Miyerkules, Mayo 3, 2023

Gawing pabahay ang lupang gobyerno

GAWING PABAHAY ANG LUPANG GOBYERNO

"Gawing pabahay sa mga mahihirap
ang lupang gobyerno!" anang maralita
panawagan sa gobyernong mapaglingap
dahil ito nga'y paglilingkod sa dukha

sila'y nakasama nitong Mayo Uno
sa lansangan habang patungong Mendiola
panawagang tagos sa puso ko't buto
ay dinggin bilang pagsisilbi sa masa

lupa'y serbisyo, di negosyo ng ilan
huwag hayaang agawin o kamkamin
ng mga negosyante't tusong gahaman
lupa'y gawing serbisyo'y ating layunin

katulad din ng pampublikong pabahay
na dapat serbisyong pamamahalaan
ng gobyerno, na di aariing tunay
kundi gamitin mo bilang mamamayan

anong ganda't di pribadong pag-aari
na siyang ugat ng laksang paghihirap
kundi ito'y pampublikong ating mithi
patungo sa lipunang pinapangarap

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa EspaƱa tungong Mendiola, Mayo Uno 2023

Tapakang goma

TAPAKANG GOMA

binili ko'y tapakang goma
para sa loob ng kubeta
ito'y isa kong pandepensa
dahil yata tumatanda na

nadulas nang muntik-muntikan 
tatlong beses na yata iyan
mabuti't nakahawak naman
kundi ako'y mapipilayan

tapakang goma ang nawatas
na bibilhin agad sa labas
kaligtasan ang nag-aatas
kaysa bigla kang madupilas

may kilala akong namatay
dalawang lider silang tunay
na sa kubeta nahandusay
nang madulas, ulo'y bagok, ay

isipin ang makabubuti
tulad ng tapakang may silbi
tapakang goma na'y binili
upang sa huli'y di magsisi

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023

Himbing sa bagong tahanan

HIMBING SA BAGONG TAHANAN

anong sarap ng pagkahimbing
ng magkakapatid na kuting
sa kanilang bagong tahanan
na inayos ko sa bakuran
baka pagod sa paglalaro
nakatulog na't hapong-hapo
ang mga kuting na alaga
sana'y lumusog at sumigla
pagkakain nila'y nabusog
hayaan nating makatulog
unang gabi sa bagong bahay
doon sila nagpahingalay
pag mga kuting na'y nagising
tiyak gutom na't maglalambing

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023

Martes, Mayo 2, 2023

Pag-inom ng kuting sa C.R.

PAG-INOM NG KUTING SA C.R.

kaya pala ngiyaw ay narinig
nang ako'y naroon sa kubeta
nais nilang uminom ng tubig
kaya pinapasok ko na sila

tanong ko'y bakit nais pumasok
ano bang kanilang naiisip
nang pinapasok ko'y parang hayok
sa tubig na kanilang sinipsip

sa sahig, ah, iyon pala naman
sila'y agad ko ring naunawa
silang pulos kain at suso lang
ay nauuhaw din ang alaga

pag sa kubeta sila'y ngumiyaw
batid ko nang sila'y nauuhaw

- gregoriovbituinjr.
05.02.2023

* ang bidyo ay mapapanood sa: https://fb.watch/kgmawuH-Kz/

Panawagan ng PMCJ sa Mayo Uno

PANAWAGAN NG PMCJ SA MAYO UNO

panawagan ng Philippine Movement for Climate Justice
sa manggagawa sa pagdiriwang ng Mayo Uno
Just Transition ay panguhanan nila't bigyang hugis
ang sistemang makakalikasan at makatao

imbes magpatuloy pa sa fossil fuel, coal, dirty
energy ay magtransisyon o lumipat ang bansa
o magpalit na patungong renewable energy
para sa kinabukasan, O, uring manggagawa!

kayo ang lumikha ng kaunlaran sa daigdig
di lang ng kapitalistang nasa isip ay tubo
saklolohan ang mundong anong lakas na ng pintig
upang mundo sa matinding init ay di maluto

payak na panawagan ngunit napakahalaga
sa kinabukasan ng mundo at ng bawat isa

- gregoriovbituinjr.
05.02.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Mendiola, Mayo Uno 2023

Reserbang delata

RESERBANG DELATA

heto't binili'y sampung delata
na pang-isang linggo nang reserba
sardinas na talagang malasa
mga isdang kinulong sa lata

minsan sa mundo'y ganyan ang buhay
lalo't tulad kong di mapalagay
sa mundong saksi sa dusa't lumbay
bagamat may saya ring nabigay

madalas kung iyong iisipin
ito'y talagang pang-survival din
sa mga nasalanta'y pagkain
sa dukha'y delatang mumurahin

ah, mabuting may reserbang ganyan
na panlaban mo sa kagutuman
pagkat nakikipagsapalaran
pa rin sa di patas na lipunan

- gregoriovbituinjr.
05.02.2023

Lunes, Mayo 1, 2023

Tatlong kuting sa kahon

TATLONG KUTING SA KAHON

nasa isang talampakan ang kahon
tatlong kuting ang nasa loob niyon
misyon nila'y ang makaalis doon
aba'y saglit lang, sila'y nakaahon

halos tatlong linggo pa lamang sila
wala pang sambuwan ngunit kaysigla
sa kahon nga'y agad na nakasampa
survival of the fittest, ikako na

tila ba ito'y isang pagsasanay
kaya bidyuhan sila'y aking pakay
upang masulat ang kanilang buhay
habang kuting pa't pag lumaking tunay

bata pa'y pinakita na ang galing
ng mga magkakapatid na kuting
sana paglaki'y masubaybayan din
at nang sila'y maitula ko pa rin

- gregoriovbituinjr.
05.01.2023

* ang bidyo ay mapapanood sa: https://fb.watch/kfu3LwYEBn/

P30 na aklat, P30 pantraysikel

P30 NA AKLAT, P30 PANTRAYSIKEL minsan, minumura ko ang ulan dahil biglang napapa-tricycle imbes na ako'y maglakad na lang ng limang kant...