Huwebes, Enero 1, 2026

Rice sa Tagalog: PALAY, BIGAS o KANIN?

RICE SA TAGALOG: PALAY, BIGAS O KANIN?

sa naritong tanong ay agad natigilan
sa krosword na sinasagutan kong maigi
dahil may tatlong sagot pag pinag-isipan
lalo kung ating batid ang wikang sarili

sa Labingsiyam Pahalang: Rice sa Tagalog
limang titik, alin? PALAY, BIGAS o KANIN?
mga katutubong salitang umimbulog
na madali lang kung ating uunawain

sa naga-unli rice, KANIN agad ang tugon
sa nagtatanim, baka isagot ay PALAY
sa negosyante ng bigas, BIGAS na iyon
mga salita nating kaysarap manilay

teknik dito'y sagutan muna ang Pababâ
kung sa Walo Pababâ, sagot ay Naisin
sa tanong na Hangarin, tutuguning sadyâ
ang panglimang letra'y "I", kaya sagot: KANIN

- gregoriovbituinjr.
01.01.2026

* krosword mula sa pahayagang Pang-Masa, Disyembre 17, 2025, p.7    

Makáhiyâ, diban, at kanákanâ

 

MAKÁHIYÂ, DIBAN, AT KANÁKANÂ

may natutunan na namang bagong salitâ
baka lalawiganin o lumang katagâ
na sa palaisipan ay nakitang sadyâ
subalit pamilyar ako sa MAKAHIYÂ

na "halaman tiklupin" yaong kahulugan
halamang pag hinipò mo'y titiklop naman
tawag sa "higaan-upuan" pala'y DIBAN
sa saliksik ay salin ng Ingles na divan

KANÁKAN ay "pagdadahilan", tingnan mo
lang sa U.P. Diksiyonaryong Filipino
parang "Indyan Pana, Kakanâ-kanâ" ito
madaling tandaan, luma'y mistulang bago

salamat sa palaisipan sa Abante
abang makata'y may natutunang mabuti
na magagamit sa kwento, tula't mensahe
na sa bayan at wika'y ipinagsisilbi

- gregoriovbituinjr.
01.01.2026

* MAKÁHIYÂ - 3 Pabahâ
* DIBAN - 4 Pahalang
* KANÁKANÂ - 28 Pahalang
* krosword mula sa pahayagang Abante, Disyembre 28, 2025, p.7

Sa litrato at sa gunita na lang

SA LITRATO AT SA GUNITA NA LANG

Bagong Taon, ngunit di ako Bagong Tao
makatang tibak pa rin ngunit nagsosolo
pagkat sinta'y wala na, wala nang totoo
siya'y nagugunita na lang sa litrato

maraming salamat, sinta, sa pagmamahal
buti't sa mundong ito pa'y nakatatagal
ang plano kong nobelang sa iyo'y inusal
noon ay kinakatha't sana'y mailuwal

at maipalathala't mabasa ng masa
bagamat madalas katha'y tula talaga
alay ko sa iyo ang una kong nobela
balang araw, tayo rin nama'y magkikita

mga litrato natin ay kaysarap masdan
na aking madalas binabalik-balikan
ika'y sa diwa't puso ko na nananahan
litrato mo na lang ang madalas kong hagkan

- gregoriovbituinjr.
01.01.2026

Pagsalubong sa 2026: Year of the Fire Horse

PAGSALUBONG SA 2026, YEAR OF THE FIRE HORSE

tahimik kong sinalubong ang Year of the Fire Horse
pulutan ay tahong at iniinom ay Red Horse
hay, katatapos ko lang maglinis ng tahanan
umidlip ng isang oras, tumagay, namulutan

sana'y walang matamaan ng ligaw na bala
sana'y walang lasenggong magpaputok ng baril
sana'y walang naputukan sa mga daliri
maayos sanang sinalubong ang Bagong Taon

ngunit taon lang naman ang nabago talaga
habang nariyan pa rin ang bulok na sistema
patuloy pa rin nating hanapin ang hustisya
panagutin ang mga kurakot at buwaya

maya-maya'y matutulog muli ako't antok
matapos ang isang boteng Red Horse ay malagok
New Year's Resolution: Ralihan ang trapo't bugok
lalo na ang mga kurakot na nasa tuktok

- gregoriovbituinjr.
01.01.2026

New Year 2026: Ikulong na 'yang mga kurakot!

NEW YEAR 2026: IKULONG NA 'YANG MGA KURAKOT!

alas dose na pala, bigla akong bumalikwas
pagkat nagpuputukan na't kay-ingay na sa labas
wala mang paputok o torotot na ilalabas
may boses akong ipinang-ingay din ng malakas

sinabayan ko ng sigaw ang ingay ng paputok
isinigaw ko'y: Ikulong na 'yang mga kurakot!
inihiyaw upang baguhin ang sistemang bulok
at panagutin ang mga kawatan at balakyot

pagpupugay sa lahat ng mga nakikibaka
upang lipunang makatao'y itayo talaga
upang mandarambong ay mapanagot na ng masa
upang baguhin ng bayan ang bulok na sistema

ang sinigaw ko na ang aking New Year's Resolution
tuloy ang laban, tuloy ang kilos at ang pagbangon
lahat ng mga kurakot ay dapat nang makulong
di lang dilis kundi mga pating na mandarambong

- gregoriovbituinjr.
01.01.2026

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/1Zy6Mr7RfD/ 

Rice sa Tagalog: PALAY, BIGAS o KANIN?

RICE SA TAGALOG: PALAY, BIGAS O KANIN? sa naritong tanong ay agad natigilan sa krosword na sinasagutan kong maigi dahil may tatlong sagot pa...