Linggo, Hulyo 28, 2024

Sakay sa traysikel

SAKAY SA TRAYSIKEL

sakay kami ni misis sa traysikel
nakaupo roon, siya'y siniil
ko ng halik sa pisngi, di napigil
ang damdaming tila walang hilahil

kami'y nagtungo noon sa palengke
at mga kailangan ay binili
noodles, sardinas, okra, talbos, kape,
bigas, buti't di inabot ng gabi

bumili rin ng binhing itatanim
nang umulan, nagpahinga sa lilim
habang naiisip ko nang taimtim
ang nasalanta ng bahang kaylalim

ah, dapat mayroong laman ang bahay
kung umulan man, may kukuning tunay
lalo ngayong di tayo mapalagay
baka may bagyong muling masisilay

sa traysikel sumakay kaming muli
nang sa aming bahay ay makauwi
pahinga muna, sa lakas babawi
bukas itatanim ang bagong binhi

- gregoriovbituinjr.
07.28.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/reel/411971717942142

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Warfarin

WARFARIN tila mula sa warfare ang warfarin at kasintunog naman ng 'war pa rin' ngunit ito'y sistema ng pagkain sa ospital anong ...