Linggo, Enero 25, 2026

Takót sa sariling anino

TAKÓT SA SARILING ANINO

takót sa sariling anino
ang mga kurakot sa pondo
ng bayan, sadyang mga tuso
at kunwari'y relihiyoso
upang makalusot sa kaso

nais nilang maipakita
sa masa, matitino sila
mapagbigay pa ng ayuda
tinatago ang ebidensiya
basta lang di makulong sila

kunwari'y may Bibliyang tangan
gayong bistado nang kawatan
sagad na sa katiwalian
kayâ sila'y kinakasuhan
ng pagkakasala sa bayan

pinaniniwala pa tayo
na sila'y mga banal, santo
at napakarelihiyoso
baka sila'y santong kabayo
sa pondo ng bayan, dorobo!

- gregoriovbituinjr.
01.25.2026

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Panagimpan

PANAGIMPAN matutulog muli ngayong gabi nang tila baga walang nangyari may nakathâ bang maikling kwento? batay sa nangyayari sa mundo pulos t...