Martes, Setyembre 23, 2025

Basta may rali, umulan man ay lalabas

BASTA MAY RALI, UMULAN MAN AY LALABAS

basta may rali, umulan man ay lalabas
ganyan pag inadhika mo'y lipunang patas
paninindigan ang prinsipyo hanggang wakas
pagkat sa diwa't puso'y inukit nang wagas

nasa bahay magsusulat pag walang rali
pagsulat para sa bayan ay pagsisilbi
may upak sa mga proyektong guniguni
lalo na't sa isyung ito'y di mapakali

rain or shine, ang rali ay talagang tungkulin
di maga-absent pagkat nililikha natin
ay kasaysayan, basta payong laging dalhin
marami pang laban, huwag maging sakitin

ito nga'y tungkuling talaga kong niyakap
umulan man, nagsisipag at nagsisikap
kolektibong tutupdin ang mga pangarap
upang ginhawa'y kamtin ng bayan nang ganap

- gregoriovbituinjr.
09.23.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/1Ca7j42Yqm/ 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Panagimpan

PANAGIMPAN nanaginip akong tangan ang iyong kamay ngunit nagmulat akong wala palang hawak alas-tres ng madaling araw na'y nagnilay kung ...