BUWAYA, BUWITRE, AT ULUPONG
parang holdaper ng buong nasyon
na harap-harapan ang insersyon
at pagkawat sa pondong dinambong
ng buwaya, buwitre't ulupong
nagkwentuhan ang kunwari'y lingkod:
Buwaya: "Di pa kami mabusog!"
Buwitre: "Di rin kami mabusog!"
Ulupong: "Pag busog na'y tutulog!"
ang mga buwaya'y tuwang-tuwâ
sa sinagpang na pondo ng bansâ
nagbundatan na ang walanghiyâ
at nagsikapalan din ang mukhâ
nanginain ang mga buwitre
ng buwis kaya di makangisi
pondo ng bayan ay sinalbahe
nilang masisibà araw-gabi
at sinagpang ng mga ulupong
ang kaban ng bayan, kinuratong
ng kontrakTONG, TONGresman, senaTONG
ulo nila'y dapat nang gumulong!
- gregoriovbituinjr.
11.24.2025

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento