Sabado, Agosto 23, 2025

Sa Buwan ng Kasaysayan

SA BUWAN NG KASAYSAYAN

patuloy lamang tayong magbasa
ng mga aklat sa kasaysayan
baka may mabatid pa ang masa
na nakatago pang kaalaman

tara, mandirigma't magigiting
o makabagong Katipunero
panlipunang sistema'y aralin
bakit ang daigdig ay ganito

mga digmaan ay anong dami
nais manakop ng ibang bansa
bakit may mga bansang salbahe
nangapital versus manggagawa

asendero versus magsasaka
pananakop versus tamang asal
elitista't mga dinastiya
versus masang kanilang nasakal

kasaysayan ay di lang si Andres
Bonifacio o Rizal, bayani
kundi pati masang ginagahis
sinasamantala't inaapi

dapat lamang baguhin ang bulok
na sistema, kaya pag-aralan
ang kasaysayan ng nasa tuktok
ng gumagawa't nasa laylayan

- gregoriovbituinjr.
08.23.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa Buwan ng Kasaysayan

SA BUWAN NG KASAYSAYAN patuloy lamang tayong magbasa ng mga aklat sa kasaysayan baka may mabatid pa ang masa na nakatago pang kaalaman tara,...