Sabado, Oktubre 14, 2023

Kwento - Pakikibaka Laban sa 4PH

PAKIKIBAKA LABAN SA 4PH
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nito lang Hulyo 17, 2023 ay nagpalabas na ng Executive Order 34 ang pangulo ng bansa hinggil sa kanyang flagship program na 4PH o Pambansang Pabahay Para sa Pilipino program. Kasunod nito ay lumabas ang Operations Manual nito, o IRR o yaong Implementing Rules and Regulations nito, subalit hindi dumaan sa Kongreso, kundi ginawa ng mga taga-DHSUD (Department of Human Settlements and Urban Development) na ang natalagang sekretaryo ay isang developer.

“Mukhang maganda ang 4PH, ah. Malulutas na raw nila ang backlog na 6.8 milyon na pabahay.” Ang agad sabi ni Inggo.

Sumabad si Mang Igme, habang nakaupo sila sa karinderya ni Aling Ising. “Teka muna. Huwag tayong padalos-dalos. Nabasa mo na ba ang Operations Manual?”

“Hindi pa.” Sagot ni Inggo.

“Iyan na nga ba ang sinasabi ko. Basahin n’yo muna. Dahil ang nakasulat doon, para lang iyon sa mga may trabaho, may pay slip, at may Pag-Ibig. Ibig sabihin, kayang magbayad ng tuloy-tuloy sa ala-condo na yunit, na nagkakahalaga ng mahigit isang milyon. Tayo bang maralita ay may kakayahang magbayad buwan-buwan, at may Pag-Ibig ba tayo? Magkakariton, nagtitinda ng tingi-tingi sa bangketa, pedicab driver, magbabalut, namumulot ng pagkaing pagpag, mangangalkal ng basura. Aba’y wala nga tayong regular na trabaho! Diyan pa lang, di na tayo kwalipikado bilang benepisyaryo. Lumalabas ngang negosyo ang 4PH, at ginagamit lang tayong mga maralita.” Pagbibigay-diin ni Mang Igme.

Sumabad si Aling Isay, “Aba’y dapat muna natin iyang aralin!”

Sumagot din si Aling Ines, “Tama kayo. Baka isa na naman iyang pambubudol sa maralita subalit para pala sa may mga kakayahang magbayad. Tulad kong nagtitinda lang ng mani, makakapasok ba ako riyan at mababayaran ko ba ang buwanan diyan, lalo na’t kulang pa sa pagkain naming mag-iina ang benta ko sa kasoy at mani. Bukod pa sa wala rin akong Pag-Ibig. Balita ko nga’y maliit na kwarto lang din iyan na iyong babayaran ng tatlumpung taon. Matanda na ang anak ko’y baka di pa namin iyan nababayaran.” 

“Ang mabuti pa,” ani Mang Igme, “kakausapin ko si Ka Kokoy, ang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod o KPML, hinggil sa usaping iyan. Pupuntahan ko agad siya bukas.”

Kinabukasan, nagtungo na si Mang Igme sa pwesto ni Ka Kokoy sa isang palengke sa Caloocan. Nagkumustahan muna sila.

“Alam mo, Ka Kokoy, ang ipinunta ko rito ay hinggil sa sinasabing flagship project ni BBM - ang 4PH. Para nga ba ito sa maralita? O ito’y pakulo na naman at nagagamit tayong maralita.” Bungad ni Mang Igme.

Sumagot si Ka Kokoy, “Nabasa na rin namin iyan at tinalakay sa KPML. Ang problema kasi riyan, para raw iyan sa informal settler families o ISF tulad natin. Subalit pag sinuri mo talaga, hindi para sa ISF iyan, kundi para sa may kakayahang magbayad. Pag di ka nakabayad sa tamang oras ay agad ka nang papalitan. Isa pa, saan nila itatayo ang 4PH? Sinasabing kung saan ang mga iskwater, doon itatayo ang pabahay. Aba’y idedemolis muna tayo at ilalagay sa staging area hanggang matapos ang pabahay? Aba’y mapapalaban na naman tayo niyan.”

“Naisip ko, baka mas magandang kayo na sa KPML ang magtalakay hinggil diyan. Maaari ka ba sa darating na Sabado ng alauna ng hapon, doon sa bahay, at iimbitahan ko na rin ang Samahang Magkakapitbahay sa amin upang matalakay mo ang 4PH.” Paanyaya ni Mang Igme.

“Sige, magtutungo kami ni Tek sa inyo sa Sabado.” Ani Ka Kokoy

Dumating ang araw ng Sabado at nagkatipon na ang mga tao.

Si Mang Igme, “Narito sina Ka Kokoy  upang talakayin ang 4PH.”

Sinimulan ni Ka Kokoy ang pagtalakay, “Narito po ang ilang seroks ng EO 34 at ang Operations Manual, na magandang basahin at suriin ninyo. Sa totoo lang po, mga kasama, hindi talaga para sa atin ang 4PH. Dahil ito’y negosyong pabahay. Dapat may Pag-ibig ka at may regular na trabaho upang matiyak nilang makakabayad ka. Kung nais ninyo, magkaisa tayong magrali sa tapat ng DHSUD upang maipabatid natin sa kanila ang ating pagtingin dito. At bakit hindi para sa maralita ang 4PH.”

“Sasama kami riyan. Gagawa na rin kami ng mga plakard. Nakasulat: Pabahay ay Serbisyo, Hindi Negosyo! 4PH, di pang-ISF! Ibasura!” Ang sagot ng mga tao. Itinakda ang pagkilos sa darating na Miyerkules.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 1-15, 2023, pahina 18-19.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Warfarin

WARFARIN tila mula sa warfare ang warfarin at kasintunog naman ng 'war pa rin' ngunit ito'y sistema ng pagkain sa ospital anong ...