HANGIN
tila may dumamping hangin sa pisngi
amihan, habagat, may unos muli?
ang kalagayan ko'y pinagbubuti
upang sa ginagawa'y manatili
pangarap ko pa rin ang makatapos
sapagkat kailangan ng diploma
magkakatrabaho ang may natapos
ay, kayhirap maghagilap ng pera
at mabuhay sa kabila ng hirap
mag-working student, may konting sahod
matupad ko pa kaya ang pangarap
matutong lumangoy nang di malunod
muli, sa pisngi'y dumampi ang hangin
tila sinabing magpatuloy ako
at mga pinapangarap ay kamtin
pagsusumikapang magkatotoo
- gregoriovbituinjr.
08.14.2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento