Lunes, Nobyembre 3, 2025

Ikulong lahat ng mga kurakot

IKULONG LAHAT NG MGA KURAKOT

patuloy nating ibulong ang isyu
o kaya'y ipagsigawan na ito
upang maraming makaalam nito
upang sumama sa pagkilos dito

sadyang nakapanginginig mabatid
ang ginagawa nilang paglulubid
ng buhangin na animo'y makitid
ang kaisipan ng masang kapatid

ay, guniguni pala ang flood control
habang mga bulsa nila'y bumukol
katakawan nila'y sadyang masahol
pagkat buhay ng masa'y naparool

tumindi talaga ang kahirapan
pati na pagbabaha sa lansangan
masa'y dinala nila sa kangkungan
bansa'y tinangay nila sa putikan

ang mga tulog pa'y ating gisingin
ang mga gising na'y organisahin
isyung ito'y ipaliwanag man din
sa masang galit nang hustisya'y kamtin

ikulong lahat ng mga kurakot
na pati hustisya'y binabaluktot
ikulong na ang mga trapong buktot
ikulong lahat ng tuso't balakyot

- gregoriovbituinjr.
11.03.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Machiavellian daw ba ang mga kurakot?

  MACHIAVELLIAN DAW BA ANG MGA KURAKOT? Machiavellian daw ba ang mga kurakot? sa pulitika'y di dapat lalambot-lambot leyon at soro ang l...