Sabado, Nobyembre 1, 2025

Paggunitâ

PAGGUNITÂ

nasa pangangalagà na ni Bathalà
silang mga mahal nating namayapà
pinapanatag ng gayong paniwalà
yaring pusò sa kanilang pagkawalâ

kaya ngayong Undas ay alalahanin
ang bawat pag-ibig na dinanas natin
mula sa mahal na nawalâ sa piling
mga tinig na ibinulong ng hangin

alaalang nakaimbak sa isipan
habang anghel ay nagsisipag-awitan
tulad ng mga ibon sa kaparangan
tulad din ng pagbigkas sa panulaan

naaalala sa naiwang litrato
na tila buhày pag pakatitigan mo
silang bahagi nitong búhay sa mundo
tuwing Undas ay gunitaing totoo

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025

Bakas ng kahapon

BAKAS NG KAHAPON

narito't naiwan pa ang bakas
ng nakaraan, ng nakalipas
tulad ng kaalaman ng pantas
kung ano ang kakaharaping bukas

sa bakas man ay may tubig-bahâ
dahil sa mga tiwaling sadyâ
na mga kurakot na kuhilà
kayâ ang bayan ay lumuluhà

hanggang ngayon aking naninilay
di basta magpatuloy sa buhay
na sarili lang isiping tunay
kumilos pag di na mapalagay

maging bahagi ng kasaysayan
at mag-iwan ng bakas sa daan
na sa buhay na ito ay minsan
para sa hustisya'y nakilaban

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025

Paggunitâ

PAGGUNITÂ nasa pangangalagà na ni Bathalà silang mga mahal nating namayapà pinapanatag ng gayong paniwalà yaring pusò sa kanilang pagkawalâ ...