Lunes, Agosto 12, 2024

Edukadong nagnanakaw sa bayan?

EDUKADONG NAGNANAKAW SA BAYAN?

tanong: "Kung edukasyon ang sagot sa kahirapan
ay bakit edukado ang nagnanakaw sa bayan?"
sa isang pader ay malaking sulat ng sinuman
tanong iyong marahil ay di na palaisipan

dahil talamak ang katiwalian sa gobyerno
kung saan naroon ang mga lider-edukado
nasa poder ng kapangyarihan ang mga tuso
na pag-aaring pribado sa kanila'y sagrado

ah, naging edukado ba sila upang salapi
sa kabang bayan ay kanilang maging pag-aari?
bakit ba pawang edukado ang mga tiwali?
na sa pwesto'y nagkamal ng pribadong pag-aari

bakit ba edukado ang nagnanakaw sa bayan?
silang mga dahilan ng sukdulang karukhaan!
paumanhin po kung aming pinaniniwalaan:
pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan!

kung mga ito'y tatanggalin sa kanilang kamay
tulad ng lupang dapat ay pakinabangang tunay
tiyak mawawala ang ganid sa kanilang hanay
at may bagong umagang sa daigdig ay sisilay

- gregoriovbituinjr.
08.12.2024

* litrato mula sa google

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dapat nang kumayod

DAPAT NANG KUMAYOD kumayod, magtrabaho't maging sahurang alipin mga solusyon sa problema'y dapat hagilapin ang buhay ko'y balint...