Martes, Nobyembre 27, 2018

Kwento - Huseng Batute, Asedillo at ang wikang Filipino


HUSENG BATUTE, ASEDILLO AT ANG WIKANG FILIPINO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa paglalathala nating muli ng pahayagang Taliba ng Maralita bilang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), nais nating kilalanin ang isa sa mga magigiting na makata ng bayan - si Jose Corazon de Jesus o Huseng Batute. Nasa wikang Filipino ang ating pahayagan. Nasa wikang madaling maunawaan ng ating mga kapwa maralita. Kaya yaong mga Pinoy na Ingleserong nangungutya sa wikang Filipino na wikang bakya ay dapat nating tuligsain. Kaya mahalaga ang muling pagkilala, bukod sa makatang si Gat Francisco Balagtas, kay Huseng Batute, na siyang unang Hari ng Balagtasan noong 1925.

Napagkwentuhan nga namin iyan ng lider-maralitang si Mang Isko, na tumutula rin naman. Sabi niya sa akin, “Alam mo, Igor, dapat namang kilalanin din ng pamahalaan ang kahalagahan ni Jose Corazon de Jesus bilang tagapagtanggol ng wikang Filipino. Nabasa mo ba ang tula niya laban sa isang gurong Amerikana? Tinuligsa niya iyon ng patula dahil kinagagalitan nito ang mga estudyanteng nagta-Tagalog.”

“Anong magandang mungkahi mo?” Tanong ko.

“Aba’y sa Nobyembre 22 ay kaarawan niya, maanong magdeklara naman ang pangulo na kilalanin si Huseng Batute sa kanyang kaarawan. O kaya ay kilalanin ang kanyang kaarawan bilang Pambansang Araw ng Pagtula, Tulad ng pag Abril ay sinisimulan ng bayan ang Buwan ng Panitikan sa mismong kaarawan ni Balagtas, Abril 2. Bagamat dapat Abril 1 hanggang Abril 30 ang Buwan ng Panitikan. Ang Abril 1 kasi ay April Fool’s Day. Kaya ang pagsalubong lagi sa Buwan ng Panitikan ay sa kaarawan ng ating dakilang makatang si Balagtas.” Ani Mang Isko.

“Maganda po ang inyong mungkahi. Tulad rin pala iyan ng naging karanasan ni Teodoro Asedillo, na isang guro sa Laguna, bago nakilalang rebelde. Tinuruan niyang maging makabayan ang mga estudyante niya, at pinagalitan siya ng punong gurong Amerikano dahil sa pagtuturo ng wikang Filipino, kaya siya tinanggal.” Sabi ko sa kanya.

“Maalam ka pala sa kasaysayan,” tugon ni Mang Isko. “Baka mas magandang buksan natin sa isang talakayan ang usaping ito. Pagkilala kina Jose Corazon de Jesus at Teodoro Asedillo bilang mga bayani ng wika. Mungkahi kong magpalaganap tayo ng kampanyang lagda upang ideklarang Pambansang Araw ng Pagtula ang kaarawan ni Batute, kasabay ng kampanyang pagkilala kina de Jesus at Asedillo bilang mga bayani ng wikang Filipino, na nauna pa kay Manuel L. Quezon, na siyang Ama ng Wikang Pambansa.”

“Sige po.” Tugon ko. “Napanood ko kasi ang pelikulang Asedillo ni Fernando Poe Jr., at nabasa ko ang talambuhay niya sa mga aklatan kaya po alam kong ipinaglaban niya ang ating wikang pambansa. Isusulat ko muna ang borador ng kampanyang lagda para sa dalawa. Tapos po ay magpatawag tayo ng pulong ng samahan. Yayain din natin ang iba pang samahan upang sumama sa kampanyang ito. Magpatawag na po tayo ng pulong sa Sabado.”

“Ayos iyan. Ipatawag mo na.” Sabi ni Mang Isko sa akin, kaya masigla kong ginampanan ang para sa akin ay makasaysayang usapin.

Pagdating ng araw ng Sabado, ikalawa ng hapon, nagsidatingan na ang mga lider at kasapian ng samahan. Sinimulan ko ang usapin.

“Nag-usap kami ni Pangulong Isko upang maglunsad tayo ng isang malawakan at makasaysayang kampanya. Lalo’t marami rin sa inyo ay paminsan-minsang gumagawa ng tula. Una, kampanyang lagda upang ideklarang Pambansang Araw ng Pagtula ang kaarawan ni Huseng Batute at gawing bayani ng wikang Filipino sina Jose Corazon de Jesus at Teodoro Asedillo sa pagtatanggol ng ating wika laban sa mga dayo.”

Tumugon si Mang Igme, “Okay iyan. Subalit dapat dalhin natin sa Malakanyang ang panawagang iyan bukod pa sa paggawa ng panukalang batas ng ating mga kongresista at senador. Magandang layunin iyan.”

Si Aling Isay, “Nasaan na ang mga papel para sa kampanyang lagda upang masimulan na natin. Ang galing ng inyong naisip. Kahit matanda na ako’y naaakit muling tumula, at ipagtanggol ang wikang Filipino, lalo na sa nagtanggalng kursong ito sa kolehiyo.

Natapos ang pulong na masigla ang bawat isa, dahil alam nilang para sa bayan at sa kultura at kabayanihan ang kanilang bagong layunin.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 2018, pahina 16-17.

Lunes, Oktubre 29, 2018

Kwento - Sa relokasyon, may poso, walang tubig, may poste, walang kuryente

SA RELOKASYON, MAY POSO, WALANG TUBIG, MAY POSTE, WALANG KURYENTE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napag-uusapan nang madalas ng mga maralita ang kalagayan sa mga relokasyon. Akala nila’y tutuparin ng pamahalaan ang mga pangako nito pag nadala na sila sa relokasyon, subalit kabaligtaran pala ang lahat.

Si Ipe, na dating mandaragat sa Navotas, at ang kanyang pamilya, ay nadala sa isang relokasyon sa Towerville, sa kabundukan ng San Jose del Monte sa lalawigan ng Bulacan. Bukod sa may kalayuan na, mahal pa ang pamasahe, nailayo pa sila sa pinagkukunan ng ikinabubuhay, Aba’y saan naman nila gagamitin ang kanilang mga bangka doon sa kabundukan?

Ani Ipe, nang minsang dinalaw ko sila sa Towerville, “Ang hirap dito sa kalagayan namin, dinala kami rito sa talahiban. Kami pa ang nagtabas ng mga damo, nagpatag ng lupa, hanggang matayuan ng bahay. Talagang literal na itinapon kami ritong parang mga daga. May nakita nga kaming poso rito subalit walang tubig. May mga poste ng kuryente subalit walang kuryente. Ang matindi pa, malayo ang palengke, na lalakarin mo pa ng ilang kilometro upang makabili. Buti nga sa ngayon, nagtayo ng munting tindahan si Mareng Isay kaya nakakabili na kami ng pangangailangan. Bagamat medyo mahal dahil kinukuha pa sa malayo.”

“Kaytindi po pala ng inyong nararanasan.” Sabi ko.

Naroon din si Isko, na agad sumabat sa usapan. “Siyang tunay, Igor, nagbago talaga ang buhay namin. Mula sa pagiging mandaragat ay nagmistula kaming pulubi ritong nanghihingi ng limos. Mabuti ‘t maayos ang pamumuno ni kasamang Ipe sa amin, kaya kami’y nagtutulungan dito. Sayang nga lamang ang aming mga bangkang pinaghirapan naming pag-ipunan upang makapangisda’t mapakain ang aming mga anak.”

“Tara muna sa tindahan ni Isay at nang makapagmeryenda,” yaya ni Mang Ipe. Tumango naman ako at sumunod.

“May kanton diyan, ipagluluto ko kayo,” ani Aling Isay. “Maigi’t napadalaw ka sa amin, Igor. Kaytagal na ring di tayo nagkausap. Kumusta na nga pala ang KPML?”

“Mabuti naman po. Nahalal po pala akong sekretaryo ng KPML nitong Setyembre. Si Ka Pedring pa rin po ang nahalal na pangulo.” Ang agad ko namang tugon.

“Alam mo, mahirap talaga ang mapalayo sa kinagisnan mong lugar.” Ani Aling Isay. “Kung di ako magtitinda-tinda, aba’y gutom ang aming aabutin dito ng mga anak ko.”

Patango-tango lamang ako sa kanilang ikinukwento, dahil dama ko na’y di na mapalagay. Bakit ganoon? Natahimik ako  ng ilang sandali. At nang magkalakas ng loob na akong magsalita ay saka ako nagtanong.

“Di po ba nakalagay sa UDHA, sinumang nilagay sa relokasyon ay may pangkabuhayan. Ano na pong nangyari roon?”

Napailing si Inggo, na kanina pa nakikinig, “Sa totoo lang, iyan din ang inaasahan namin. May pangkabuhayan. May trabahong magigisnan. Subalit wala, wala. Gaya nga ng nabanggit kanina ni Ipe, para kaming mga dagang basta itinaboy dito. Kami pa ang nagpaunlad ng komunidad na ito nang walang anumang tulong mula sa gobyerno.”

Iniabot na ni Aling Isay ang niluto niyang pansit kamton. Tigisa kami nina Mang Ipe, Isko at Inggo. Tahimik lang kaming kumain, habang nagpatuloy sa pagkukwento naman si Aling Isay.

“Malayo pa ang iskwelahan dito. Sana’y nag-aaral pa ang mga anak ko. Sana, may maitayo nang paaralan sa malapit upang makapag-aral muli sila. Pati ospital, para naman sa mga maysakit. Malayo din kasi ang health center na malapit. Nasa kabilang barangay pa.”

Hindi pa ako tapos kumain ay nakahanda na ang aking munting kwaderno at isinulat ko ang mga sinabi nila. Maya-maya’y narinig ko na lang sa radyo ni Aling Isay sa tindahan ang awitin ni Gary Granada, na pinamagatang Bahay.

“Parang pinagtiyap ng pagkakataon, kumakanta ng Bahay si Gary Granada,” sabi ko, “na para bang patunay ng mga sinabi po ninyo.”

“Ay, oo,” sagot ni Mang Ipe, “pag ninamnam mo ang kahulugan ng kantang iyan, parang kami noong nagsisimula pa lang dito.”

Maya-maya, nang matapos nang kumain ay nagpaalam na ako. “Tuloy po muna ako, pupuntahan ko pa po sina Ate Fely at si Neneng sa kanilang bahay. Mangungumusta rin po.”

“Sige, Igor, mabuti at nabigyan mo kami ng isyu ng pahayagang Taliba ng Maralita, at may mababasa kami tungkol sa mga ginagawa ng KPML. Pakikumusta mo na lang kami kina Ka Pedring.” Ani Aling Isay. “Ingat ka, at baka ka gabihin sa daan. Mahaba pa ang lalakarin mo.”

Tumango ako, “Salamat po, ingat din po kayo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 2018, pahina 18-19.

Sabado, Setyembre 29, 2018

Kwento - Pagbabalik ng Taliba, pagbabalik sa Taliba


PAGBABALIK NG TALIBA, PAGBABALIK SA TALIBA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Higit isang dekada na rin nang mawala ako bilang staff ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong Marso 2008, at nakabalik lamang sa KPML nang mahalal na sekretaryo heneral nito noong Setyembre 16, 2018.

Kaya nang mahalal ako’y agad kong sinabi kay Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang pangulo ng KPML, na muli kaming maglabas ng dyaryo ng KPML, ang Taliba ng Maralita.

“Sige, Greg, ilathala muli natin ang Taliba ng Maralita,” ani Ka Pedring, “ikaw naman ang dating gumagawa niyan. Ikaw na humawak diyan.”

“Okay po, mas maganda po kung may kolum kayo, Ka Pedring.” Sabi ko, na sinang-ayunan naman niya.

Kaya isinama na namin sa plano ang paglalathala ng Taliba. Kung noon ay isang beses kada tatlong buwan, o apat na isyu ng Taliba kada taon, ang balak ko ay isang beses sa isang buwan upang labingdalawang isyu ng Taliba sa loob ng isang taon. Palagay ko’y kaya naman dahil sa dami ng paksang matatalakay at dami ng laban at isyung kinakaharap ang maralita.

Ang kasanayan ko bilang manunulat mula sa kampus o sa kolehiyo bilang editor ng pahayagan ng mag-aaral, hanggang sa paglalabas ng dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng Sanlakas, hanggang sa pagsusulat at pagle-layout ng pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), hanggang sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM), marami na rin akong karanasan bilang isang dyarista. Bukod pa ang hilig sa pagkatha ng maikling kwento at tula, alamat at pabula, at marahil sa mga susunod na panahon ay maging isang ganap na nobelista. Nais kong kumatha ng nobelang ang bida ay ang uring manggagawa. O mas pinatatampok ay ang kolektibong pagkilos ng sambayanan.

Isang maramdaming tagpo para sa akin ang ipahawak sa akin muli ang pagsusulat at paglalathala ng Taliba ng Maralita, dahil natigil na ang paglalathala ng Maypagasa, Obrero at Ang Masa, at tanging ang Taliba ng Maralita na lamang ang aking pinagsusulatan sa ngayon kaya sabi ko sa sarili ko, paghuhusayin ko ang pagsusulat dito.

Isa sa mga maikling kwentong nalathala ko sa Taliba ay ilang ulit nang nilathala sa dyaryo. Pinamagatan iyong “Ang Ugat ng Kahirapan”. Una iyong nalathala sa nalathala sa Taliba ng Maralita sa isyu ng Hulyo-Setyembre 2003, na higit labinglimang taon na rin ang nakararaan. Nalathala rin iyon sa pahayagang Obrero ng BMP, bandang 2007 o 2008 (wala na akong sipi niyon), sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM) noong Oktubre 2011, at sa muling paglathala ng Taliba nitong Setyembre 2018, sa nakaraang isyu lang.

Ang una ngang Taliba ng Maralita na ginawa ko ay ang isyung Abril-Hunyo 2001, ilang buwan matapos paslangin si Ka Popoy Lagman, na dating pangulo ng BMP. Ang pagtalakay sa kanya ng isang tagasugid na tagahanga ay nalathala sa Philippine Daily Inquirer noong Pebrero  14, 2001, na isinalin ko sa wikang Filipino, at siyang tampok na balita sa isyung iyon. Sa pahina 4 din ng isyung iyon ay isinulat ko naman ang talambuhay ni Ka Popoy Lagman.

Malaking bagay na nakabalik ako sa Taliba ng Maralita, dahil nga wala na akong pinagsusulatang pahayagan sa kasalukuyan, dahil hindi na rin sila nagtuloy. At dito sa Taliba, bilang bagong sekretaryo heneral ng KPML, ay pag-iigihan ko na ang bawat pagsusulat ng sanaysay, pahayag ng KPML, pananaliksik ng mga balita’t batas hinggil sa isyu ng maralita, maikling kwento at tula. Kaya asahan ninyo ang aking pagsisikap upang mapabuti ang ating munting pahayagan ng maralita.

Baka rito sa Taliba ng Maralita ko masulat ang pangarap kong nobelang naiisip kong sulatin, isang nobelang hinggil sa maralita, manggagawa, mga api, at pinagsasamantalahan sa lipunan. Nobelang kakampi ng masa para sa karapatang pantao at panlipunang hustisya.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Setyembre 2018, pahina 16-17.

Paanyaya sa Setyembre 21, 2025

bayan, nalulunok mo pa ba iyang katiwalian nila nabibilaukan ka na ba sa proyektong 'ghost' wala pala bayan ko, binaha ka na ba dahi...