Linggo, Marso 12, 2023

Sa lilim ng puno

SA LILIM NG PUNO

kaysarap magsulat sa lilim ng puno ng duhat
lalo't dinibdib ang kwento't paksang nadadalumat
tilad-tilarin ang usaping nakakapagmulat
natipong akda balang araw ay maisaaklat

nakakatula sa lilim ng puno ng kalumpit
napagninilay ang kalagayan ng mga paslit
nailalarawan ang buhay ng dukhang ginipit
ng mga imbi't tiwali na talagang kaylupit

may naaakda sa lilim ng puno ng apitong
bakasakaling may maibahagi sa pagsulong
ng bayan habang nasa gitna ng mga paglusong
upang mahuli ang alimangong pakitong-kitong

kaygandang kumatha sa lilim ng puno ng nara
kung bakit inaasam ang panlipunang hustisya
kung paano daw ba pagkakaisahin ang masa
upang matamo ang nasang tunay na demokrasya

nakakapagkwento sa lilim ng puno ng niyog
hinggil sa bayan-bayan at lalawigang kanugnog
paano ba ginagawa ang alak na lambanog
at anong pagkain ng diwa ang nakabubusog

kwentong kaligtasan sa lilim ng puno ng dita
nang dumaluyong ang Ondoy, buhay ay nangawala
iba'y nangunyapit sa dita't naligtas sa sigwa
kayraming lumuha ng buong bayan na'y binaha

naakda'y sanaysay sa lilim ng puno ng dapdap
kung paano ba kamtin ang asam nila't pangarap
kung paano ba isatitik ang mga hinagap
ano ang simuno't panaguri sa pangungusap

- gregoriovbituinjr.
03.12.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Warfarin

WARFARIN tila mula sa warfare ang warfarin at kasintunog naman ng 'war pa rin' ngunit ito'y sistema ng pagkain sa ospital anong ...