Miyerkules, Oktubre 29, 2025

Ang babae sa Thrilla in Manila

ANG BABAE SA THRILLA IN MANILA

kaytagal na ng Thrilla in Manila
nagdaa'y limang dekada na pala
kinder ako nang mabalita sila
tanda ko pa paglabas ng eskwela
binalitang si Ali'y nanalo na

ngayong taon, sa Ali Mall nakita
ang diorama ng labanan nila
at sa gitna'y tila may cheerleader pa
ang kanyang ngiti'y kahali-halina
round girl kayâ ang naturang dalaga?

minsan, ginagawa nating masaya
ang iba't ibang bagay na nakita
labang ito'y inabot kaya niya?
o iiling ang dilag na bata pa?
na ngiti'y kaakit-akit talaga!

- gregoriovbituinjr.
10.29.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Panunuyò at panunuyô

PANUNUYÒ AT PANUNUYÔ noon, kasal na kami, patuloy akong nanunuyò ngayon, wala na siya, lalamunan ko'y nanunuyô ganoon ako magmahal, mada...