Sabado, Hunyo 22, 2024

Kahulugan ng pagsinta

KAHULUGAN NG PAGSINTA

hinagilap kita noon sa diksyunaryo
kung ano ang kahulugan ng pag-ibig mo

hinahanap din kita sa bawat salita
kung kitang dalawa'y talagang magkatugma

sa glosaryo'y anong kahulugan ng puso?
hinarana pa kita ng buong pagsuyo

ah, kailangan ko ng talasalitaan
upang maunawaan bawat kahulugan

nag-unawaan ang dalawang umiibig
pagkat diksyunaryo'y puso kaya nagniig

pagkat bawat salita'y isang panunumpa
sa Kartilya ng Katipunan nakatala

kaya ang pag-ibig ko'y iyong iyo lamang
"mahal kita" ang sigaw kong pumailanlang

- gregoriovbituinjr.
06.22.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagtitig sa kawalan

PAGTITIG SA KAWALAN minsan, nakatitig sa kawalan sa kisame'y nakatunganga lang o nakatanaw sa kalangitan kung anu-anong nasa isipan pali...