ANG MISYON
mabigat ang misyon ng mga tibak na Spartan
buhay na'y inalay upang baguhin ang lipunan
nang kamtin ng bayan ang asam na kaginhawahan
at pagkakapantay, walang dukha, walang mayaman
hindi sila rebelde, kundi rebolusyonaryo
di man naapi, sa api'y nakiisang totoo
pinag-aralan ang lipunan, kalakaran nito
primitibo komunal, alipin, piyudalismo
ang kapitalismo sa kasalukuyang panahon
ay bulok na sistemang dapat nang kalusin ngayon
pangarap ay pantay na lipunan anuman iyon
magpakatao, walang pagsasamantala roon
ngunit niyakap nilang misyon ay di imposible
kung sama-sama ang mga manggagawa, pesante
maralita, vendor, kabataan, bata, babae
lalo na't nagkakaisang diwa, kilos, diskarte
mabigat ang misyon pagkat para sa santinakpan
na pinag-aalsa ang pinagsasamantalahan
niyayakag itayo ang makataong lipunan
para sa bukas ng salinlahi't sandaigdigan
- gregoriovbituinjr.
07.27.2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento