Linggo, Marso 24, 2024

Meryenda muna

MERYENDA MUNA

ako muna'y magmemeryenda
katatapos ko lang maglaba
pinigaan at sinampay na
at bukas naman magpaplantsa

tarang magkape't magtinapay
habang pahinga't nagninilay
tarang pagsaluhan ang monay
habang isip ay naglalakbay

tapos maglalampaso naman
bawat sahig ay pupunasan
pag linggo'y ganyan kadalasan
walang pahinga sa tahanan

simple lang ang meryenda ngayon
kape't monay lang ang nilamon
subalit di gaya kahapon
na nabitin sa pansit kanton

- gregoriovbituinjr.
03.24.2024

Pangarap

PANGARAP 

pangarap ko'y lipunang makatao
ay maitayo ng uring obrero
walang pagsasamantala ng tao
sa tao, habang tangan ang prinsipyo

pangarap ko'y lipunang manggagawa
kung saan walang naapi't kawawa
lakas-paggawa'y binayarang tama
at di kontraktwal ang nasa paggawa

pangarap ko'y lipunang walang hari
walang tuso, kapitalista't pari
pangarap makapagtanim ng binhi
na ibubunga'y pantay, walang uri

pangarap ko'y makataong lipunan
na kung kikilos ay baka makamtan

- gregoriovbituinjr.
03.24.2024    

Sabado, Marso 23, 2024

Pamasahe

PAMASAHE

nais kong magpamasahe
at ako'y sumakay ng dyip
trese na ang pamasahe
ay di ko pa rin malirip

onse kapag estudyante
pidabalyudi at senyor
bente porsyento'y nalibre
subalit hindi ang mayor

basta batang nakaupo
ay may bayad ding talaga
ngunit libre pag pinangko
ng kanyang butihing ina

nang dumating kay mamasan
ay nagpamasahe ako
pakiramdam ko'y gumaan
mula paa hanggang ulo

- gregoriovbituinjr.
03.23.2024

Diskarte

DISKARTE

akala'y lagi akong wala sa sarili
na kung ano-ano na lang ang sinasabi
laging abala, nagmamadali sa gabi
nang naisip na talinghaga'y maitabi

lalo na't kayrami ng isyu't pangyayari
na ang dama ng loob ay di mapakali
tutunganga sa kawalan at atubili
di maialay ang tula sa binibini

tanong nila, tula mo ba'y saan binase
sagot ko, sa danas ng dusa, luga't peste
nilay sa paglakad nang walang pamasahe
lalo't madalas pang makaapak ng tae

may naging katoto nga akong anluwage
sa kalaunan ay aking naging kumpare
mabait sa una, ngunit naging salbahe
nang ako'y gustuhin ng crush niyang babae

sa baba, mga isyu'y inalam kong pirmi
na layon ay makapag-organisa kami 
tulungan ang masang sa isyu'y napipipi
at katukin ang gobyernong di naman bingi

- gregoriovbituinjr.
03.23.2024

Biyernes, Marso 22, 2024

Nawala na ang Book Sale sa MC Square

NAWALA NA ANG BOOK SALE SA MC SQUARE

sa Malabon City Square, ang Book Sale na'y nawala
nagsara na ang kaytagal kong pinuntahang sadya
dahil sa mga aklat doong sadyang pambihira
nalugi na ba? paano ang mga manggagawa?

matapos manggaling sa S.M.-ZOTO sa Tomana
dalawang kilometrong lakad ay sisimulan na
di muna uuwi, sa Book Sale ay tatambay muna
at baka may mabiling librong kursunada't mura

subalit nagsara na ang Book Sale na naroroon
na para bang may dambuhalang sa kanya'y lumamon
at mga aklat ay nginata at sadyang nilulon
nakahihinayang ang doo'y danas na kahapon

gayunman, may iba pang Book Sale na sangay ng aklat
sa Cubao ay may dalawang madadalaw kong sukat
O, Book Sale, sa iyo'y taospusong pasasalamat
nagsara man doon, sa iyo'y may nabiling aklat

- gregoriovbituinjr.
03.22.2024

Kalbaryo ng Maralita sa Mayaman St.

KALBARYO NG MARALITA SA MAYAMAN ST.

dumaan sa Daang Mayaman
ang Kalbaryo ng Maralita
kung saan aking dinaluhan
upang makiisa ngang sadya

mula Housing ay nag-Philcoa
sa Daang Masaya lumiko
at sa Mayaman nangalsada
at sa DHSUD kami patungo

nilantad ang sistemang bulok
ng kagawaran sa pabahay
umano'y negosyo ang tutok
kaya dukha'y di mapalagay

nawa ay kanilang makamit
ang karapatang ginigiit

- gregoriovbituinjr.
03.22.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa kanto ng Mayaman St. at Kalayaan Avenue sa Lungsod Quezon, Marso 22, 2024

Hustisya para kay Killua!

HUSTISYA PARA KAY KILLUA!

pinaslang ang asong si Killua
naluha ang ilan sa artista
extremely heartbreaking, ani Sarah
kaysakit nito, ani Janella

anang ulat, nang aso'y pinaslang
ay sa sako natagpuan na lang
sino kaya ang may kagagawan?
tila may galit sa asong iyan!

kung pinatay siya't isinako
di siya pulutan ng lasenggo
at di kinatay o inadobo
ngunit bakit kinitil ang aso?

dahil ba ngalang Killua'y may Kill?
kaya buhay ng aso'y kinitil?
katukayo niya'y isang hunter
sa palabas na Hunter x Hunter

aso man, hayop ay may buhay din
kapara ng taong may damdamin
kaya ako'y nananawagan din
ng katarungan na sana'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
03.22.2024

* litrato ni Sarah Geronimo mula sa pahayagang Bandera, ni Janella Salvador sa Abante, at aklat na Animal Scene, Volume 23, na nabili ng makatang gala

P30 na aklat, P30 pantraysikel

P30 NA AKLAT, P30 PANTRAYSIKEL minsan, minumura ko ang ulan dahil biglang napapa-tricycle imbes na ako'y maglakad na lang ng limang kant...