As we emit about 42 Gtonnes of CO2 every year, if you include land use.

With today’s emissions levels, that remaining budget is gone within less than 8 and a half years. These numbers are not my opinions. They aren’t anyone’s opinions or political views. This is the current best available science. Though a great number of scientists suggest even these figures are too moderate, these are the ones that have been accepted by all nations through the IPCC.

And please note that these figures are global and therefore do not say anything about the aspect of equity, clearly stated throughout the Paris Agreement, which is absolutely necessary to make it work on a global scale. That means that richer countries need to do their fair share and get down to zero emissions much faster, so that people in poorer countries can heighten their standard of living, by building some of the infrastructure that we have already built. Such as roads, hospitals, schools, clean drinking water and electricity.

The USA is the biggest carbon polluter in history. It is also the world’s number one producer of oil. And yet, you are also the only nation in the world that has signalled your strong intention to leave the Paris Agreement. Because quote “it was a bad deal for the USA”.

Four-hundred and twenty Gt of CO2 left to emit on 1 January 2018 to have a 67 per cent chance of staying below a 1.5 degrees of global temperature rise. Now that figure is already down to less than 360 Gt.

These numbers are very uncomfortable. But people have the right to know. And the vast majority of us have no idea these numbers even exist. In fact not even the journalists that I meet seem to know that they even exist. Not to mention the politicians. And yet they all seem so certain that their political plan will solve the entire crisis.

But how can we solve a problem that we don’t even fully understand? How can we leave out the full picture and the current best available science?

I believe there is a huge danger in doing so. And no matter how political the background to this crisis may be, we must not allow this to continue to be a partisan political question. The climate and ecological crisis is beyond party politics. And our main enemy right now is not our political opponents. Our main enemy now is physics. And we can not make “deals” with physics.

Everybody says that making sacrifices for the survival of the biosphere – and to secure the living conditions for future and present generations – is an impossible thing to do.

Americans have indeed made great sacrifices to overcome terrible odds before.

Think of the brave soldiers that rushed ashore in that first wave on Omaha Beach on D Day. Think of Martin Luther King and the 600 other civil rights leaders who risked everything to march from Selma to Montgomery. Think of President John F. Kennedy announcing in 1962 that America would “choose to go to the moon in this decade and do the other things, not because they are easy, but because they are hard…”

Perhaps it is impossible. But looking at those numbers – looking at the current best available science signed by every nation – then I think that is precisely what we are up against.

But you must not spend all of your time dreaming, or see this as some political fight to win.

And you must not gamble your children’s future on the flip of a coin.

Instead, you must unite behind the science.

You must take action.

You must do the impossible.

Because giving up can never ever be an option.

Huwebes, Setyembre 12, 2019

Kwento - Gawing pista opisyal ang araw ng pagpapatalsik sa mga base militar


GAWING PISTA OPISYAL ANG ARAW NG PAGPAPATALSIK SA MGA BASE MILITAR
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Dapat lang gawing pista opisyal sa ating bansa ang pagpapatalsik sa mga base militar,” ani Mulong. “Alam naman nating simbolo ng pananakop ng mga Kano iyang base militar, kaya nang bumoto ang Senado ng Pilipinas ng 12-11 upang tanggihan ang iminungkahing Treaty of Friendship, Cooperation, and Peace noong Setyembre 16, 1991, aba’y bumoto na sila ng paglaya natin sa kuko ng agila. Sana’y ginawang pista opisyal ang Setyembre 16 kada taon bilang sagisag ng ating paglaya.”

“Tama ka naman sa sinasabi mo, Mulong, sang-ayon ako,” sabi ni Inggo, “Subalit ang mga nakaupo sa gobyerno ang hindi sang-ayon. Alam nating kahit si Pangulong Cory ay nakiisa sa rali kahit na umuulan noon basta mapagtibay lang muli ang pagpapaalipin natin sa Amerika. Dapat nga kasuhan siya ng pagkakanulo sa kalayaan ng bayan.”

“Teka muna,” sabat ni Ingrid, “Aalis naman talaga ang mga Kano kahit walang botohan sa Senado dahil kasasabog pa lang ng Pinatubo noong Hunyo 15, 1991 na lubhang nakapinsala sa Subic Naval Base at Clark Air Base na natabunan ng makakapal na abo.”

“Dagdag pa,” ani Inggo, “Sarado na ang mga base, pinanatili naman ng U.S. at Pilipinas ang isang alyansa sa seguridad sa pamamagitan ng Mutual Defense Treaty. May Mutual Logistics Support Agreement o MLSA pa nga, na ang kahulugan yata’y Muling Luluhod Sa Amerika. Sa kasalukuyan, may Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)  kaya nakakapagkampo ang mga Kano sa mga kampo militar ng bansa.”

“Baka nga may mga nuclear missiles na riyan. Kaya nga tila pilit kinakalimutan sa kasaysayan ang Setyembre 16, 1991,” ani Mulong. “Kaya marahil hindi agad ginawang pista opisyal ang nasabing petsa dahil maka-Amerikano ang pamahalaan nating palaasa sa mga Kano.”

“Kung ganyang maka-Amerikano ang ating mga namumuno, aba’y anong maganda nating gawin upang maisabatas ang mungkahi mong gawing pista opisyal ang Setyembre 16?” Agad tanong ni Ingrid.

Napaisip si Mulong, sabay sabing “Dapat magpaikot tayo ng isang petisyong may lagda ng nakararaming mamamayang Pilipino na nakasaad ang kahilingan nating gawing pista opisyal ang Setyembre 16. Bahagi na rin ito ng pagmumulat sa sambayanan ng kahalagahan ng araw ng pagpapatalsik sa mga base militar bilang araw din ng paglaya.”

“Mungkahi ko’y sulatin mo na ang petisyon, at magpatawag ka na  muna ng pulong sa ating kapitbahayan upang mapag-usapan iyan. At pag nagkaisa na tayo ay papirmahan na agad natin sa ating mga kasapi. Sunod ay kausapin na natin si Kapitan, at si Kongresman upang gumawa ng panukalang batas para riyan.” Sabi naman ni Ingrid.

“SIge, susulatin ko na ang petisyon. At magpulong na agad tayo sa Sabado, alauna ng hapon. Ayos ba sa inyo?” Tanong ni Mulong.

“Okay iyan, magpatawag na tayo ng pulong sa kasapian.” Ani Inggo.

Kinasabaduhan, maraming kasapi ang naroon na sa tapat ng bahay ni Mulong, at may mga dala nang upuan, at nagpaskil na rin ng manila paper na susulatan nila bilang pisara.

“Magandang hapon, mga kasama,” ani Mulong, “bilang pangulo ng ating samahang magkakapitbahay, ako’y may mungkahi. Sa pag-aaral ng ating kasaysayan, parang kinakalimutan ng pamahalaan ang halaga ng pagpapatalsik sa mga base militar na minsan na nating nilabanan noong kabataan pa ng marami sa ating narito. Kaya ang petisyong nasa kamay ninyo ay panawagang gawing pista opisyal ang Setyembre 16 kada taon bilang pag-alala at pagpapahalaga sa pagpapatalsik ng mga base militar na simbolo ng pagsakop ng mga Kano sa ating bansa at pagkaalipin ng ating bayan sa kanila.”

Nagtaas ng kamay si Aling Ines, “Lumagda na ako sa petisyon at sana’y lumagda na rin ang iba pa. Hindi lang dito sa ating lugar kundi sa buong bansa. Maganda ang mungkahing ito at sadyang napapanahon na upang kilalanin ng ating bansa ang paglaya natin mula sa pananakop.”

“Dagdag pa,” ani Mang Nestor, “nang lumaya kuno tayo noong 1946 ay sakop pa rin tayo ng Kano dahil sa mga base militar, at ngayon, kahit napatalsik na ang mga base, may EDSA naman, kaya patuloy pa rin tayong binobola at sinasakop ng mga Kano para sa kanilang posisyong militar dito sa Timog-Silangang Asya. Sana lang ay mapaabot natin sa Kongreso, Senado hanggang sa Pangulo ang petisyong ito.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Setyembre 1-15, 2019 pahina 18-19.

Huwebes, Agosto 29, 2019

Kwento - Ikampanya nating maging National Artist for Literature ang awtor na si Efren Abueg


IKAMPANYA NATING MAGING NATIONAL ARTIST FOR LITERATURE ANG AWTOR NA SI EFREN ABUEG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-uusap ang ilang magkakapitbahay hinggil sa plano ng gobyerno at ilang eskwelahan sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto.

“Matagal na akong makata at manunulat sa pahayagang maralita, at ngayong Buwan ng Wika ay tinatanong ako ng aking anak kung anong aktibidad ang magandang gawin nila sa eskwelahan.” Sabi ni Pidyong.

“May maganda akong mungkahi, pareng Pidyong,” ani Mulong.

“Ano iyon?” Tanong ni Pidyong.

“Matagal na rin tayong manunulat, ako naman sa pahayagan ng mga manggagawa sa pabrika. Mungkahi ko, lumikha sila ng aktibidad hinggil sa buhay ng manunulat na si Efren Abueg. Kilala naman natin siya dahil ika-55 taon ngayon ng Mga Agos sa Disyerto. Ikampanya natin na gawin siyang National Artist for Literature, at ipakilala natin siya sa bagong henerasyon ngayon.” Mahabang sabi ni Mulong.

“Tama ka, “ani Pidyong. “Aba’y siya na lang ang buhay sa tinaguriang Limang Suwail sa panitikan. Kahit siya man lang sa limang awtor ng Mga Agos sa Disyerto ay maging Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan. Sasabihin ko sa anak ko, at tutulong ako sa aktibidad nila bilang kasapi ng Parents-Teachers Association sa kanilang paaralan.”

Narinig din pala sila ni Iska na kanina pa nakikinig sa kanila habang nagtitinda ito sa karinderyang tinambayan nila at sumabat ito, “Iyong anak ko rin ay pinagagawa ng kanilang grupo sa iskul para sa Buwan ng Wika. Maaari ko bang imungkahi rin iyan sa aking anak?”

“Aba’y oo, Aling Iska. Kilala mo rin pala si Efren Abueg,” ang sabi ni Mulong.

“Oo naman. Hanggang ngayon kasi, aktibo pang nagsusulat sa magasing Liwayway si Abueg, at nababasa ko pa siya.” ani Iska. “Baka mas maganda ay hindi lang siya sa iskul makilala kung nais natin siyang maging National Artist.”

“Anong ibig mong sabihin?” Tanong ni Mulong.

“Tayo rin mismong mga magulang ay kumilos at magbigay din ng mungkahi sa pamahalaan na gawin nang National Artist for Literature si Efren Abueg sa pamamagitan ng petisyon. Kung hindi tayo kikilos, kailan pa siya kikilalaning National Artist? Pag ang natitirang buhay na may-akda ng Mga Agos sa Disyerto ay mamatay na? Dapat habang naririyan at buhay pa siya’y parangalan na bilang National Artist.” Sabi ni Iska.

“Tama ka, Iska,” ani Mulong. “Lalo na’t otsenta’y dos na siya ngayong taon. 1937 siya ipinanganak. 2019 minus 1937 equals 82. Teka. Ang maganda yata’y pagpulungan din nating magkakapitbahay kung paano tayo gagawa ng petisyon. Sisimulan kong magsulat at kung sang-ayon kayo’y ipalaganap natin. Pag nagawa ko ang petisyon, itakda natin ang ating pulong, na layunin ay paano natin ikakampanyang maging National Artist for Literature si Efren Abueg.”

Sumagot si Pidyong, “Pag nagawa mo ang petisyon, magpapapirma rin ako sa mga kasamahan kong magulang sa PTA, sa iskul ng anak ko.”

Kinabukasan, ipinakita ni Mulong ang nasulat niyang petisyon kina Pidyong at Iska, na nang binasa ay sumang-ayon na kaagad.

“Magpatawag ka na ng pulong, Mulong.” Sabi ni Iska.

“Sige. Sa Sabado ba ay maaari kayo? Ikalawa ng hapon sa Barangay. Nakausap ko kasi si Kapitan nang makasalubong ko kanina. Sang-ayon din siya rito, at nais tumulong sa ating kampanya.” Sabi ni Mulong. “Kung magpupulong daw tayo, may kwarto sa Barangay na magagamit sa pulong. Nais niyang dumalo.”

“Okay,” ani Pidyong, “Sabihan ko na rin ang anak kong dumalo. Magparami rin tayo ng petisyon para ipamigay ko sa mga kakilala ko, pati sa PTA. Imbitahan na rin natin ang ating mga kapitbahay.”

“Ako rin,” ani Iska. “Padadaluhin ko rin sina kumare. Kita-kits sa Sabado.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2019, pahina 18-19.

Miyerkules, Agosto 14, 2019

Kwento - Isabatas ang "Birth of the Nation Week" bilang pag-alala sa ating kasaysayan



ISABATAS ANG “BIRTH OF THE NATION WEEK” BILANG PAG-ALALA SA ATING KASAYSAYAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-uusap ang magkapitbahay na sina Inggo at Indoy hinggil sa gaganaping pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan tuwing Agosto.

“Alam mo, Pareng Indoy, may mga pagdiriwang ngayong Agosto ang pamahalaan hinggil sa Buwan ng Kasaysayan at Buwan ng Wika. Ngunit sa kasaysayan, may mga pagtatalo ang mga historyador sa kung kailan eksaktong nagsimula ang himagsikan nina Bonifacio.” Ani Inggo.

“Bakit? Ano bang pinagtatalunan nila?” Tanong ni Indoy.

“Ganito kasi, Pareng Indoy,” pagpapatuloy ni Inggo, “Sa aklat natin sa kasaysayan na sinulat ni Gregorio F. Zaide, nagsimula ang himagsikan sa Sigaw sa Balintawak noong Agosto 26, 1896. Kinwestiyon ito ng iba pang historyador natin, tulad ni Gregorio Agoncillo, na unang naganap ang Sigaw sa Pugadlawin noong Agosto 23, 1896. Mahalaga kasing matuldukan na ang ganito sanang pagtatalo dahil napakahalaga nito sa ating kasaysayan. Nang pinunit kasi ng mga Katipunero ang kanilang sedula, tanda iyon na ang Katipunan ay naging isang rebolusyonaryong pamahalaan. At si Gat Andres Bonifacio ang unang pangulo.”

“Ah, kaya pala, may pelikulang Bonifacio: Unang Pangulo,” sabi ni Indoy. “Kung si Bonifacio ang unang pangulo, saan siya pangulo?”

Sumagot si Inggo, “Ang pinamumunuan niyang kilusang Katipunan, mula sa pagiging lihim na samahan ay naging rebolusyonaryong pamahalaan nang sumiklab ang Rebolusyong Pilipino noong 1896."

Si Indoy uli, “Ngayon ko lang nauunawaan. Subalit ano ba ang programa o plano ng pamahalaan diyan?”

“Ang punto ko,” ani Inggo, “Dapat tapusin na ang debate kung kailan at saan ba talaga nagsimula ang Himagsikang 1896. Ibig sabihin, magdeklara na ang pamahalaan ng isang linggong pagdiriwang hinggil sa Pagsilang ng Bansa, o Birth of the Nation Week. Maaaring magsimula ito sa Agosto 23 hanggang Agosto 29 na tatamaan ang Sigaw sa Pugadlawin at Sigaw sa Balintawak, hanggang sa Tagumpay ng Nagsabado sa Pasig ng Agosto 29. Pitong araw, kaya isang linggong pagdiriwang.”

Napanganga si Indoy, “Ha? May tagumpay ba ang mga Katipunero? Ano iyang Nagsabado sa Pasig?”

Tugon ni Inggo, “Ayon sa historyador ng Pasig na si Carlos Tech sa kanyang panayam kay  Heneral Valentin A. Cruz, ang Nagsabado sa Pasig ay hinggil sa pag-aalsang naganap noong Agosto 29, 1896. Pinamunuan ito ni Cruz, at nilahukan ng halos 2,000 Katipunerong armado ng itak, sibat, karit at ilang riple. Matagumpay nilang nilusob ang Tribunal sa Pasig at ang himpilan ng mga Guardia Civil, at nakasamsam ng 17 pistola at tatlong ripleng Remington. Kaya umatras sina Tenyente Manuel Sityar, ang pinuno ng Guardia Civil, kasama ang kanyang mga tauhan at nagtago sa kampanaryo ng simbahan. Iyan ang Battle of Nagsabado na dapat ding taunang ipagdiwang, di lang sa Pasig, kundi sa buong bansa.”

“Naunawaan ko na,” ani Indoy, “Kaya anong dapat nating gawin?”

Tumugon si Inggo, “Dapat maikampanya natin ang pagsasabatas ng Birth of the Nation Week. Magsulat tayo ng petisyon, magpaliwanag sa mga tao upang lagdaan ang petisyon, kumausap ng mga senador at kongresista, mga guro sa kasaysayan, upang maging ganap na batas ang pagdiriwang ng Pagkasilang ng Bansa, o Birth of the Nation Week.”

Napakinggan pala sila ni Ingrid na nakaupo lang sa tabi. “Tanong ko lang, kung maisasabatas ba iyang Birth of the Nation Week, apektado ba ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan tuwing Hunyo 12?”

“Aba’y hindi,” mabilis na tugon ni Inggo. “Magkaiba kasi sila ng panahon sa kasaysayan.”

“Salamat. Alam n’yo, ituloy n’yo lang iyan, lalo ang gagawin n’yong petisyon,” ani Ingrid, “Kung sakali, tutulong ako sa pagpapapirma.”

Buong galak na sinabi ni Indoy, “Aba’y sulatin mo na ang petisyon. At magpatawag ka na rin ng pulong ng magkakapitbahay upang mapag-usapan ang iyong mungkahi at baka makatulong rin sila sa pagtalakay at pagpapalaganap niyan. Sagot ko na ang pagpaparami ng petisyon.”

“Salamat. Sige, susulatin ko ang petisyon at magpulong na rin tayo sa Sabado, alauna ng hapon. Sa harap na ng bahay namin.” Sabi ni Inggo.

“Sige, at iimbitahan ko na rin ang ilan kong kaibigan.” Ani Indoy.

“Ako rin.” Ani Ingrid. “KIta-kits sa Sabado.”

Isang araw iyon na punong-puno ng pag-asa para sa kanila.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2019, pahina 18-19.

Biyernes, Agosto 9, 2019

Bakit kailangan natin ng National Land Use Plan (NLUA)?

BAKIT KAILANGAN NATIN NG NATIONAL LAND USE ACT (NLUA)?
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang nagaganap na labanan sa pagitan ng komunidad ng maralita  ng Malipay sa Bacoor, Cavite, at mga tauhan ng Villar, ay maaaring matugunan kung maisasabatas ang isang National Land Use Act (NLUA). Ito'y upang mapigilan ang kasakiman ng mga mayayaman na manguha ng lupa dahil sila'y mapera, marami talagang pera, maraming pinagkunan ng pera.

Kailangan ng NLUA dahil ang mga lupang pang-agrikultura at mga lugar ng paglikha ng mga pagkain ay di wastong pinapalitan ng gamit o kino-convert na lupang residensyal at komersyal / industriyal. Ang kagubatan at iba pang pinpprotek-tahang lugar ay ginawang minahan. Ang mga proyekto sa pabahay ay itinayo sa mga peligrosong ;ugar. Kaya ang mga maralita o informal settlers ay nanirahan sa mga barungbarong sa kahabaan ng mga daanan ng tubig, naging kanlungan ang kalunsuran o malapit sa kanilang pinagkkukunan ng ikinabubuhay o trabaho.

Ang pagguho ng lupa ng Cherry Hills subdivision sa Antipolo noong Agosto 1999, dalawampung taon na ang nakararaan, ay patunay nang maling paggamit ng lupa. Ang nasabing landslide ay dulot ng malakas na pag-ulan ng bagyong Olga, ay nakapatay ng 58 residente. Tinayuan ng subdibisyon ang lupang lulubog din pala baling araw.

Kaya kung walang maayos na land use policy o walang patakaran sa paggamit ng lupa na makatuwiran at pangkabuuan, nagkakaroon ng maraming kaso ng pagsasaman-tala. Ang mga lupang dapat mapro-tektahan ay ginamit para sa mga industriya. Ang mga lupang sakahan ay napipilitang ipagbili ng mga magsasakang hirap sa buhay gayong sila ang lumilikha ng pagkain ng buong mundo. Ang mga lupang agricultural ay ginawang residensyal at pinagtubuan ng mga developer ng bahay. Ang lupain para sa mga komunidad ay ginamit para sa komersyal o pang-industriya. Ang mga maling paggamit ng lupa ang sanhi ng pagbaba ng produksyon ng pagkain, pagkasira ng mga ari-arian at buong komunidad lalo sa mga oras ng kalamidad. Inaari lamang ng iilan ang mga lupang dapat ay para sa mamamayan.

Kaya kailangang magsabatas ng isang National Lans Use Plan (NLUA) kung saan di basta-basta maiko-convert ang lupa sa hindi tamang paggamit. Subalit may Villar sa Senado na humaharang sa mga panukalang batas hinggil sa NLUA dahil sila mismo ang tatamaan nito. Matatapos ang kanilang pangangam-kam ng lupa upang gawing subdibisyon pag naisabatas ang NLUA. Subaybayan natin at lumahok tayo sa usapin ng NLUA sa Kongreso at Senado.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2019, pahina 2.

Ang apat kong tanága sa Poetry Night

‎ANG APAT KONG TANÁGA SA POETRY NIGHT ‎ni Gregorio V. Bituin Jr. ‎ ‎Matapos manood ng dulang Manila Carnival Queens sa Metropolitan Theater ...