Lunes, Abril 29, 2019

Kwento - Mungkahi sa mga SK bilang mga susunod na lider ng bansa


MUNGKAHI SA MGA SK BILANG MGA SUSUNOD NA LIDER NG BANSA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Tila natatandaan kong sinabi noon ni Guingona na dapat mawala ang Sangguniang Kabataan o SK, kung hindi ako nagkakamali. Sinabi nga niya noon na ang mga kabataang tinedyer pa lamang ay hindi pa angkop upang maghawak ng mga responsibilidad sa pananalapi, lalo na’t may badyet na ibinibigay sa kanila.” Ani Igme sa isang huntahan dahil ang kanyang anak na si Isidro ay nais tumakbo sa SK bilang opisyal.

Dagdag naman ni Inggo, na kanyang kumpare, “Aba’y may balita nga noong nais hilingin ni Elections Commissioner Lucenito Tagle sa Kongreso na i-abolish ang SK dahil ito ay naging lunsaran ng mga political dynasty  at katiwalian.”

“Alam n’yo po ba na noong Agosto 2016 ay naisabatas na po ang bagong batas hinggil sa SK, ang Republic Act 10472, hinggil sa reporma sa SK, tulad ng hindi dapat galing sa pamilya ng pulitiko ang mga tumatakbo sa SK. Nangyayari po kasi noon, pag tatay ay meyor, ang nanay ay kongresista, ang anak naman po ay nasa SK. Binasa ko po ang batas na iyon dahil tatakbo ako sa SK.” Sabat ni Isidro na katabi ng ama.

Sumabat si Iska, na siyang natitinda sa karinderyang kinauupuan ng mga nag-uusap. “Palagay ko, hindi kasi alam ng mga senador at kongresista noon anong tamang gawin sa mga batang nais maglingkod sa bayan. Tingin nila’y mga batang pulitiko ang mga SK.”

Si Igor naman na kanina pa nakikinig ay nagsalita rin. “Ayaw kasi ng mga pulitikong iyan na matuto ang mga batang pulitiko na maging matino. Dapat binibigyan sila ng mga pag-aaral sa batang edad pa lang nila, pag naging SK na sila, hinggil sa papel ng mga kabataan sa mga nangyayari sa ating paligid. Pag naupo na sila sa SK, dapat bigyan agad sila ng mga pag-aaral, tulad ng Basic First Aid training upang makatulong na agad sila sa pamayanan, ipaunawa sa kanila ano ba ang karapatang pantao, pagsasanay hinggil sa disaster risk reduction, kung sakaling may pandemya muli o mga sakuna, tulad ng lindol at baha. Ano ang climate crisis, climate emergency, at anong dapat nating gawin? Higit sa lahat ay ang kolektibong pamumuno, iba ang lider sa boss, at ang code of conduct of public officials, upang hindi sila maging corrupt, lalo na’t may badyet ang mga kabataan para sa iba’t ibang aktibidad.”

“Iyan pa ang sinasabi ko,” ani Ines, “pulos basketball at paliga lang ang alam namin sa SK. Aba’y dapat talagang matuto sila sa isyu ng karapatang pantao sa maagang edad pa lang, upang di sila nambu-bully ng ibang kabataan. Para kasing breeding ground ng korapsyon ang SK.”

Sumagot si Igor, “Kaya nga marapat lang na mabigyan sila ng matitinong kasanayan bilang mga batang lider sa komunidad. Nang hindi sila maging korap. Sa maagang edad ay maging huwaran na sila bilang mga batang nagsisilbi ng tapat sa bayan. Di lang iyan simpleng training kundi ilalagay sa batas bilang rekisitos sa unang linggo ng pag-upo ng mga bagong SK.”

Natuwa naman si Isidro, “Tama si Tito Igor. Kung ako nga lang ay senador, isa iyan sa agad kong ipapasang batas para sa SK. Kaya lang bata pa ako. Sa SK muna ako tatakbo.”

“Dagdag ko pa,” ani Igor, “Kung sakaling makatapos ng Basic First Aid training ang isang SK, at makapasa, dapat bigyan sila ng ID ng DOH bilang first aider. Dagdag ko rin ‘yung paano ang iskedyuling ng training upang ang iba’t ibang SK sa iba’t ibang barangay ay sabay-sabay na makakuha ng pagsasanay.” At sinulat niya sa manila paper kung paano.

“Maganda iyang panukala mo, Igor,” ani Igme, “subalit paano natin matitiyak kung gagawin iyan ng pamahalaan kung nandito lang tayo sa ating barangay. Dapat maikampanya natin iyan upang maging batas.”

“Dapat po siguro ay lumapit tayo sa isang senador o kongresista ng ating bayan upang isabatas ang ganyang panukala.” Sabi ni Isidro.

“Bata ka pa, Isidro, subalit matalino ka na.” Ani Ines, “Sana nga’y manalo ka bilang SK sa susunod na SK election.”

“Salamat po. Paano po tayo magsisimula upang ‘yung mungkahi ni Tito Igor ay matupad?” Si Isidro muli.

Sumabat si Igme, “Mas maganda’y isulat mo, Igor, ang iyong mungkahi. At kausapin din natin ang ating kapitan. Matapos iyon ay lumiham tayo sa isang Senador. Ano sa tingin ninyo?”

“Sang-ayon kami.” Sabi ng mga naroroon.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 16-30, 2019, pahina 18-19.

Linggo, Abril 14, 2019

Kwento - Si Balagtas, ang Wikang Filipino at ang Buwan ng Panitikan

SI BALAGTAS, ANG WIKANG FILIPINO AT ANG BUWAN NG PANITIKAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagsidalo ang ilang lider-maralita nang maimbitahan sila sa isang talakayan sa mismong araw ng kapanganakan ng Sisne ng Panginay na si Francisco Balagtas, may-akda ng walang kamatayang Florante at Laura, at ng Orozman at Zafira. Ang tema ng talakayan ay “Bakya Ba ang Wika ni Balagtas?” na pambungad sa pagbubukas ng Buwan ng Panitikan.

Tinalakay muna ng tagapagpadaloy na si Isko kung bakit ang Abril ay naging Buwan ng Panitikan. Ani Isko, “Ang Buwan ng Panitikan ay itinapat sa buwan ng kaarawan ni Balagtas at isinabatas noong 2015 ang  Proklamasyon Bilang 968. Ngayong taon naman, isinasagawa ang Buwan ng Panitikan 2019 sa temang Buklugan Panitikan, halaw mula sa buklog, isang ritwal ng pagbubuklod at pasasalamat ng mga Subanen. Ang buklog din ay isang estrukturang kawayan, malimit na umaabot ng 20 talampakan ang taas, may sahig na parang entablado, at ginagamit na sayawan at lundagan ng mga tao kapag may pagdiriwang.”

“Ah, kaya pala ganyan ang entablado, isa pala iyang buklog.” Ani Isay sa kasama niyang si Ingrid.

Si Isko uli, “Simulan natin ang ating palatuntunan sa katanungang Bakya Ba ang Wika ni Balagtas?”

Isa sa mga tagapagsalita ay si Mang Igme, na isang lider-maralita sa Pandacan. Ayon sa kanya, “Hindi bakya ang ating wika. Hindi porke mga inglesero ang nasa pamahalaan, eh, hindi na sila gumagamit ng ating wikang pambansa. Minamaliit ba ng mga ingleserong Pinoy na ito ang wika natin at tinatawag na bakya? Aba’y hindi na sila Pinoy kundi mga banyaga na. Aba’y umalis na sila sa pamahalaan! Hindi naman natin sila kailangan kung ganyan sila at minamaliit nila ang sarili nating wika!”

Sumabat si Igor, isang lider-maralita sa Sampaloc, Maynila, “Nilait na ng matagal na panahon ang ating wika kaya sinasabi nila itong bakya. Gamit lang daw ito ng mga katulong sa mansyon ng mga mayayaman, na pawang Ingles, kundi man Espanyol, ang sinasalita. Ako nga noon, sa elementarya, may parusa ka pag nag-Tagalog ka sa klase. Hindi lang parusa, kundi magbabayad ka ng piso. Aba’y malaking halaga na iyan noon. Nangyayari pa ba ito ngayon?”

Nagtaas ng kamay si Iska, “Danas ko rin iyan noon. Pagmumultahin ka ng guro pag nagsalita ka ng Tagalog sa iskul. Hay, naku!”

Si Igme muli, “Subalit karamihan sa atin dito ay maralita. Maralitang tinuturing na bakya ng mga nasa poder. Dukhang ang tanging alam lang ay sariling wika. Dapat makakumbinsi tayo ng mga mayaman o maykaya sa lipunan na nagsasalita ng wika ng madla, o kaya’y kongresista o senador na magpapasa ng batas na igalang ang ating wika.”

Sumabat si Ines, isang lider-kababaihan sa Quiapo, “Tandaan natin ang isang nakasaad sa Kartilya ng Katipunan, na natatandaan ko pa:  Sabi roon, ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika.”

Napatango naman ang ilan sa sinabi ni Ines.

Nagtaas ng kamay si Inggo, mula sa isang maralitang pamayanan sa Tondo. Tinawag naman siya ni Isko. Ani Inggo, “Huwag nating sisihin ang mga inglesero dahil ipinakita lang nila ang asal nilang tunay sa atin. Huwag natin silang pag-aksayahan ng panahon. Ang mahalaga ngayon ay kung paano pa natin lilinangin at pauunlarin ang ating wikang pambansa. Ang mungkahi ko nga ay bigyang parangal natin ang mga tagapagtanggol ng ating wika, bukod kay dating Pangulong Manuel Quezon. Nariyan ang dating gurong si Teodoro Asedillo, at ang makatang si Jose Corazon de Jesus, na nakipaglaban sa mga Amerikano sa usapin ng wikang pambansa. Sila’y mga bayani ng ating wika.”

“Kayganda ng sinabi ni Inggo. Subalit paano iyan gagawin?” Ani Isko. “Ang mabuti pa’y lumiham tayo sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na dapat ay may mga bayani tayo sa sariling wika na titingalain natin, na ipinagtanggol nila noon ang ating wikang pambansa sa harap ng mga dayuhan. Kumausap na rin tayo ng mga kongresista at senador na maaaring magpasa ng batas hinggil dito.”

“Sinong magsusulat at lalagda.” Tanong ni Ines.

“Gagawin natin ang burador at lahat tayong narito ang pipirma.” Ani Isko. “Ayos ba sa inyo?” Nagtanguan naman ang mga lider-maralita.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2019, pahina 18-19.

Huwebes, Abril 4, 2019

Ako'y nauupos

AKO'Y NAUUPOS

ako'y nauupos sa dami ng upos ng yosi
naglalakad ako'y nagkalat sa daan, kayrami
tapon doon, tapon dito, sila na'y nahirati
ang ating pamahalaan ba'y anong masasabi?

ako'y nauupos sa laksang nagkalat na upos
wala bang lagakan ng abo, sa ash tray ba'y kapos?
latang walang laman, bakit di gamitin nang lubos?
nang mga upos na ito'y ating maisaayos

nakakaupos ang naglipanang upos sa dagat
pagkat kayraming isda ang sa upos nabubundat
ikatlo raw na basura ang upos na nagkalat
paanong sa pagtapon nito tao'y maaawat?

sa nagkalat na upos, anong dapat nating gawin?
ito bang kalikasan ay paano sasagipin?
huwag hayaang upos ay lulutang-lutang pa rin
sa dagat nang kalikasa't isda'y masagip natin

- gregbituinjr.

Miyerkules, Abril 3, 2019

Halina't mag-yosibrik

HALINA'T MAG-YOSIBRIK

di ka pa ba naiinis sa naglipanang upos
sa basurahan, daan, dagat, di maubos-ubos
tila ba sa ating likuran, ito'y umuulos
upos sa kapaligiran, animo'y umaagos

sa nangyayari'y dapat may gawin, tayo'y umimik
tipunin ang mga upos, gawing parang ekobrik
sa boteng plastik ay ipasok ating isiksik
ang boteng siksik sa upos ay tawaging yosibrik

kailangang may gawin sa upos na naglipana
sa dagat kasi'y upos na ang pangatlong basura
di ba't dahil sa upos, may namatay na balyena
imakalang pagkain ang itinapong basura

madawag na ang lungsod, sa upos ay nabubundat
naninigarilyo kasi'y walang kaingat-ingat
pansamantalang tugon sa upos na walang puknat
ay gawing yosibrik ang mga upos na nagkalat

- gregbituinjr.

Martes, Abril 2, 2019

Kinalabosong upos

KINALABOSONG UPOS

Kita nyo bang sa dagat, mga upos na'y nagkalat?
Ikatlo raw ito sa laksang basura sa dagat
Naisip nyo bang sa upos, mga isda'y bubundat?
At pagkamatay nila sa upos sa budhi'y sumbat
Lagi nating isipin ang buti nitong daigdig
Ang dagat na'y nasaktan, pati pusong pumipintig
Basurang nagkalat sa kalamnan niya'y yumanig
O, dapat itong wakasan, tayo'y magkapitbisig
Simulan nating sagipin ang ating karagatan
O kaya'y mag-umpisa sa ating mga tahanan
Naglipanang upos ay gawan natin ng paraan
Gumising na't magsikilos para sa kalikasan
Upos ay kinulong ko sa bote bilang simula
Pag dagat ay pulos upos, mga isda'y kawawa
Oo, ito'y pagkain, aakalain ng isda
Sumpa iyang upos sa dagat, problemang kaylubha

-gregbituinjr.

Biyernes, Marso 29, 2019

Kwento - Mga Pagpaslang at Tokhang

MGA PAGPASLANG AT TOKHANG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Halos libo-libo na ang napatay sa Gera Kontra Droga na inilunsad ni PRRD mula pa noong 2016, ayon sa tantya ng ilang grupo sa karapatang pantao. Napag-usapan na rin ito sa komunidad ng mag-asawang Igme at Isay. Kaya ang anak nilang sina Ingrid at Isko ay ayaw na nilang nagpapabot ng gabi sa lansangan.

Naalala pa nila ang isang taludtod sa awiting Tatsulok ng Buklod. “Totoy, makinig ka, wag kang magpagabi. Baka mapagkamalan ka't humandusay diyan sa tabi". Ito pa: “Totoy, tumalon ka, dumapa kung kailangan, at baka tamaan ka ng mga balang ligaw". At ang matindi: “Hangga't marami ang lugmok sa kahirapan, at ang hustisya ay para lang sa mayaman".

“Napakarami ring namatay na batang wala pang muwang sa Gera Kontra Droga.” Ani Igme, “Nariyan ang mga batang sina Danica Mae Garcia, 5 taong gulang, at Althea Berbon, 4 na taong gulang, ay napatay. Makatwiran ba iyan, na pati mga bata’y napapatay. At ang katwiran pa nila, collateral damage lang sila.?” 

Bandang dapithapon na iyon. Hanggang maya-maya pa ay dumating na ang kanilang dalawang anak bago magdilim.

Nakilala ko rin ang isa sa mga nanay ng biktima ng EJK o extra-judicial killings. Ayon sa kanya, mabait ang kanyang anak na pinaslang ng umano’y kapulisan sa hinalang ito’y nagdodroga.

Ayon kay Aling Ines, ang kanyang anak na si Isidro ay trese anyos pa lang at masipag mag-aral. Subalit nagulat na lang siyang binaril ng mga pulis ang kanyang anak nang lumabas ito ng bahay upang bumili ng mantika sa kalapit na tindahan. Hanggang ngayon ay naghihimagsik ang kanyang kalooban sa sinapit ng anak.

Anang barangay tanod na si Mang Isko sa akin nang siya’y aking makapanayam, “Dahil iyan sa Oplan Tokhang, na umano’y pangunahing programa ng pangulo sa kanyang gera kontra droga, kung saan ang  oplan ay “plano”, tokhang ay salitang Bisaya sa pagkatok sa pinto, at ang hangyo na ibig sabihin ay pakiusap. Subalit madalas ang nangyayari ay tokbang, o toktok, bangbang. Kakatok muna saka binabaril ang kanilang puntiryang durugista.”

Ani Igme, “Kaya ang gerang iyan, sa katunayan, ay War on the Poor din talaga, dahil wala namang napapatay na malalaking isda, kundi pulos maralita. Nakagagalit talaga. Tunay nga ang sinabi roon sa awiting Tatsulok, at ang hustisya ay para lang sa mayayaman. Para lang silang pumapatay ng mga daga o manok. Tsk. Tsk.”

Sumabat si Isay, “Kaya tama lamang na lumahok kami sa malaking rali noong Pebrero 20, na ginugunita ang World Social Justice Day o Pandaigdigang Araw ng Katarungang Panlipunan, upang manawagan ng hustisya sa mga pinaslang ng walang awa, at pinagbintangan pang mga nanlaban umano kaya pinaslang. Gayong ayon sa kanilang nanay ay wala namang baril ang kanilang anak kaya paano manlalaban.”

“Magkakaroon po muli ng pagkilos laban sa tokhang at panawagang hustisya para sa mga biktima ng palpak na Gera Kontra Droga. Sa totoo lang, ang isyu ng droga ay isyu ng kalusugan, na dapat tugunan ng pamahalaan, hindi sa pamamagitan ng pagpaslang sa pasyente, kundi sa paggamot sa kanila.” Ito naman ang sabi ni Igor na kasapi ng isang grupo hinggil sa karapatang pantao. “Sa Biyernes po ng hapon ang pagkilos, Black Friday Protest po ito, na panawagan natin ay hustisya at managot ang mga berdugo. Bukod pa sa di dumaan sa due process ang kanilang ginawa.”

“Sasama muli kami, kahit di kami namatayan ng anak, ay kakilala namin ang mga namatayan naming kapitbahay.” Ani Igme.

“Sasama rin kami riyan,” ani Ines. “Katarungan sa lahat ng mga namatay at namatayan.”

Sumapit ang araw ng Biyernes, nagtalumpati si Igor, “Ang pagkilos na ito’y tuloy-tuloy na pagkondena natin sa walang awang pagpaslang sa mga walang kalaban-labang maralita. Kung may ginawa silang masama, dpaat ay ibatay sa wastong proseso. Hulihin, litisin, at ikulong. Hindi ang basta na lang patayin ng mga berdugong kapulisan dahil sa utos ng diyos nilang pangulo. Sa ngayon, tinatawagan ko si Aling Ines, na isa sa mga namatayan ng anak.”

Tumayo sa harap at nanginginig na hinawakan ni Aling Ines ang megaphone. “Katarungan sa anak kong si Isidro. Napakabata pa niya at may mga pangarap sa buhay, subalit pinatay siya ng walang awa. Sana’y managot ang mga pumaslang sa kanya, pati na ang berdugong pangulong nag-utos ng pagpaslang!” Nanggagalaiting sigaw ni Aling Ines.

Si Aling Iska naman ang tinawag, “Si Iking, na bunso kong anak ay napatay rin habang naglalaro sa labas ng aming bahay. Wala naman siyang kinalaman sa droga. Sampung taon lang siya.”

Bago matapos ang rali, luyom ang kamaong sabay-sabay silang sumigaw ng “HUSTISYA!” “Parusahan at ikulong ang mga berdugo!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 16-31, 2019, pahina 14-15.

Huwebes, Marso 14, 2019

Kwento - Ang 105-Day Expanded Maternity Leave


ANG 105-DAY EXPANDED MATERNITY LEAVE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naikwento ni Isay na naisabatas na rin sa wakas ang 105-Day Expanded Maternity Leave Law o Batas Republika Blg. 11210 na nilagdaan ng pangulo nitong Pebrero 20. Napag-usapan nila ito nina Ingrid, Ines, at Iska sa karinderya ni Aling Inday isang Sabado ng hapon.

“Alam n'yo ba,” sabi ni Isay, “mula animnapung araw ay sandaan at limang araw na ang maternity leave nating manggagawang kababaihan.”

“Totoo ba 'yan?” Tanong agad ni Ingrid.

“Eto, o, basahin n'yo sa dyaryo. Pirmado na ang Republic Act 12210 na nagpalaki ng araw ng maternity leave.”

“Aba, ayos iyan, ah. Apatnapu't limang araw ang nadagdag.” Sambit naman ni Iska.

“Ano pang laman niyan. Pabasa nga.” Si Ines.

“Ito, basahin mo nang malakas, ha? Para dinig namin.” Iniabot ni Isay kay Ines ang pahayagan.

“Sige, basahin ko ng malakas.” Ani Ines. “Sinasaklaw ng batas na ito ang mga babaeng manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor, kabilang ang mga nasa impormal na ekonomiya, at binibigyan sila ng karapatan sa 105 araw na maternity leave na babayaran batay sa 100 porsiyento ng kanilang arawang kita. Ang batas ay nagbibigay din ng karagdagang 15 araw na may bayad na bakasyon kung ang babaeng manggagawa ay kuwalipikado bilang solo parent sa ilalim ng Solo Parent Welfare Act of 2000, na may opsyong palawigin ng karagdagang 30 araw na walang bayad. Ayos pala ito sa tulad kong solo parent.""

“Ano pa?” Tanong ni Ingrid.

“Ito. Tinataasan ng batas ang benepisyo sa araw-araw na maternity leave mula sa unang 60 araw para sa normal na panganganak, o 72 araw para sa caesarian delivery, sa 105 araw, anuman ang uri ng panganganak. Pag nakunan naman, ang karapatan ay 60 araw ng bayad na maternity leave. Ang batas ay higit pang nagpapalawak ng maternity leave sa bawat pagkakataon ng pagbubuntis, anuman ang dalas, mula sa nakaraang limitasyon ng unang apat na panganganak o nakunan.”

Napasimangot si Inday sa pinag-uusapan at siya’y sumabat. “Ang batas palang iyan ay para sa lang sa mga sumasahod. Paano naman kaming mga maralitang hindi nakaempleyo kundi kumikita lang sa sariling kayod, tulad nitong karinderya ko. Wala naman kaming leave.”

“Iyan, Inday, ang hindi nakalagay dito,” ani Isay. “Baka may ibang batas talaga para sa maralita kaugnay nito. Iyan po ang saliksikin natin.”

“Sabagay, Inday” ani Iska, “pag nanganak naman ang tulad nating maralita, may maternity leave din tayo, hindi nga lang tulad nila, magli-leave sila sa pinapasukang trabaho nang may bayad kasi nga empleyado sila. ‘Yung atin naman bilang vendor o simpleng dumidiskarte, tulad nitong karinderya mo, anumang oras, maaari tayong mag-leave sa pagtitinda. Wala lang bayad tulad nila.” 

“At wala ring batas tulad niyan,” ani Isay.

“Teka, naiiba na ang usapan.” Ani Ingrid, “buntis ako, nais kong malaman paano ba ako makikinabang diyan sa aming kumpanya.”

“Meron dito,” ani Ines, “Eto. Basahin ko. Upang maging karapat-dapat sa nabanggit na mga benepisyo sa maternity leave, ang isang buntis na babaeng manggagawa sa pribadong sektor ay dapat na (i) magbayad ng hindi bababa sa 3 buwang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang  panganganak, o kung nakunan, o natapos na ang pagbubuntis; at (ii) abisuhan ang kanyang employer tungkol sa kanyang pagbubuntis at ang posibleng petsa ng kanyang panganganak. Ito pa ang malupit. Ang mga employer na hindi susunod sa mga probisyon ng batas ay magmumulta nang hindi bababa sa 20,000 piso o higit sa 200,000 piso at/o pagkakulong ng hindi bababa sa 6 na taon at 1 araw o higit sa 12 taon, gayundin ang hindi pag-renew ng mga business permit.”

Napabuntong-hininga si Ingrid sabay hipo sa tiyan. “Mabuti na rin iyan, kahit paano mula animnapung araw ay nadagdagan ng apatnapu’t limang araw. Kahit paano, mabuti upang makabalik ang katawan ko sa dati, at mas malusog. At makapagtrabaho muli”

“Ito pa,” ani Ines, “Iba pa ang solo parent sa may-asawa, kasi nakalagay dito, ang isang babaeng manggagawa na may karapatan sa maternity leave ay maaaring maglaan ng hanggang pitong araw ng bayad na bakasyon sa ama ng bata, bilang karagdagan sa mga benepisyong ipinagkaloob sa kanya sa ilalim ng Paternity Leave Act of 1996, kung naaangkop, kasal man siya o hindi sa babaeng manggagawa.”

“Aplikable pala iyan sa amin ng asawa ko,” Ani Ingrid, “di tulad mo na solo parent. May ibang batas pa para sa iyo.”

“Oo nga, eh. Buti nga, may Solo Parent Act na.” Ani Ines.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 1-15, 2019, pahina 14-15.

‎DALIT laban sa pesticide gas

DALIT laban sa pesticide gas ‎‎Gaano kasiraulo ‎ang mga gumawâ nito? ‎Yaong pabor sa negosyo ‎pinesticide gas ang tao! ‎ ‎Sa World War I ay ...