Miyerkules, Setyembre 30, 2020

Imbudo para sa pageekobrik

mas madali nang magpasok ng ginupit na plastik
sa maliliit na bunganga nitong boteng plastik
gamit ang imbudo upang plastik ay maisiksik
upang bumilis ang trabaho sa pageekobrik

kaya nang makita ko ang imbudo sa groseri
kasama ko si misis, ito'y amin nang binili
at dahil na rin sa imbudo, mas nakawiwili
ang gawaing pag-eekobrik, ako mismo'y saksi

noon, natatapos sa sahig ang mga ginupit
na plastik, ngayong may imbudo, kaydaling isingit
walang nahuhulog na plastik lalo't maliliit
tila mas may inspirasyon sa panahong malupit

panahong kaylupit dahil sa kwarantina't COVID
kaya sa pageekobrik ang buhay nabubulid
subalit ayos lang habang may trabaho pang lingid
hintay pa ang patawag, magsimula pag nabatid

- gregoriovbituinjr.


Huwag magtapon ng basura sa karagatan

kayganda ng payo sa kwadernong aking nabili
kwadernong dapat gamitin ng mga estudyante
madaling maunawaan, sadyang napakasimple
halina't basahin: "Do not throw garbage into the sea."

pakatitigan mo pa ang mga dibuho roon
isdang may plastik sa tiyan pagkat kumain niyon
kahihinatnan ng tao pag nangyari'y ganoon
kakainin natin ang isdang plastik ang nilamon

nabubulunan na nga ang karagatan sa plastik
kagagawan iyon ng tao, dagat na'y humibik
paano malulutas ang basurang inihasik
ng tao sa dagat, kilos, huwag patumpik-tumpik

ngunit ngayong nananalasa ang coronavirus
lumaganap muli ang plastik, di na mabatikos
ngunit sino bang lulutas sa problema'y aayos
sa daigdig na sa plastik nalulunod nang lubos

hangga't di pa huli ang lahat, tayo'y magsigalaw
bago pa tayo balingan ng plastik na halimaw
plastik ay di nabubulok, tila ito balaraw
sa ating likod, kumilos na tayo, ako, ikaw

- gregoriovbituinjr.

Martes, Setyembre 29, 2020

Pageekobrik muli

isang linggo rin akong tumigil na mag-ekobrik
di dahil walang plastik kundi dama'y tumitirik
pulos iyon na lang, araw-gabi nang nagsisiksik
kahungkagan ng buhay-kwarantina'y dumidikdik

tila ba pageekobrik ko'y isang pagmumukmok
damang kahungkagan sa akin nakapagpalugmok
ang kahungkagang ito'y nakasisira ng tuktok
bagamat di ko masabing sa puso'y umuuk-ok

pageekobrik na ito'y magandang adhikain
nabubulunan sa plastik ang ilog, dagat natin
dahil nga sa coronavirus, balik-plastik pa rin
kampanyang anti-plastik ay tila ba natigil din

subalit ngayon, sinimulan ko muling maggupit
ng maraming plastik na naiipon kong malimit
hungkag man ang dama'y mageekobrik pa ring pilit
magekobrik hangga't sa kwarantina'y nakapiit

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Setyembre 25, 2020

Dalhin mo ang basura mo

"Bring your trash with you when you leave" ang nasa karatula
ang basura mo'y di itatapon, dadalhin mo na
kaya ba ng dibdib mo ang ganitong disiplina?
na basura mo'y basura mo, dapat mong ibulsa

"Return packaging materials to the store of purchase."
ang bilin ba nilang ito sa palagay mo'y labis?
pinuntahan mo'y "garbage-free zone", di ka ba nainis?
di ba't kaygandang sariling basura'y iniimis?

tama bang basura mo'y sa bulsa muna isuksok?
ganitong gawi ba'y masisikmura mong malunok?
ihiwalay ang nabubulok sa di nabubulok
magsunog ng basura'y bawal, nakasusulasok

"Kung di mo kayang maglinis, huwag ka nang magdumi."
ang biling ito sa bayan at sarili'y may silbi
di ba't ang malinis na lugar ay nakawiwili?
"Tapat ko, linis ko" ay islogang dulot ay buti

- gregoriovbituinjr.

Linggo, Setyembre 20, 2020

Basura

Basura

masdan mo't kayrami pa ring nagtatapon sa kalye
wala bang naninita kaya sila'y nawiwili?
kung di mo kayang maglinis, huwag ka nang magdumi
di ba't ganitong panuntunan ay napakasimple?

itapon mo ang basura mo sa tamang tapunan
ibulsa muna kung walang makitang basurahan
di ba't ang mundo o bansang ito'y ating tahanan?
bakit mo naaatim na tahanan mo'y dumihan?

bakit simpleng disiplina'y di mo pa rin magawa
para kang dagang anong saya nang wala ang pusa
subukan mo kayang maging magandang halimbawa
na mga basura mo'y binubukod mo pang tama

ang nabubulok sa hindi'y iyong paghiwalayin
maeekobrik mo pa ang plastik na iipunin
ang papel ay maaaring ibenta't kikita rin
nabubulok ay ibaon sa lupa't pataba rin

iresiklo mo ang basurang kayang maresiklo
may karatula pa ngang "Basura mo, linisin mo!"
at mayroon ding paalalang "Tapat ko, linis ko!"
mga simpleng payo lamang ito't kayang kaya mo

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Setyembre 19, 2020

Bakit dapat malinis at tuyo ang ekobrik?

natirang sarsa sa balutang plastik ay kaytindi
kaya hugasan at tanggalin ang basurang kayrami
at patuyuin itong nalutan ng ispageti
upang iekobrik, ito ang aking sinasabi

imbes itapon sa basura'y gupit-gupitin
ang malinis at tuyong plastik nating sisiksikin
sa boteng plastik na dapat tuyo't malinis man din
bakit dapat tuyo't malinis? aking sasagutin

kung may tira-tirang kanin, latak, amag o sarsa
doon sa ekobrik, may mabubuhay na bakterya
paano kung ekobrik ay ginawang istraktura
tulad halimbawa'y plano nating silyang panlaba

ekobrik mo'y gawing brick na sadyang patitigasin
pulos plastik ang laman, walang bato o buhangin
upang maging silya, pitong ekobrik pagdikitin
ng silicon sealant na sa dugtungan, kaytibay din

kung may bakterya, silya mo'y madaling masisira
unti-unti nilang sisirain ang iyong gawa
baka sa paglalaba mo'y mabigatan, magiba
masasaktan ka o kaya'y pag naupo ang bata

kung di man silya o lamesa ang iyong gagawin
kundi ipandidispley mo lamang sa iyong hardin
basa't maruming plastik ay maieekobrik din
kaya depende sa plano saan mo gagamitin

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Setyembre 10, 2020

Ang gunting na iyon

kaytagal ko ring nakasama ang gunting na iyon
higit limang buwan ding kasa-kasama maghapon
sa paggupit-gupit ng mga plastik kong tinipon
na ipapasok ko sa boteng plastik na naipon

halos ganyan na araw-gabi itong ginagawa
habang may pandemya kaysa naman nakatunganga
ang gunting na iyong nagsilbi't kasangga kong pawa
habang nageekobrik ng kusa sa aking lungga

ang gunting na iyong talagang kaylaki ng silbi
sa panahon ng pandemyang di ako mapakali
para sa kalikasan, dito ako nawiwili
kaya patuloy sa pageekobrik araw-gabi

salamat sa gunting na iyong aking nakasama
sa mag-aanim na buwan na ngayong kwarantina
sa higit dalawampung ekobrik, nagsilbi siya
salamat sa gunting na hanggang ngayon ay buhay pa

- gregoriovbituinjr.

Martes, Setyembre 8, 2020

Ayokong maging bulag o nagbibingi-bingihan

ayokong maging bulag o nagbibingi-bingihan
sa anumang nangyayaring karahasan sa bayan
kung bawat tula ko'y dapat iambag sa labanan
ay gagawin ko para sa hustisyang panlipunan

iyan ang panata ko sa karapatang pantao
dapat laging iginagalang ang due process of law
isusulat ko ang katiwalian sa gobyerno
at itutula ko ang karahasan ng estado

"Iisa ang pagkatao ng lahat," ang sinabi
ni Gat Emilio Jacinto na dakilang bayani
ang akda niyang Liwanag at Dilim ay sakbibi
ng makatarungang aral na sa kapwa'y may silbi

para sa karapatang pantao'y nakikibaka
kaya nga tinanggap kong maging isang aktibista
kaya kumikilos laban sa pagsasamantala
at pang-aapi ninuman sa karaniwang masa

di pipi ang aking pluma't tinta, magsisiwalat
ito ng kabulukang minsan ay di madalumat
ako'y aktibista't makatang gagawin ang lahat
upang maglantad, magsulat, maglathala, magmulat

- gregoriovbituinjr.

Lunes, Setyembre 7, 2020

Paglilinis ng pinulot na basurang plastik

noong una nga'y sadyang nakakadiri talaga
ang basta mamulot na lang ng plastik na basura
baka may uod, pagkaing panis, o tira-tira
na baka nga magpabaligtad sa iyong sikmura

subalit lahat ng iyon ay nilunok ko na lang
alang-alang sa kalikasan, nawala ang yabang
may dignidad pa rin naman pagkat di salanggapang
mas nakakasuka ang trapo't pusong halang

sa aking daraanan ay naglipana ang plastik
isa-isa kong pinupulot na animo'y sabik
nawala na ang pandidiri't di mawaring hibik
kung bunga ang plastik sa lansangan, sa bunga'y hitik

pagdating sa bahay, sinabunan ko't nilinisan
ginupit isa-isa't nilinis ang kabuuan
binanlawan, patutuyuing buong gabi naman
upang ihanda sa pag-ekobrik kinabukasan

at bukas, ieekobrik ang plastik na malinis
na ipapasok sa boteng iba't iba ang hugis
masayang maggugupit, kamay man ay nagtitiis
sa lintog subalit hinahayaan na ang amis

- gregoriovbituinjr.


Pamumulot ng basurang plastik

"Bakit mo ba pinupulot ang basura ng iba?"
sabay tingin sa akin, ang nagawa ko'y mali ba?
di man niya iyon sinabi'y aking nakikita
ang puna sa gilid ng kanyang mapungay na mata

aba'y tama naman siya't tunay na may katwiran
"tapat ko, linis ko," sabi doon sa kalunsuran
"basura mo, itapon mo," huwag lang sa lansangan
bakit nga ba kalat ng iba'y kukunin ko naman?

subalit ako'y isang makakalikasang tibak
environmental activism ang sa puso't utak
na kalikasan ay huwag tuluyang mapahamak
sagipin ang kalikasan laban sa mga tunggak

para sa ekolohiya, sa puso'y natititik
alagaan ang kalikasan, tipunin ang plastik
na nagkalat, gupit-gupitin at ating isiksik
sa boteng plastik at patigasing bilang ekobrik

kita ko sa daang kayraming plastik na nagkalat
ayokong nakatanghod lang, pupulutin ang bawat
naglipanang plastik bago pa mapunta sa dagat
bago kainin ng isdang sa basura nabundat

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Setyembre 3, 2020

Sagipin ang Ilog Balili

Sagipin ang Ilog Balili

sulat sa karatula'y "Hinagpis ng Ilog Balili"
"Ibalik ninyo ang kalinisan at kagandahan ko!"
dahil pag ito na'y namatay ay walang hahalili
kaya ngayon pa lamang ay sagipin ito ng tao

nagsalita na ang Ilog Balili, naghihinagpis
pagkat sa kagagawan ng tao, dama'y mamamatay
nagsusumamo na siya pagkat di na makatiis
tao ang sumira, tao rin ang sa kanya'y bubuhay

huwag nating pagtapunan o gagawing basurahan
ang ilog na itong nagbibigay-buhay at pag-asa
daluyan ng malinis na tubig, isda'y naglanguyan
kaysarap pakinggan ng agos nitong tila musika

sagipin ang Ilog Balili, ito'y ating buhayin
istriktong patakaran dito'y dapat maisagawa
alagaan na natin ang ilog, tuluyang sagipin
pag nagawa ito'y isa nang magandang halimbawa

- gregoriovbituinjr.
08.03.2020

* Ang nasabing karatula'y nalitratuhan ng makata sa Km. 3, La Trinidad, Benguet, malapit sa boundary ng Lungsod ng Baguio at bayan ng La Trinidad.

Warfarin

WARFARIN tila mula sa warfare ang warfarin at kasintunog naman ng 'war pa rin' ngunit ito'y sistema ng pagkain sa ospital anong ...