Linggo, Setyembre 8, 2024

Nagpa-selfie sa pugante

NAGPA-SELFIE SA PUGANTE

animo'y sikat na artista ang pugante
gayong doon pa sa ibang bansa nahuli
pagdating sa bansa'y agad na nagpa-selfie
ang mga opisyal sa puganteng nasabi

walang masama kung sikat itong artista
subalit pugante ang kanilang nakuha
nahuli ng mga pulis ng Indonesia
na di nahuli ng ating pulis talaga

tulad ng ibang wanted na nalitratuhan
pag sa midya'y pinahayag sa taumbayan
ngunit ito'y iba, nahuli'y pakyut naman
mga opisyal ay nakangiti, tila fan

gayunman, paalala, siya'y isang takas
na dapat managot sa ilalim ng batas

- gregoriovbituinjr.
09.08.2024

* ulat mula sa SunStar Philippines at pahayagang Pang-Masa, Setyembre 7, 2024

Paglalaro ng block puzzle

PAGLALARO NG BLOCK PUZZLE

kaygaling ng app game na aking natagpuan
dahil nagbibigay sadya ng kasiyahan
paano ba ilagay sa wastong lagakan
ang mga korteng sadya mong pag-iisipan

kaygandang ehersisyo sa utak mong tunay
mapapasok ang ilan ngunit isa'y sablay
ang ipasok ang lahat ay isiping husay
pampalipas-oras din matapos dumighay

block puzzle ay palaisipang ninilayin
kumbaga sa problema, paano lutasin
habang nagpapahinga'y kaygandang laruin
ngunit pag di nalutas, huwag didibdibin

paano kotse'y iparada sa garahe
o gamit ikamada sa iskaparate
sa pagsalansan ay paano dumiskarte
tingni, sa block puzzle ay iyan ang mensahe

- gregoriovbituinjr.
09.08.2024

* litrato mula sa app game na BlockPuzzle

Kung ang buhay ay jigsaw puzzle

KUNG ANG BUHAY AY JIGSAW PUZZLE

kung buhay ay itutulad sa jigsaw puzzle
patuloy sa pag-ikot at di tumitigil
pagkat palaisipang walang makapigil
anong palagay mo't sa diwa'y umukilkil
kayraming salitang pinaikli't tinipil

ikumpara sa jigsaw puzzle, lahat tayo
ay binubuo rin ng maraming piraso
na pag binuo, lilitaw ay buong tao
na gumagawa, pinapakita'y talento
lalo't mahalaga'y ang pagpapakatao

kung nakikita lang sa piraso'y ang usli
at ang bawat piraso'y nagkabali-bali
ang ating sarili'y walang ibinahagi
ay, bawat piraso'y may puso, diwa't gawi
na pakikipagkapwa'y dapat manatili

jigsaw puzzle ay palaisipang may layon
tinutuklas natin ano ang tamang tugon
kung paano ba walang-wala'y magkaroon
habang nahaharap sa iba't ibang hamon
makakamit din natin ang wastong solusyon

- gregoriovbituinjr.
09.08.2024

* litrato mula sa app game na Zen Word

Sabado, Setyembre 7, 2024

Nais ko'y kalayaan

NAIS KO'Y KALAYAAN

nais ko'y kalayaan
ng bayan, uri't masa
laban sa kaapihan
at pagsasamantala
ng kuhila, gahaman
at tiwaling burgesya
ang aming panawagan:
baguhin ang sistema

aming pinapangarap
ang paglaya ng tao
laban sa pagpapanggap
ng dinastiya't trapo
pinairal nang ganap
negosyo, di serbisyo
silang di nililingap
ang dalita't obrero

nais ko'y kalayaan
ng uring manggagawa
palayain ang bayan
lalo ang mga dukha

- gregoriovbituinjr.
09.07.2024

Pagbaka para sa alternatiba

PAGBAKA PARA SA ALTERNATIBA

tadtad na ng pagsasamantala
at laksang kaapihan ang masa
dahil din bulok na ang sistema
marapat lang may alternatiba

laksa-laksa ang nahihirapan
habang may bilyonaryong iilan
di lang ang kalaban ay dayuhan
kundi mga tusong kababayan

ugat ay pribadong pag-aari
kaya mapang-api'y nagwawagi
dapat ibagsak ang hari't pari
nang paghahari'y di manatili

dapat mayroong pagkakapantay
ng kalagayan ng ating buhay
walang mayaman o dukhang tunay
kundi nililingap tayong sabay

kaya sistema'y dapat baguhin
pagpapakatao'y pagyamanin
pakikipagkapwa'y pairalin
alternatibang sistema'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
09.07.2024

Huwebes, Setyembre 5, 2024

8-anyos, wagi ng 9 na medalya sa swimming

8-ANYOS, WAGI NG 9 NA MEDALYA SA SWIMMING

isang magandang bukas yaong ating matatanaw
sa napakabata pang si Ethan Joseph Parungao
limang gold, tatlong silver, isang bronze, kanyang nakamtan
sa isang paligsahan sa swimming sa Bangkok, Thailand

aba'y nasa edad walo pa lang, siya'y nanalo
karangalan sa bansa ang tagumpay niyang ito
Grade 3 student ng Notre Dame of Greater Manila
na naiuwi sa swimming ang siyam na medalya

ang ating masasabi'y taasnoong pagpupugay
kay Ethan Joseph Parungao, mabuhay ka! Mabuhay!
pangalan niya'y mauukit na sa kasaysayan
bilang bagong dugong atletang dapat alagaan

ipagpatuloy mo, Ethan, ang magandang simula
isa ka sa future sa Olympics ng ating bansa

- gregoriovbituinjr.
09.05.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Setyembre 4, 2024, pahina 8

Miyerkules, Setyembre 4, 2024

Tula, tuli, tulo

TULA, TULI, TULO

tula ang tulay ko sa sambayanan
upang sila'y aking mapaglingkuran
tula'y tulay ng puso ko't isipan
sa asam na makataong lipunan

magpapatuli ang aking pamangkin
tama lang at nagbibinata na rin
boses niya'y nag-iba na pag dinggin
tila makata rin pag pabigkasin

nagbagyo, atip ay maraming tulo
ang suportang kahoy na'y nagagato
buti't kisame'y di pa gumuguho
bumabaon sa dibdib ang siphayo

minsan, salita'y nilalarong pilit
buti't dila'y di nagkakapilipit

- gregoriovbituinjr.
09.04.2024

* litrato mula sa app game na Zen word level 308 at level 522

P30 na aklat, P30 pantraysikel

P30 NA AKLAT, P30 PANTRAYSIKEL minsan, minumura ko ang ulan dahil biglang napapa-tricycle imbes na ako'y maglakad na lang ng limang kant...